Naluluhang mata at malungkot na tinig ang bumati sa akin habang naghahanda akong umalis. "Itay magtatagal ka po ba doon?" tanong ng aking bunso.
"Oo anak, sabi ng mga kasama ko matindi daw ang laban doon. Pero kung suswertehin ay makakapaguwi ako ng kristal, mga kristal na maibebenta daw ng mahal. Mabibili na natin lahat ng gusto mo!" pampalubag loob kong sagot sakanya kahit na maski ako'y di sigurado sa gagawin ko.
Niyaya ako ng aking mga kasama na maglakbay sa isang lugar na malayo sa aming probinsya. Madami daw kristal doon, at ang ilang pinalad na makabalik ay may mansyon na ngayon. May mga ilang sinasawing palad daw at doon na namamatay, pero kung may tapang ka daw ay malaki talaga ang tyansa mong maihaon sa hirap ang pamilya mo.
Madaling araw noong umalis kami sa nayon. Dala ang aming mga sandata at lakas ng loob ay sabay sabay kaming nanalangin na ibalik kami ng ligtas sa aming mga pamilya.
May halong takot at kaba akong nanghingi ng kasiguraduhan sa mga kasama ko "Tol sigurado ba kayo sa gagawin natin?" tanong ko.
"Malaki ang lamang mo kumpara sa mga kasama natin pre. Wala kang dapat ikatakot, yung anak nga ni Aling Luding nakapagpatayo na mansyon at nakabili ng bukirin sa dami ng kristal na nakuha nya eh. Partida babae pa yon!" bahagya akong napanatag sa narinig ko, ilang oras pa ang nagdaan ay narating narin namin ang aming pupuntahan.
Ilang araw din kaming nagpalakad lakad sa lugar na ito. Tahimik pero sigurado ang bawat hakbang upang hindi mahuli ng mga demonyong umaaligid sa pesteng lugar na ito. Kahit saan ka tumingin ay may mga alipin silang tao, sa tuwing makikita kami ay tila sinesenyasan kaming tumalikod nalang at bumalik sa pinanggalingan namin. Pero andito na. It's now or never ika nga.
Tirik na tirik ang mga araw noong lumarga kami, lingid sa aming kaalaman ay yun narin ang huling araw na magiging malaya kami. Nahuli kami ng mga kampon ng demonyo at sapilitang ginawang alipin sa kanilang kaharian. Binibigyan ng sapat na pagkain upang hindi mamatay, kung tutuusin ito ang tinuturing namin na kanin-baboy sa probinsya.
Inalam ko ang lahat ng dapat malaman sa lugar na ito. Bukas daw ay maguumpisa ang totoong kalbaryo, kakailanganin mong makipagbuno sa kapwa mo tao para lang makarating kung saan ka man naka destino. Hindi ito biro dahil wala kang pagpipilian, kailangan mong ipitin at unahan ang kapwa mo para hindi ka mahirapan pa lalo. Naisip ko na mabuti pa sa lugar namin ay hindi ko kailan man kinailangang gawin ito. Kwento din ng ilan ay may ilang tao din daw na desperadong makatakas dito, kaya pati kapwa tao ay pinapahamak para sa sariling interes. Marami na din daw ang napatay dito dahil sa iba't ibang dahilan, madalas ay gawa ng mga demonyo. Minsan ay pati ng kapwa mo tao.
Ilang araw at bwan din ang lumipas na puro pangaabuso ang natatanggap namin mula sa mga demonyong ito. Madami nadin sa mga kasama namin ang sumuko sa buhay at tinanggap ang kapalaran nila. Pero kailan ma'y di ako susuko, para sa anak ko, para sa pangako ko.
Sinubukan kong humanap ng paraan para mahanap ang mga kristal na nakatago daw sa mga bahay ng mga demonyo, ayon sa haka-haka kaya nitong pagalingin ang kahit na anong sakit, pasunurin ang mga tao o maging isang Dios. Pinlano ko ng mabuti ang bawat gagawin sa loob, may ilang kasama din akong nagustuhan ang plano ko. Pagkatapos nito'y kakaripas kami palabas ng kaharian nila, kaharian ng mga demonyo.
Pinasok na namin ang isang kweba ng demonyo na ayon sa usap usapan ay nagiisa lang. Mabilis ngunit sigurado ang bawat hakbang, iniiwasan na magising ang isang demonyo at tumawag ito ng kasamahan nya. Papatayin nila kami kapag nagkataon. Natunton na namin ang kinaroroonan ng mga kristal nya, sapat ito para sa aming lahat, mababakasan ang galak sa ngiti ng bawat isa.
Isang putok ang tumapos sa isa naming kasama, dali dali kaming nagtago upang hanapin ang kinaroroonan nito. Isa pang putok, at isa pa, at isa pa. Basag ang kanang braso ng isa pa naming kasama na dali dali naming hinila palabas habang sinusubukang gumanti sa demonyo.
Humiyaw ang mga kampon ng demonyong kulay bughaw, napakalakas, napakaliwanag, nakakatakot. Kumaripas na kami ng takbo, iniwan ang sugatang kasama sa pagasang mapapabagal nito ang paghuli sa amin. Iba't ibang direksyon ang tinakbo naming tatlo. Isang mabilis na sulyap na hudyat ng pamamaalam sa isa't isa sa katotohanang walang kasiguraduhan ang susunod na mga sandali.
"Pakiusap! Wag nyo po akong patayin!" protesta ng isa kong kasamahan kasabay ng umaalingawngaw na tunog na kumitil sa kahabag-habag nyang buhay.
Nagsigawan nanaman ang mga demonyo, hindi ko na alintana ang pagod at sakit sa sobrang takot. Alam kong sa sandaling ito'y ako na lamang ang natitira sa amin. Pilit akong tumatakbo papunta sa bungad ng kaharian nila, kahit na alam kong mas mabilis silang makakapunta doon.
Hindi nga ako nagkamali at nandito sila, dahan dahan at tahimik akong humahanap ng daan sa madilim na kakahuyan. Isang baling sanga ang nagbunyag sa aking kinaroroonan. Nagsigawan nanaman ang mga kampon ng demonyo. Masakit na ang aking binti ngunit tuloy parin ako sa pagtakbo. Hindi ko namamalayan na dumudugo na pala ito.
Isa sa tadyang, dalawa sa braso at dalawa sa binti ang tumama sa akin. Mabuti na lamang ay natakasan ko na sila, ngunit labis labis ang pagdurugo ng aking katawan, hindi sapat para umabot sa aming bayan.
Nakita ko ang isang pamilyar na sasakyan. Sigurado akong ito ang truck na ginagamit sa bayan para magpadala ng bigas. Palihim akong sumakay dito hanggang sa makaalis ito. Nagbabakasakali akong sa amin nga ang destinasyon nito.
Inilapat ko ang aking likod at tumingin sa kadiliman ng langit, naisip kong mabuti pa ang mga taong ito'y hindi na kailangan pang kalabanin ang mga demonyo. Nagagawa nilang bumalik sa kanilang mga pamilya kahit medyo kapos ang pagkain sa mesa.
Habang nalulunod ako sa sarili kong dugo ay naisip ko ang aking anak. Pagsisisi na lamang ang naiisip ko sa mga panahon na yon, na sana'y hindi na lang ako umalis sa bayan namin. Hapo na ang aking mata at kaluluwa, oras na para magpaalam. Kung may pagkakataon lang na makausap ko ang anak ko sa huling pagkakataon ay babalaan ko sya na walang kayamanan sa Maynila.
Wala para sa mga tulad namin.
