Kafir

24 4 4
                                    


Genesis 1:26 "At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawat umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa."


"Rumi. Rumi! Gising, nandito na tayo!"

Ilang malalakas na tapik sa braso ang tuluyang nagpadilat sa dalaga. Pagkadaing ay nagkusot siya ng mata bago dinungaw ang hinintuan nilang lugar mula sa bintana ng van.

"Bilisan mo at tulungan mo kaming magbaba ng gamit ng papa mo! Magdidilim na!"

Kasabay ng pagtanggal at pagbaba sa leeg ng suot na headphone ang pagbuga niya nang mabigat na buntonghininga.

"Dito na ba tayo titira, Ate?"

Isang baling sa tabi at sinalubong siya ng inosenteng tingin mula sa nakababatang kapatid. Yakap nito ang isang stuff toy habang hinihintay ang sagot niya.

"Magbabakasyon lang tayo rito, uuwi rin tayo," aniya kahit maging siya'y hindi sigurado ro'n.

Nanatiling tahimik na nakatuon sa kaniya ang kapatid kaya't sinubukan niya itong bigyan ng magaang ngiti.

"Hahanapin natin 'yung swing mamaya, pero tulungan muna nating magbaba ng mga gamit sina Mama't Papa ngayon, okay?"

"May swing?" Nagliwanag ang ekspresyon nito.

Pagkatango ay at saka lamang niya nakumbinsing bumaba ng sasakyan ang kapatid. Kapwa dumiretso ang dalawa sa bukas na trunk para tumulong sa pagbaba ng mga bagahe. Hila ang isang maleta at sukbit ang bag, sandaling natulos sa kinatatayuan ang dalaga ng sumalubong sa kaniya ang pamilyar na matandang bahay. Ngunit mula sa balkonahe sa pangalawang palapag ay hindi niya nakita ang nakasanayan niyang naro'n.

"Ate?"

Isang mahinang singhap at saka siya muling nagpatuloy sa paglakad.

"Kamamatay lang ng ina, ngayon ba talaga natin kailangang pag-usapan 'yan?"

"Isa pa 'yan! 'Di ba dito mismo natagpuan ang bangkay? Tapos dito mo kami dadalhin ng mga anak mo?"

Kunot-noong tinakpan ni Rumi ang magkabilang tainga ng kapatid bago magtungo sa hagdan paakyat. Iniwan niya ang maleta sa sala kung saan nagtatalo ang mag-asawa.

"How many times do I have to tell you? We have no choice! Itong ancestral house lang ang naiwan ni Ina! Ang swerte pa nga natin at sa akin ipinaubaya! Kasi kung hindi, saan tayo pupulutin ngayon?"

"At sinong may kasalanan n'yan?"

Dire-diretsong pumanhik ang magkapatid at nagtungo sa bakanteng silid.

"Ate, I'm hungry."

Kinapa niya ang bulsa ng suot na jacket para sa chocolate bar. Ngunit bago iyon tuluyang iabot sa kapatid ay tinignan muna niya ito at saka itinapat ang daliri sa mga labi. Agad itong ngumiti at tumango ng makuha ang gusto niyang ipakiwari.

Tanging langitngit ng sahig na lapag mula sa mabagal niyang paghakbang ang rinig ng matahimik ang silid. Mula sa mga lumang litratong nakapaskil sa pader ay natuon ang atensyon niya sa malaking bintana. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim mula sa mga sanga ng matandang puno ng mangga ng dumungaw siya ro'n.

Sandali siyang pumikit at humugot nang malalim na hininga't dahan-dahan iyong pinakawalan. Aktong isasara na sana niya ang bintana ng matigilan dahil sa kung anong kumislap. Pula iyon, kung hindi siya nagkakamali. Ngunit ng muli niyang suriin ng tingin ang puno at paligid niyon ay walang anomang naro'n.

KafirTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon