Madalas tayong takutin na may Aswang kapag sumasapit na ang dilim. Kilabot at pangamba agad ang nararamdaman natin. Papaano kaya kapag nanahan na ang mga ito sa lungsod? Papaano kung makikita natin sila? Ang dating mga kwento lang, kwentong panakot sa mga bata, nagkakatotoo na yata(?)
---
Barangay 160, Caloocan, Metro Manila
8:16 PM
"May natagpuang patay na naman daw dun sa eskinita kagabi."
"Oo balita ko isang estudyante, Grade 11 pa lamang 'ata yun. Jusko, nakakatakot! Sunud-sunod na 'atang may nababalita na mga namamatay."
Umaalingawngaw ang maiinit na usap-usapan na ito nang mapadaan si Lila at Kino sa palengke mula sa pagtitinda. Pasado alas-otso ng gabi nang maisipan na ring tumingin ni Lila ng kanyang makakain para sa hapunan. Habang binabaybay nila ang kakitiran ng palengke ay napansin niyang marami na ring tindahan ang agaran nang nagsasara dahil sa muling pag-usbong ng pinakabagong balita nang pagkamatay.
Si Kino ay ang nag-iisang kaibigan ni Lila mula nang lumuwas ang dalaga pa-Maynila. Nakatira lamang ito malapit sa kanyang inuupahan.Dalawang buwan mula nang makalipas, ito ang unang pagkakataon ng dalaga na umalis sa kinalak'hang tahanan sa Samar. Bunga ng kahirapan at kakulangan sa oportunidad sa probinsya, napagdesisyunan nito na sumubok na makipagsapalaran sa buhay sa Maynila.
Sa paglipas ng mga linggo, natutunan niyang umangkop sa matitinik na sulok ng siyudad-paghahanap ng trabaho sa umaga, pagtitinda sa palengke sa hapon at pag-uwi sa kanyang maliit na inuupahan sa hatinggabi. Sa tulong ng kanyang kaibigan na si Kino, at ng kanyang ina na si Aling Rosa, nakapagsimula itong magkaroon ng pagkakakitaan, sapat na rin sa pangtustos sa kanyang pang-araw-araw nang irekomenda ito ng mag-ina bilang isang tindera sa grocery store sa palengke.Sa kabilang banda, ang kanyang kaibigan naman na si Kino, ay nagtutulak ng kariton at nagbebenta ng gulay sa palengke pagkagaling nito sa eskuwela. Para sa kaniya'y ang mag-ina ay nagmistulang mga biyaya ng Maykapal sa kaniya.
Sa kanyang pagmamasid-masid sa paligid, aniya'y ang dating magulo at maingay na pook, ngayo'y unti-unti nang binabalot ng mga pangamba at takot.
Ang kaabalahan sa kalsada na kanyang nakasanayan, ngayo'y gabi-gabi ay naglalantad ng mga katawang nakabulagta at nakadapa sa madilim na lansangan.
Aswang, iyan ang itinuturong dahilan.
"Hoy mga bata, umuwi na kayo!"
Napukaw ang pansin ng magkaibigan sa mga kabataang kumaripas sa pagtakbo nang sitahin ito ng mga tanod ng Barangay. Nakuha rin ang atensiyon niya ng iilang mga kapulisan na rumuronda sa buong lugar.
"Lila, ano pang ginagawa mo rito? Umuwi ka na... Alam mo naman na delikado ang magpagabi sa kalsada ngayon lalo na sa mga kabataang gaya mo."
Isang pamilyar na mukha ng pulis ang biglang bumungad sa harap niya.
Si Mang Rolan. Ang pulis na nakatira sa kabilang pintuan ng kanyang inuupahan at ang nagmamay-ari rin nito. PO3 Rolando Dela Cruz, isang pulis na iginagalang sa kanilang lugar. Matipuno at matikas, palaging nakasuot ng uniporme na nagliliwanag sa araw.
Tutugon pa sana si Lila sa kapit-bahay na pulis ngunit agad ding umalis ito at bakas sa kilos ang pagka-abala at pagmamadali nito para sa kanilang operasyon na nagpapanatiling maging ligtas ang buong syudad.
Naging senyales na rin ito ni Lila upang siya'y tuluyan nang umuwi sa kanyang apartment.
YOU ARE READING
Halimaw sa Uniporme
Short StorySa isang modernong lungsod kung saan ang mga tao ay abala sa kanilang pang-araw-araw na buhay, isang madilim na lihim ang nagkukubli. Ang mga aswang, mga nilalang ng alamat, ay umangkop sa bagong kapaligiran-nagmamalaki ng mga bagong anyo upang maka...