Gladys's POV
Sabay kaming naglalakad nina Varron, Felicity, at Denice papunta sa aming mga dorm matapos ang klase. Natigil kami sa aming kwentuhan at paglalakad nang makita namin sina Limuel at Riya na hinahawakan ng dalawang lalaking naka-itim ang kanilang mga kamay. Kasama nila si Ma’am Helly na tila walang pakialam sa sinasabi ng dalawa.
“Ma’am, maawa na po kayo! Hindi na namin uulitin! Ma’am, huwag nyo kaming ilipat, ma’am!” halos lumuhod na si Riya habang nagmamakaawa kay Ma’am Helly, pero parang bingi lang ito.
Nagulat ako nang biglang lumuhod si Limuel sa harapan ni Ma’am Helly, dahilan upang tumigil ito sa paglalakad.
“Ma’am, bigyan nyo po kami ng isa pang pagkakataon! Ayaw pa po naming mamatay!” umiiyak na sabi ni Limuel.
Tiningnan lang siya saglit ni Ma’am bago nagsalita.
“Let’s go.” Matigas na utos ni Ma’am Helly sabay senyas sa lalaking naka-itim na patayuin si Limuel.
Walang takas ang dalawa dahil mahigpit ang pagkakahawak sa kanila ng mga lalaki. Kung kami kaya ni Felicity ang nahuli kanina, kami rin kaya ang nasa kalagayan nila ngayon?
“Halika na,” mahinahong sabi ni Denice, pero nang lingunin ko sina Felicity, nakita kong kabaliktaran ang kanilang mga reaksyon. Parehong bakas ang pagkabalisa sa kanilang mga mukha at tila naiiyak na.
“Masasanay rin kayo sa ganitong mga pangyayari. Hindi pa ito ang pinakamasahol sa mga makikita ninyo,” sabi ni Denice, dahilan para kaming tatlo ay mapatingin sa kanya.
“Habang tumatagal kayo sa unibersidad na ito, mas lalala ang mga sitwasyong masasaksihan ninyo,” dagdag niya, dahilan upang bumilis ang tibok ng puso ko.
Magtatagal pa ba kami rito?
Nang makarating sa room ay hindi na ako kumain ng hapunan at pinili kong humiga na lang sa kama. Parang nawalan ako ng gana sa lahat dahil sa mga nakita ko kanina.
Sa ilang araw ko pa lang dito sa unibersidad, marami na akong nalabag na mga patakaran — hindi pagsunod sa curfew, pagpasok sa kwarto ng lalaki, at ang pandadaya kanina sa quiz.
Kapag nalaman ng iba ang mga nagawa kong paglabag, maaari akong matulad kina Limuel at Riya. Ang mas malala, baka si Khalil pa mismo ang pumatay sa akin. Natigil ako sa malalim na pag-iisip nang biglang may kumatok ng malakas sa aming pinto.
Agad akong bumangon at tumingin sa ibaba, nakita ko si Felicity na bumangon rin mula sa kanyang kama.
Malalakas ang katok, halos magiba ang pinto.
“Tulong!” Nagkatinginan kami ni Felicity nang marinig namin ang tinig ng taong nasa labas.
Bumaba agad ako mula sa kama at napansin ko si Denice na gising na rin dahil sa ingay. Lumapit ako sa pinto at tumingin sa kanilang dalawa, nagdadalawang-isip kung bubuksan ba ito.
Biglang gumalaw ang kamay ko at binuksan ko ang pinto.
“Gladys!” tawag ni Denice, ngunit huli na.
Pagkabukas, tumambad sa akin si Riya, duguan ang buong katawan — ang mga kamay at paa niya ay may mga sugat na parang tinaga.
“R-Riya…” Ang pangalan niya ang lumabas sa bibig ko, kasabay ng pagbagsak niya sa lupa.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita kong may punyal na nakatarak sa kanyang likod. Biglang tumulo ang mga luha ko. Hinila ako ni Denice papalayo at agad isinara ang pinto. Galit na galit ang mukha niya habang nakatingin sa akin.
“ALAM MO BA KUNG GAANO KA DELIKADO ANG GINAWA MO, GLADYS?!” sigaw niya, ngunit tulala pa rin ako sa mga nangyari. Nakaupo ako sa sahig, nanginginig ang mga tuhod at walang tigil ang pagtulo ng luha.
YOU ARE READING
A JOURNEY BEYOND GRADES
RomanceIsang pribadong eskwelahan na ang mga mayayaman lng ang nakakaalam. Isang paaralan na pinagbabawal ang pagtataksil at ang mga panloloko. In this school, cheaters are not allowed. Once you're caught cheating or get a low grades you will be moved to a...