"There you are!"
Muntikan nang mapatalon mula sa kanyang kinauupuan si Keanna nang marinig niya ang boses na iyon ni Jess. Katatapos lang na noon ng art department sa paghahanda ng set at ng mga gagamiting props para sa performance for the day, naiwan lang siya dahil inaantay din niya sina Cindy na may ginagawa pa kasama sina Andrew sa organizing committee.
"Nandito ka lang pala, kanina pa kita hinahanap!" tuloy nang lalaki habang papalapit sa kanya.
"B-bakit?" hindi pa rin mapigilang pautal na tanong ni Keana. "May problema ba?"
"Meron," seryosong saad ni Jess dahilan para muling kabahan si Keana, this time, hindi na lang dahil sa paglapit ng lalaki sa kanya.
Sa dinami-dami kasi ng problemang inayos nila ng araw na iyon dahil sa papalapit nang play date ng performance nila for the week, hindi niya alam kung kakayanin niyang i-handle ang isa pa, higit lalo kung ang problemang iyon ay manggagaling sa binata.
Pero kung anuman ang inaasahan niyang sasabihin ng lalaki, o kahit na iyong problemang mismong iyon na kailangang niyang lutasin, hindi niya inasahan ang sumunod na nangyari.
"Tara!" ani lamang ni Jess bago nito hinawakan ang kanyang kamay at hinila siya paalis sa kuwartong kanilnag kinaroroonan.
Wala nang nagawa si Keana kundi sumunod sa lalaki.
"Teka, teka... saan tayo pupunta?" tanong niya.
"Basta..." sagot lamang ni Jess na hindi man lang siya nilingon o tinapunan man lang ng tingin. Wala pang ilang minuto ay naintindihan din ni Keana kung nasaan ang 'Basta' na iyon ng lalaki. Napansin niya kasi na papasok sila sa direksyon ng practice area ng mga performers nila.
"Teka," awat niya sa lalaki bago pa man sila makapasok. "Bawal sa mga members ng ibang department na pumasok diyan..." dugtong niya.
Ayon kasi kina Chandra at Shin, mawawala ang 'surprise' effect pag nakita na agad ng art department ang performances na gagawin lalo pa nga at karamihan sa mga manonood ay mula din sa kanila. "Para may suspense lang..." ayon pa kay Chandra.
"Relax," ngiti lang ni Jess na hinilang muli ang kamay ni Keana, and this time, hindi na nakapag-preno pa ang babae. "Ako lang ang nandito ngayon. Besides, kung magagalit man sila, hindi lang sa'yo sila dapat magalit. Technically speaking, sa art department naman talaga ako nakatoka."
Ibinuka ni Keana ang kanyang bibig para sana kumontra sa lalaki pero dagli rin niya iyong itinikom dahil naisip niyang tama nga rin naman si Jess. Napabuntong-hininga na lang siya habang nailing bago niya ipinasyang ibukang muli ang kanyang mga bibig pero this time, hindi na para kumontra.
"Ano bang gagawin natin dito?" tanong niya.
By that time, Jess had already let go of her hand at may kung anong hinalungkat mula sa patung-patong na mga papel at folders na nakapatong sa mga mesa roon. Marahil ay hindi nito nakita ang hinahanap, binuksan din nito ang mga drawer na naroroon.
Hindi muna nangulit si Keana habang pinanonood ang lalaking ganoon. Maliban kasi sa ayaw niyang distorbohin ang lalaki na halata namang ayaw magpatulong, o kahit sabihin man lang, sa kanya ang hinahanap nito, she found his rather agitated form rather endearing. Nacu-cute-an pa siya sa bahagyang pagkakunot ng noo ng lalaki habang naghahalungkat ito.
Her eyes were still on Jess nang sa wakas ay mag-angat na ito ng tingin na may ngiti sa mga labi. Malamang ay nakita rin nito ang pagtuon na naman ng kanyang mga mata rito pero hindi katulad noong umagang iyon, hindi na nagkomento ang lalaki. Sa halip, initsa na lamang nito sa kanya ang noo'y hawak-hawak nitong folder.