Chapter One

4.4K 96 0
                                    

KANINA pa pinagmamasdan ni Ocean ang babaeng nakaupo sa pinakasulok ng school library—si Starlesha Jane Martinez, o mas kilala bilang "Star." Nakaugalian na niyang pagmasdan ito mula sa malayo, o mas tama sigurong sabihin na gustong-gusto niyang pinagmamasdan  ang napakaganda at napakaamong mukha nito. 

Nakilala niya ito nang di-sinasadyang mabunggo siya nito noong enrollment. Hindi man siya tiningnan nito nang humingi ito ng paumanhin sa kanya dahil nagmamadali ito, sapat na iyon upang mahalina siya sa malaanghel na boses nito.

Nalaman niya ang pangalan nito nang pasimple niyang tiningnan niya ang hawak nitong registration form. Third year na ito sa kursong Business Administration. Siya naman ay fourth year na sa kursong Civil Engineering.

He was attracted to her in an instant.  Tandang-tanda pa niya ang hitsura nito noon. Minemorya niya kasi ang bawat inch ng mukha nito. Bulaklaking bestida na malambot ang tela ang suot nito. Inililipad ng hangin ang mahaba at makintab nitong buhok. Naaalala rin niyang matamis ang amoy nito, kaya nga hindi niya napigilang pasimpleng amuyin ito.

Sa totoo lang, hindi siya naniniwala sa love at first sight. Napakaimposible naman kasing mangyari iyon. Ngunit nagbago ang pananaw niya nang makita si Star. Tinamaan talaga siya  nang matindi rito sa unang pagkikita pa lang nila. Tuwing nakikita niya ito ay bumibilis ang tibok ng kanyang puso. Hindi pa niya nararanasan ang ganoon sa kahit sinong babae. Ito pa lang ang nagparamdam ng ganoon sa kanya. Kaya alam na niya sa unang pagkikita pa lang nila na magiging espesyal ito sa buhay niya.

Bukod sa atraksiyong nadarama niya para kay Star ay curious din siya rito. Misteryosa kasi ang dating nito. Napakagandang babae nito ngunit napakalungkot ng mga mata. Hindi ito ngumingiti. Palagi rin itong nag-iisa. Wala ba itong mga kaibigan? May mabigat ba itong problema na pinagdaraanan kaya ito malungkot?

Aalamin niya.

Nakita niya itong tumayo at inabot nito ang isang makapal na libro na nasa gawing itaas ng shelf. Mukhang nahihirapan itong abutin iyon. Tutulungan na sana niya ito nang magsalita ang matalik na kaibigan niyang si Iggy. Natigilan siya.

"Ocean Apollo, sino ba ang tinitingnan mo riyan? Baka magka-stiff neck ka. Kanina pa ako nagsasalita rito pero parang wala kang naririnig. Buhos na buhos ang atensiyon mo sa tinitingnan mo."

"Manahimik ka riyan, Ignacio Anastacio," nang-uuyam na sabi niya, mayamaya ay ibinalik din agad niya ang tingin kay Star.

Nakuha na ni Star ang libro. Nakaupo na uli ito at ipinagpatuloy ang pagbabasa. Serious mode na uli ito. Sayang, pagkakataon ko na sanang maka-make a good impression sa kanya, nanghihinayang na sabi niya sa isip. But then there's always a next time.

"Pasalamat ka at maganda at pang-makata 'yang pangalan mo, Karagatan," nakangiwing sabi ni Iggy na isinalin pa sa Tagalog ang pangalan niya para asarin siya. Well, sorry na lang ito dahil hindi siya naaasar. Hindi siya kagaya nito na naiinis sa pangalan nito. "Ang akala mo ba, hindi ko alam? Si Star na naman ang tinitingnan mo, 'no? Malapit na ngang lumuwa ang eyeballs mo, eh. Magsabi ka ng totoo. Niyaya mo lang ba akong mag-library dahil nandito siya? Man, are you a psycho or what?" nakangising tanong nito. May pahagud-hagod pa ito sa baba.

"Pinagmamasdan ko lang siya, psycho na agad?" tanong niya.

"Weh? Eh, ano'ng tawag mo sa ginagawa mo ngayon? Kung ako si Star, natakot na ako sa 'yo."

"Oo na. Siya nga ang dahilan kaya kita niyaya rito," pag-amin niya. "Hindi ko mapigilan ang sarili ko, eh. Pero huwag kang mag-alala, maingat naman ako kaya hindi niya ako mahahalata."

"I knew it. Man, why are you so obsessed about her? Ay, oo nga pala, na-inlababo ka nga pala sa kanya. Pero salamat na rin sa pagyayaya mo sa akin dito. Bigla kong naalala na may project nga pala tayong dapat gawin." Tumawa ito nang mahina.

MY PRECIOUS STAR ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon