Chapter 2

244 6 1
                                    


"SO, ano ang trabaho mo?" seryosong tanong ni Wela kay Crisanto. Kasama niya ito sa loob ng tindahan.

"Sa ngayon, wala," matipid nitong sagot. Walang bago.

"Kung ganoon, paano ka makakapagbayad sa'kin ng renta buwan-buwan?" nakataas na ang isang kilay niyang tanong.

"Maghahanap ako ng trabaho. Huwag kang mag-alala, madiskarte akong tao," anito nang may matipid na ngiti.

"At talagang sigurado kang makakahanap ka agad ng trabaho? Alam mo ba kung gaano kahirap maghanap ng trabaho ngayon, ha?" panenermon na niya. Hindi siya makatiis dahil parang hindi siya sineseryoso ng lalaki.

"Alam ko. May ipon naman ako kaya huwag kang mag-alala."

"Fine. Paano ka nakarating dito sa lugar namin?" sunod niyang tanong.

"Na-demolish iyong bahay ko. Nabili kasi ng isang malaking kompanya iyong kinatitirikan," mabilis nitong sagot.

"At ang pamilya mo?"

"Nasa probinsya ang mga magulang at kapatid ko."

"Ano ang dati mong trabaho?"

"Sales clerk sa isang mall."

Napabuntong-hininga si Wela. Kailan kaya hahaba sa dalawang pangungusap ang mga isinasagot nito sa kanya. Ang point ng interview na iyon ay upang magkuwento ang lalaki tungkol sa buhay nito ngunit parang ang hirap dito na gawin iyon.

"Alam mo, hindi ko na alam kung ano ang itatanong ko sa'yo," dismayadong pag-amin niya.

Sa wakas ay ngumiti si Crisanto, ngiting totoo. "Magtiwala ka lang sa'kin, Wela. Hindi ako mamamatay tao o rapist o magnanakaw. Hindi ako ganoon at walang balak na maging ganoon kahit kailan."

Yes! Three sentences na! Naniniwala siyang kaunting push pa at hahaba pa iyon. Mababaliw siya sa lalaking ito. "Sige na, naniniwala na ako sa'yo. Mahirap magtiwala lalo na sa panahon ngayon pero pinagkatiwalaan kita. Sana naman ay 'wag mong sisirain ang tiwala ko sa'yo."

"Pangako," anito, bahagyang nangiti. Para kay Wela ay sapat na iyon. Nagtataka rin siya sa sarili. Nagtataka siyang hindi siya nahihirapang paniwalaan si Crisanto. Hindi bale, marami pa siyang panahon para kilalanin ito.

"Wela," anang isang tinig ng lalaki mula sa labas. Napangiti si Wela nang makita si Felix. Manliligaw niya ito, isa sa pinakamasugid. Hindi naman sa nagyayabang siya ngunit marami namang nagkakagusto sa kanya ngunit wala lang siyang magustuhan mula sa mga ito.

Well, iba si Felix. Hindi kasi ito iyong tipong tambay sa kanto. Galante rin ang isang ito, madalas siyang padalhan ng load kahit hindi siya nanghihingi. Nakatira si Felix malapit sa tindahan niya at ang bahay nito ay ang pinakamalaki na yata sa lugar nila. Marami ring kaibigan si Felix at ang alam niya pa ay marami itong batang pinaaaral. Mayaman ang pamilya ni Felix ngunit hindi niya alam kung ano ang pinagkakakitaan ng mga ito.

"Uy, Felix!" masiglang bati niya sa lalaki. "Kumusta? Ang tagal na noong huling beses na napadaan ka rito."

"Naging abala kasi," nakangiting sagot nito. Lumipad ang mga mata nito kay Crisanto na nakatingin lang sa kanila.

"Siya nga pala si Crisanto," pagpapakilala niya rito kay Felix. "Boarder ko."

Lumapit si Crisanto para kamayan si Felix. "Pare," bati ng lalaki na tinanguan pa si Felix.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 24, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sa Tindahan ni WelaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon