NANG AKO'Y SINUBOK...

47 3 0
                                    

Hindi boring ang klase namin at sigurado ako roon. Paanong magiging boring samantalang nasa harapan namin ang tinuturing naming best friend. Paborito namin siya dahil hindi siya basta-bastang guro. Kakaiba siya, sobrang naiiba. Sa lahat ng naging guro ko mula noong elementarya ako ay siya palang ang gurong maituturing kong labis ang pagkahumaling sa propesyon niyang pagtuturo. Para sa kanya, alas-syete ng umaga ay alas-syete, at ang usapan ay usapan. Siya si Ma’am Best. Ang gurong laging nagpapagawa ng takdang aralin at prodyek. Siya na madalas ay nagpapagawa ng gawain sa klase, siya na walng ginawa kundi manermon.

“Maglabas ng isang buong papel. At gumawa kayo ng talahanayan at inyong isa-isahin ang pagkakaiba ng...” at mahaba-haba pang pagbibigay ng panuto para sa iba na namang gawaing pampagkatuto. At sigurado ako, mahaba-haba pa iyon.

“Pagkatapos ng gawain ay pumunta kayo sa inyong mga kagrupo at pag-usap-usapan ninyo ang resulta ng inyong mga talahanayan.”

Panibagong gawain, pesti!sabi ko sa aking isipan. At yun nga, nagtuloy-tuloy pa si Ma’am Best sa pagtatalak. At marami pang blah! Blah! At blah!

Lumapit ako sa aking mga kagrupo at ewan ko ba, parang kagrupo ko lahat ang mga valedictorians-wanna-be. Panalo to, sabi ko sa aking isipan. Mas mainam na lang na hindi ko sabihin sa kanila dahil baka ma-offend sila kahit maganda naman ang sinabi ko. Iniisip ko, panalo na sila ang kasama ko para may rason na hindi maganda ang output ng grupo. Sasabihin ko na lang na: sila kase ang kagrupo ko kaya gano’n ‘yung output namin, wala kaseng maaasahan. O di ba? Panalo talaga!

Maya’t maya pay ramdam ko na ang pamimigat ng mga talukap ng aking mga mata. Mahiwaga ang pakiramdam na ito, sobrang hiwaga na hanggang ngayon ay hindi ko pa matarok-tarok kung paano at bakit ko naramdaman iyon. Basta klase namin kay Ma’am Best ay nararamdaman ko ito. Para bagang gusto kong humiga sa malambot na kutson at tuluyang tangayin ng agos ng walang hanggang pagkakahimbing.

Nag-isip ako ng paraan upang labanan ang tukso ni superman. Antok ang bumabalot sa buo kong pagkatao at kailangan ko itong talunin, kailangan kong paglabanan. Tumingin ako sa mga kagrupo ko at mas lalo lang akong inantok dahil tingin ko sa kanila ay mga malalambot na unan. Para tuloy akong nagsisi na tumingin sa kanila.

Naisip kong lumabas sa klase at maghilamos o di kaya’y hahanap ng tooth pick at pansamantalang gawin kong bintana ang aking mga mata para laging dilat pero natakot akong masermonan kaya kunwari ay nag-iisip ako. Lupaypay na idinikit ko ang aking mukha na pwede ng pagprituhan sa sobrang dami ng naipong manteka. Hindi ko na pinagtangkaang magpolbo baka kase masita ako ng MMDA chairman.

Sa pagkakadantay ng aking mukha sa aking lamesa ay naramdaman kong parang umiikot ang mundo ko. At umikot ng umikot. Pabilis ng pabilis. At bigla ay naramdaman ko ang sarili kong hinanghina na at nawalan na ako ng malay. Nagpatianod ako sa tukso. Hindi ko napaglabanan. Inisip ko na lang na kaya naman na siguro ng mga kagrupo ko ang gawain.

Ngunit para akong nabuhuasan ng napakalamig na tubig at muli akong bumalik sa ulirat. Putik na ballpen, wika ko. Napakaliit kase na bagay iyon pero sa pandinig koy napakalaking bagay na nahulog sa mga yero. Nainis ako ng sobra dahil sa nasira ang pagkakataon kong lumaya sa loob ng klasrum sa pamamagitan ng panaginip.

 Nagmasid ako sa aking paligid. Napakabait naman nila, nakangiti sila sa akin. Yung iba nama’y daig pa ang mga tao sa simbahan habang taimtim na nagdadasal. Hinayaan ko na lang iyon, patapos naman na ang klase. Nagsilabasan na ang lahat at nahuli akong lumabas sa klasrum. Pagbaba ko sa hagdan ay nakita ko ang aking mga kaklaseng nagkukumpul-kumpol sa may pasilyo. Para silang may meeting de abanse at natuwa ako sa aking naisip na may bonding ang aking mga kaklase lalo pa’t masaya silang nagtatawanan. Nakatutuwa silang pagmasdan. Sana tuloy-tuloy na to, nawika ko.

Lumapit ako sa kanila. Alam kong masaya talaga sila ramdam ko iyon sa mga halakhakan nila.

“Masaya tayo ngayon ah” sabi ko.

“Naman!” sagot ng isa sa kanila.

“Bakit naman?” tanong ko.

Tumawa silang lahat.

“Masaya kami dahil may nakatulog sa klase kanina. At naglaway pa.” sabi ng isa pa sa kanila. Tumawa sila ng pagkalakas.

At pakiramdam ko ay abot sa bawat sulok ng campus ang tawang iyon. Nag-echo ito sa aking pandinig. At bigla-bigla naisip ko, gusto kong matulog ulit,  para makalimutan ko pansamantala ang kahihiyang dulot ng hamon ng kaantukan.

##Wakas

NANG AKO'Y SINUBOK...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon