Chapter I - Rider

109 2 0
                                    

"Papasok ka pa ba apo? Malakas ang Ulan, inuubo ka pa". Wika ni aling Chedeng, Lola ni Danny.

"Opo lola (ugh, ugh, ugh) kailangan po dahil ako lang ang rider ngayon, at saka sayang din po ang kikitain ko ngayong araw".

Siya si Danny, labing siyam na taong gulang, nagtatrabaho sa isang kilalang fastfood chain bilang isang rider o delivery boy. Tatlong taon pa lamang sya nang mamatay ang kanyang ina sa panganganak sa bunso niyang kapatid na si Paolo. Iniwan sila ng kanyang ama noong ipinagbubuntis ng kanyang ina ang kanyang kapatid. Tanging ang kanilang lola Chedeng at lolo Andoy na lang ang kanilang kasama sa buhay. Ang kanyang lolo ay dinapuan ng sakit na emphysema, resulta ng mahigit apat na dekadang paninigarilyo nito. Si aling chedeng naman ay laging nirarayuma kung kayat hindi na ito nakakapag lako ng mga kakanin. Ang kapatid nyang si Paolo ay graduating na sa high school, kung kaya't minabuti ni Danny na huminto muna sa pag aaral upang matustusan ang mga gastusin sa bahay at pang bili ng gamot ng kanyang lolo Andoy.

Nasa ikalawang semestre ng ikatlong taon sa kursong Mechanical Engineering si Danny nang magkasakit ang kanyang lolo Andoy na isang mekaniko ng eroplano. Simpleng tao lang si Danny, walang masyadong kaibigan at seryoso sa buhay. Pati sa pananamit ay kakikitaan ng pagka payak ito. Jeans, white shirt at Chuck Taylor na sapatos ang lagi niyang suot, ipinapatong na lamang niya ang asul na short sleeve polo na uniporme nila sa trabaho. Mga sasakyan ang hilig ni Danny, katunayan ay lagi syang bumibili ng Top Gear Magazine, at ang kanilang silid ni Paolo ay puno ng poster ng mga magagarang sports car at mga 4X4 na sasakyan.

"Ugh, ugh, ugh... aalis na po ako lola." Paalam ni Danny sabay halik sa matanda. Papasok na po ako lolo." Bati nito sa lolong nakaratay.

"Mag iingat ka apo." Habilin ni aling Chedeng.

Sa Mandaluyong ang branch ng fastfood na pinapasukan ni Danny, isang sakay ng bus lamang mula sa kanilang bahay sa Valenzuela at konting lakad, alanganin kasi kung sasakay pa siya ng jeep. Ang nasabing fastfood ay katabi ng isang Call Center, kung kaya't maagang nagbubukas ang branch para makapag agahan ang mga galing sa night shift. Bago sya pumasok sa pinagtatrabahuhan ay naagaw ang kanyang atensyon ng isang itim na Toyota FJ Cruiser na naka park sa harap ng kanilang establisimento. Nangingintab ang kanyang mga mata sa paghanga sa ganda ng sasakyang ito. Di nya maiwasang haplusin ang gilid nito sa driver's side.

"Maganda ba?" Tanong ng isang lalaking kalalabas lamang sa pinapasukan niyang fast food.

"Opo sir." Ang nakangiti at medyo nahihiya niyang tugon.

"Titigan mo na hanggang gusto mo, dahil hinding hindi ka magkakaron nyan, kahit anong pagsisikap pa ang gawin mo!" Ang sarkastikong pahayag ng may ari ng sasakyan, sabay labas ng panyo at pinunasan ang parteng nahawakan ni Danny.

Siya si Enrico, night shift supervisor sa katabing call center, kilala ito sa kanilang opisina na isang hambog at mapanglait. Mataas ang pinag aralan, at mataas din ang tingin sa sarili. Palibhasa'y mayaman ang pamilya kung kaya't basura ang tingin nya sa mga mababa ang estado sa buhay, dahilan din kung bakit bihira ang nakikipag kaibigan dito, sa loob man o labas ng trabaho.

Yumuko na lamang sa pagka pahiya si Danny, masakit man subalit may katotohanan ang sinabi ng may ari ng sasakyan, sa kalagayan niya ngayon ay hindi sigurado ang kaniyang kinabukasan kung hindi sya makapagtatapos. Sa kakarampot na sweldo ay hindi man lang niya mapagkasya sa mga gastusin nila sa bahay, dagdag pa ang mga mahal na gamot ng kanyang lolo Andoy, kaya hindi siya makaipon at hanggang pangarap na lang na matapos pa niya ang kanyang kurso. Ang tanging pag asa na lamang nila ay ang kanyang kapatid na kandidato sa pagka valedictorian. Kung papalarin na makapasok ito sa UP ay medyo may pag asa pang maka ahon sila sa hirap kapag nakapag tapos ito ng kolehiyo.

Sa isang condo sa Ortigas nakatira si Enrico, kagaya ng ibang ka-trabaho sa call center ay suki ito ng fast food na pinapasukan ni Danny. Sisig ang specialty ng fast food, madalas din ay nagpapa deliver ito sa condo pag tinatamad magluto. Agad itong natulog pagdating sa condo at mag aalas singko na ng magising ito. Agad na naghanap ng makakain sa ref, at ng wala siyang magustuhan ay naisipang magpa deliver na lang ng paborito nyang sisig.

"Thank you for calling Sisig ni Sid, this is Trina, ano po ang order nila?" Bati ng order taker kay Enrico.

"Pa deliver ng dalawang order ng sizzling pork sisig with rice at one liter ng coke."

"Can I have your phone number sir?" Tanong ng order taker.

"09XX-516-2006." Tugon ni Enrico.

"Thank you very much Sir Enrico, repeat ko lang po order nyo, two sizzling pork sisig with rice and one liter coke. Would there be anything else sir?" At dahil nga madalas siyang magpadeliver ay nasa database na ang kanyang delivery info.

"No, that would be all."

"Thank you sir, that would be Php267.50. Expect your order within twenty minutes, time now is 5:00 o'clock, your order will be there no later than 5:20 pm, may bagong promo din po kami sir, if it's late, it's free. Thank you and enjoy your meal." Pagtatapos ng order taker.

Tila may sumaging kalokohan sa isip ni Enrico, dahil nasa ika-labingpitong palapag ang kanyang unit, at lahat ng pumapasok sa condo ay kinakailangan munang dumaan sa reception sa baba at kailangang kumpirmahin ng pupuntahang unit, naisipan niyang paghintayin ang rider upang masubukan kung talagang libre nga pag na late ang delivery.

"Danny, dalhin mo itong order sa Executive Condo sa Ortigas, kay Mr. Enrico sa unit 1717, bilisan mo lamang at marami pa tayong for delivery pag ganitong oras." Utos ng Manager ni Danny sa kanya.

"Opo Ma'am." Tugon nito, at dali dali na syang pumunta sa kanyang motor bitbit ang order. 5:18pm nang dumating sya sa condo, at bilang protocol, kinakailangan munang tawagan ang may ari ng unit kung may hinihintay itong delivery. Nag ring ang telepono ni Enrico, alam nyang sa reception ito. Sinadya nyang hindi sagutin ang telepono, pinaghintay nya ito ng dalawang minuto. Nang sumagot na sya ay abot na sa takdang oras ang delivery, at sa pagpila pa lamang nito sa elevator paakyat sa kanyang unit ay siguradong late ito.

Nag ring ang doorbell sa unit ni Enrico, at nang kanya itong pagbuksan ay tumambad sa kanya ang basang basa sa ulan na rider.

"Good afternoon sir, delivery po." Bati ni Danny.

"Late ka, eh di libre na ang order ko?" Nakangising sagot ni Enrico.

"Pero sir, 5:18 pm po ng dumating ako sa reception." Pangangatwiran ni Danny.

"Kahit pa, 5:23pm na sa relo ko ngayon, ang sabi ay 5:20 darating ang order ko, kung pababayaran mo yan eh hindi pala totoo ang promo ninyo! Baka gusto mong i-report kita sa management nyo?" Ang galit na sambit ni Enrico.

Napakamot ulo na lamang si Danny, "sige po sir, free na po ang order nyo." Sabay abot ng order. "Paki sign na lang po itong delivery receipt." Habang pinipirmahan ni Enrico ang d.r. ay nanghingi ng tubig si Danny. "Ugh, ugh, ugh, Sir, maaari po bang maki-inom ng tubig?"

"Kapal naman ng mukha mo, late ka na nga, makiki inom ka pa? Punta ka doon sa dulo nitong hallway, may c.r. dun, doon ka uminom! Lumayas ka na sa harapan ko at baka mahawa pa ako sa ubo mo!"

Napikon man si Danny ay minabuti na lamang niyang hindi sumagot, pagka abot ni Enrico ng pinirmahang delivery receipt ay binagsakan pa ito ng pinto.

Tawang demonyo si Enrico habang binubuksan ang kanyang order, naisipan pa niyang kuhanan ng litrato ang kanyang pagkain at pinost sa kanyang instagram at facebook, na may pinaghalong pagyayabang at pangungutya sa rider:

"Naisihan ko yung tangang rider, sinadya kong huwag sagutin ang receptionist para malate sya ng pag akyat sa unit ko, naka tipid tuloy ako ng Php267.50... har, har, har!" Ang pagyayabang niya sa kanyang post.

Samantala ay masamang masama ang loob ni Danny, hindi lamang sa masyadong minaliit ng bastos na customer ang kanyang pagkatao, kundi ikakaltas din ang halaga ng order sa kanyang sasahurin.

SisigTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon