Ang Pagmamahal ni Adan Kay Adonis

10.2K 145 32
                                    


(A short story)

Marahil lahat ng sisi ay ibubunton sa akin. Marahil din ay walang maaawa sa akin dahil hindi nila naiintindihan kung ano ang tunay na nararamdaman ng katulad ko. Madali lang naman intindihin kung sino ako ngunit mahirap tanggapin. Napakadali lang naman akong unawain ngunit ang laging sinasabi sa akin ay labag sa mata ng Diyos at tao ang aking pagkasino. Kung sana katulad lang ng pagpapalit ng damit ang pagpapalit ng pagkatao ay hindi ko na hinayaang mangamoy pa ito. Kung sana malaya tayong namili kung ano ang gusto nating kasarian at pagkatao bago tayo ipinanganak ay pinili ko nang maging isang tunay na lalaki o tunay na babae at hindi sa gitna. Kung sana ay lumikha ang Diyos ng para naman sa amin, sana'y hindi kami ngayon kinukutya at ginagamit lamang ng mga taong walang pusong nagsasamantala sa aming kahinaan. Hindi ko alam kung ano ba ang layunin ng aming pagkameron sa mundo. Kung ang babae ay para sa lalaki at ang lalaki naman ay para sa babae, para kanino naman kaming mga alanganin?

Mahirap kontrahin kung ano ang nais ng Diyos... ngunit nilalang din kami at kailangan din naming malaman kung ano ba talaga ang layunin ng aming pagkalikha. Sa mga nagsasabing pinili namin magiging ganito, hindi iyon totoo. Katulad din kami ng mga normal na tao na nang ipinanganak na ay may puso at damdamin. Nagkataon lamang na maling damdamin ang napunta sa amin. Aksidenteng maling paghanga ang umusbong sa aming puso't isipan at wala kaming kontrol doon, huli na ng mapatunayan namin na ganoon nga kami. Sinikap din naming baguhin ang damdaming iyon subalit hindi namin kaya. Katulad din nito na ang tunay na lalaki ay hindi kailanman magiging pusong babae at ang tunay na babae ay hindi kailaman magkaroon ng pusong lalaki kahit gustuhin man sanang ganoon ang mararamdaman. Sa makatuwid, ito ay katulad ng kanin na kahit kailan, titikim at titikim parin tayo sa ayaw man o sa gusto natin.

Ito ang katotohanang hindi sa akin natanggap ni Jake. Marahil naiintindihan niya ako ngunit hanggang ngayon ay hindi niya ako kayang tanggapin. Matagal na kaming magkaibigan ni Jake. Inaamin ko, kinaibigan ko siya dahil sa mula't sapol pa lamang, kahit nang bata pa siya ay nakaramdam na ako ng kakaibang damdamin para sa kanya. Binatilyo pa lamang ako ay pinaglabanan ko na ang maling nararamdaman ko sa kanya subalit sadyang ang pag- ibig ko sa kanya ay nagiging bahagi na rin ng aking pagkasino. Napagdaanan ko na ang lahat ng sakit, ng pagkapahiya at ng sakripisyo dahil umaasa ako ng balang araw ay magiging akin din siya. Totoong naipaghandog niya sa akin ang kanyang katawan nang paulit- ulit subalit ramdam kong iyon ay libog lamang o kaya ay napipilitan dahil sa pamimilit ko. Sa sampung taon naming pagkakaibigan ay kasama na nito ang tampuhan, batian, tuksuhan, selosan, di matagal na pang iiwan at pahiyaan. Hindi na rin mabilang kung ilang beses kaming nag- usap na kailangan na ngang putulin ang ang aming pagkakaibigan dahil sa lagi naming pinag- aawayan ang tungkol sa mali kong nakahiligan. Ngunit kung bakit nangyayari lang iyon ng ilang buwan at sa tuwing hindi inaasahang magkasalubong kami sa daan o nagkikita ay nagkakabati muli at mabubuo muli ang napag- usapang buwagin na pagkakaibigan.

Gusto ko na rin sanang putulin ang lahat dahil pakiramdam ko ako ang laging nahihirapan. Alam ko namang balang araw ay mangyayari ang kinatatakutan ko na makakahanap siya ng babaeng mamahalin niya at tuluyan niya akong iiwan subalit kung bakit hindi ko kayang turuan ang puso ko para kalimutan siya. Kahit anong gawin ko ay lagi ko parin siyang iniisip at natatagpuan ko na lamang ang sarili kong nangangarap na kami parin ang sadyang itinadhana.

Dumating nga ang kinatatakutan ko. Nahulog ang damdamin niya sa isang babae. Pakiramdam ko sa mga panahong iyon ay parang may isang napakahalagang bahagi ng aking katawan na tinangggal at hindi na muli pang buuin sapagkat tuluyan na iyong nawala sa akin. Tinawagan ko siya sa celphone. Sinabihan ako na sana ay huwag akong makasarili. Binibigyan daw lamang niya ang sarili ng pagkakataon para lumigaya. Ako daw ang dahilan kung bakit nasira ang kaniyang dignidad. Ang masama daw sa akin ay sarili kong kaligayahan lamang daw ang iniisip ko.

Ang Pagmamahal Ni Adan Kay AdonisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon