Teron's POV
Disiplina ang kailangan para maging isang malakas na mandirigma.
Ito ang ipinatutupad ni Keyann sa mga hinahawakang kadete. At may mga pinarurusahan na naman ang dalaga.
"Teron?" banggit niya sa pangalan ko.
Hindi siya nagulat sa akin. Tila alam na ni Keyann na matagal na akong nakapanood sa kanya. Nakatingin siya sa taniman ng luya, limampung metro ang layo mula sa kampo namin.
Natagpuan ko si Keyann sa bubong ng malaking bahay. Naka-uniporme pa rin ito katulad ko. Itim na T-shirt, fatigue na pantalon at pares ng army boots. Malalim ang iniisip ni Keyann. Naupo ako sa tabi niya at tumingin sa kanyang binabantayan.
Mag-iikapito na ng gabi. Bilog ang buwan at nagkikislapan ang mga bituin sa kalangitan pero madilim sa bahaging iyon ng luyahan.
"Isang sako ba ng luya ang hinihingi mo?"
"Alas singko pa sila ng hapon nagsimula. Matatapos na rin ang mga 'yan," pormal na tugon niya.
Tumayo na si Keyann para bumaba. Sa kabila ng pang-sundalong gayak, nagmistulan siyang isang dyosa sa ilalim ng liwanag ng buwan. Matangkad, mahubog ang katawan, hanggang baywang ang buhok. Sino ang mag-aakala na si Keyann ay isa sa pinakamalupit at pinakakilabot na sandata ng Malaya?
Ang seryoso at singkit na pares ng mga mata ni Keyann ay lumambot sa pagkakapansin ng titig ko sa kanya. Matipid na ngumiti siya sa akin.
Sadyang napakaganda ni Keyann kapag nakangiti. Lumalabas ang malalalim na biloy nito sa magkabilang pisngi.
"Bakit, Teron?"
Gusto kong sabihing nahuhulog na ako sa kanya. Hindi ko nagawa.
Iba ang sinabi ko. "Kaya mo pa bang patagalin ang parusa? Madilim na, Keyann."
Tinaasan niya ako ng isang kilay. Pero mula sa sling bag na nakasabit sa isang balikat niya, isang maliit na botelya ang kinuha ni Keyann. Kulay silver na likido ang laman niyon.
"Galit ka rin ba sa akin, Teron?" buntong-hininga ni Keyann. "Dahil lahat sila ay galit sa akin. Natatakot lang silang magsalita."
Bakit nga ba hindi sila matatakot? Si Keyann ay isang makapangyarihang Bibig. Dugong Rosec din siya...
"Hindi ako natatakot sa 'yo" simpleng sabi ko. Nakita ko ang muling pagsilay ng ngiti sa bibig ni Keyann. Naramdaman kong umibig na naman ako sa kanya.
Ibinato niya sa ere ang garapa. "Liwanag sa luyahan, NAHAYUL AS RA GANAWIL!"
Malambing ang boses ni Keyann. Pero sa pagkakataong iyon, naisigaw niya ng malakas at bumbuo ang mga mahihiwagang salita. Sumabog ang maliit na botelya at naging milyun-milyong alitaptap. Nagliparan ang mga ito sa direksyon ng luyahan, binibigyang liwanag ang lugar.
Namataan na namin doon ang dalawang kadete na abala pa rin sa paghuhukay, sa luyahan. Kapwa mga tinedyer - babae at lalaki. Mas matangkad ang dalagita, nasa labing-anim ang edad habang labing-apat na taong gulang naman ang kasama nitong binatilyo.
Kapwa kami dalawampu't isang taong gulang ni Keyann. Kabilang ang aking mga magulang sa mga nagtatag sa Malaya. Sa kampo na ako lumaki at nagkaisip. Si Keyann naman ay labingwalong taong gulang nang mapapasok sa Malaya. Pero matapos ang tatlong taon, naging isa na rin ito sa mga opisyal na katulad ko.
"Kalahating oras ang itatagal ng mga alitaptap," saad ni Keyann sa seryoso pa ring tono. Kumilos na uli siya paalis. "Sasabay ka na ba sa akin?"
Tinapunan ko pa ng tingin ang mga kadete sa luyahan. Pero tumayo na rin ako. Sumunod na ako sa babaeng lihim kong minamahal.
Kailan ko ba masasabi kay Keyann ang nadarama ko?
______________________
Book cover photo credit: https://www.flickr.com/photos/katietegtmeyer/67865829/sizes/q/
Font credit: cooltext.com
BINABASA MO ANG
Si Miss No Speak
FantasyNo words yet one kiss will conquer all. ~Montoya quotes ~ -------------------------------- Natuklasan ng fourteen year old na si Faye na kakaiba siya. Ayaw niyang isipin na galing siya sa lahing mangkukulam pero taglay niya ang karunungang gum...