May isang lalaking nag-ngangalang Alden. May palagi siyang bitbit na diary na kailanman ay hindi nawawala sa loob ng kaniyang bag. Lahat ng nangyayari sa kanya araw-araw, hinding hindi niya nakakaligtaang isulat sa kaniyang diary. Mabait siyang bata. May tatlo siyang matalik na kaibigan. Sila ay sina Maine, Cess at Chezka. Pinaka-matalino si Alden sa kanilang klase. Final exam na, at nasaktuhang hindi nakapag-aral si Maine, Cess at Chezka dahil nag-gala sila sa Tagaytay bago ang araw ng kanilang exam. Sinenyasan ng tatlo si Alden at nagtanong kung pwede silang pakopyahin nito, pero dahil mabait at malinis ang konsensya ni Alden, hindi ito pumayag. Bumagsak sa exam si Maine, Cess at Chezka. Simula ng insidenteng 'to, siniraan ng tatlo si Alden sa buong university. Naging tampulan ng panunukso si Alden hanggang sa hindi na niya kinaya ang pang-aapi sa kanya. Napag-desisyunan niyang puntahan at kausapin ng masinsinan ang tatlo sa kani-kanilang bahay. Nang bisitahin niya muna si Chezka, napag-alaman niya sa nanay nito na pumunta sila sa dorm ni Cess kasama si Maine. Agad na pumunta si Alden sa dorm nila Cess. Pagka-uwi ni Alden, bakas agad sa mukha nito ang hindi mapantayang kasiyahan. Dali-dali siyang pumunta sa kaniyang kwarto at naligo. Pagkatapos nito ay kinuha niya ang kaniyang diary at nagsimula na itong mag-sulat:
Dear Diary,
Bumisita ako sa tinutuluyang dorm ni Cess kasi kumpleto silang tatlo dun. Pagkadating ko ay kinausap ko agad sila. Maya't maya ay nag-laro kami ng habulan at tagu-taguan. Nagtaka nga ako kasi isa-isa silang nag-takbuhan kaya naki-ride na rin ako. Lahat sila ay nahuli ko naman. Una si Maine, tapos si Cess, at pinaka-huli ay si Chezka. Masaya ako dahil sa tuwing lumalapit ako sa kanila, nakikiusap talaga sila na patawarin ko na sila. Alam mo yung ang tindi nila makiusap, sabay iyak? Grabe, mahal talaga nila ako no? Nako, kung tao ka lang Diary at nandun ka habang nangyayari yun, baka masasabi mong heartily talaga yung paghingi nila ng tawad. Pero ang daya kamo, kasi di man lamang sila nagpaalam sakin ng maayos. Pagkaalis ko nga, iniwan ko na lang sila ng basta kasi tinulugan nila ako e. Pero masaya naman ako kasi nakita ko silang mahimbing na natutulog na. O sige Diary, matutulog na ko ha. Maaga pa ko bukas e, tsaka napagod talaga ako sa mga nangyari kanina. Good night.
---
Kinabukasan ay maagang pumasok si Alden sa eskwelahan. Pagpasok pa lamang niya ng gate ay nagkakagulo na ang lahat. Tumakbo ito papuntang locker room at dun nakasalubong ang iba pa niyang mga kaklase. Narinig niya ang sabi ng isa niyang kaklase, "Huy pre, nabalitaan mo na ba? Natagpuang patay si Maine, Cess at Chezka kagabi sa dorm mismo nila Cess." Sinarado ng malakas ni Alden ang kaniyang locker, sabay ngumiti na lamang sa kaniyang mga kaklase. Lumabas siya ng locker room na tila maginhawa na ang pakiramdam.