Blue Shoes

47 1 0
                                    

Una kitang nakitang naglalaro ng basketball sa gym ng paaralan natin. Summer League ng linggong iyon, kasabay ng Brigada Eskwela. Matapos ko ang mga gawain ko para sa aming club ay pumunta akong gym at doon nga kita nakita. Nakasuot ka ng berdeng Jersey na may tatak ng paaralan natin. Ang una kong napansin ay ang sapatos mong asul. Na kapag tumatakbo ka papalapit sa ring ay parang naghahalina.

Halos tatlo o apat na araw kitang nakikita doong naglalaro. Lumiban kasi ako sa ikaapat na araw dahil tinamad ako.

Muli kitang nakita dalawang linggo matapos ang unang araw ng pasukan. Ang ganda nga ng view ko sa pwesto ko. Saktong-saktong nakalinya sa iyo. Parati akong lumilingon, hinahagip ka ng mga mata ko. May mga araw na hindi kita nakikita pero may mga araw na kahit sa linya lang kita nakikita, kahit sampung minuto lang, sapat na iyon.

Ganoon nalang ang tuwa ko ng tanungin ako ng kasama mo kung saan ako bumili ng hawak-hawak kong Chunkee. Hindi ako makapagsalita kaya itinuro ko nalang. Sayang din yun.

May isang araw na nasundo kami ng Tatay eh alas syete na ng gabi. Saktong dumaan ka. Doon ko nasabing baka ang bahay niyo malapit lang doon. Hindi ko pa rin pala alam ang pangalan mo. Kakatuwa lang, isang buwan na. Pero hindi ko pa din alam. Naulit ang pagdaan mo sa kung saan kami sinusundo ng Tatay. Ang malas lang, may kasama ako nun tapos lumingon ka. Sinisi ko pa iyong kasama ko na baka mag-isip ka ng masama. Naisip ko, ano namang pakialam mo? Hindi kita kilala, patas lang tayo, hindi mo din ako kilala.

Lumipas na naman ang isang buwan pero ngayon, alam ko na ang pangalan mo. Ibinigay ng kapitbahay mo na kapitbahay namin dati. Ang saya lang. Pati apilyedo ng Nanay mo alam ko, paborito mong sports na halata naman, kung saan ang address niyo at oras ng uwian mo. Pero kahit siguro unang letra ng pangalan ko, hindi mo alam. Okay lang naman. Sapat ng makita ka limang beses sa isang linggo.

Kumakailan lang, kumalat na ang balita. Alam mo na siguro o kaya ay inosente ka kagaya ng mukha mo. Alam mo ba, nakangiting-aso ako noong gumawa ako ng assignment tapos naghintay ako kay Tatay. Nagdadalawang isip ka sa pagdaan. Atras-abante lang ang drama mo pero sa huli mas pinili mo ang tumawid sa kabila. Ngunit masaya pa rin ako kasi ilang beses kang lumingon. Hayaan mo na, sanay ako sa palingon-lingon mo. May nakikita nga akong recognition sa mga mata mo pero baka imahinasyon ko lang iyon.

Tatlong buwan na, kalat na talaga. Binabalewala ko nalang ang panunukso nila dahil alam ko sa sarili ko na iba ang gusto mo. Nasaksihan ko mismo iyon. Sa mismong harapan ko. Noong kinunan mo kami ng litrato. Naalala mo pa? Kinausap mo ang kasama ko. Siya pala ang gusto mo, hindi ka man lang nagpasabi. Siya pala, mas maganda, mas matangkad, mas matanda sa iyo at mas matalino. Oo, alam ko iyon. Pero wala naman sigurong mali sa magkagusto sa taong iba ang gusto. Hindi naman gaanong masakit. Sanay na ako eh. Sanay akong nauuna sa iba't-ibang ginagawa ko pero hindi sa ganito. Dahil dito hindi ako ang parating first choice. Hindi din ako ang huli. Sanay ako sa pangalawa kahit ako ang nauna. Hayaan mo na. Ganito naman talaga. Sa ngayon sapat na muna ang patingin-tingin lang. Alam ko naman kasi kung kelan lalaban o susuko at alam ko, na darating ang araw na kusa ding aalis ang pakiramdam na ito. Oo nga pala, salamat sa asul mong sapatos. Nabigyan niya ako ng alaala.

The End

First one-shot ko po ito. Pangpawala ng sakit sa puso kasi nawala lahat ng drafts ko. *huhu

The StoryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon