******************************
Sa isang malaking palasyo, nakatira si Haring Arturo kasama ang kanyang asawa na si Reyna Valeria at anak na si Prinsipe Simeon. Sila ay nagmamay- ari ng isang malawak na kalupaan at isang napakalaki at napakagandang hardin kung saan makikita ang mga makukulay na bulaklak. At kasabay ng pag agos ng tubig sa ilog, ang mga puno'y nagsasayawan at mga ibo'y malayang nagliliparan at masayang nagkakantahan.
Si Prinsipe Simeon ay mahilig mamasyal sa kanilang hardin kung saan malaya siyang nakatutugtog ng kudyapi at plauta na walang nakakakita at walang nakakarinig kundi ang mga puno, bulaklak at mga hayop na naroon. Ngunit ang pinaka paboritong puntahan ng prinsipe ay ang pinakamalaking puno malapit sa likuran ng kanilang kaharian. Masarap ang simoy ng hangin dito at tanaw mo mula dito ang likod ng kaharian.
Paniniwala ng mga tao'y ang punong iyon ay tirahan ng mga Engkanto, Duwende o kung anu-anu pang lamang lupa, kaya walang lumalapit doon. Si prinsipe Simeon lamang ang may lakas ng loob na lumapit doon dahil maliban sa madalas ay nais niyang mapag-isa, hindi rin siya naniniwala sa mga sabi-sabi.
Mula pa noong unang pagpunta dito ni prinsipe Simeon noong bata pa siya, madalas na niyang napapanaginipan ang isang napakagandang babaeng nakatitig lamang sa kanya habang kumakanta. Masarap pakinggan ang boses nito, na para bang palaging humehele, kaya naman parating mahimbing ang tulog ng prinsipe kahit noon pa.Isang umaga, nakita niya na may kausap ang kanyang ama. Bigla niya nalang nalamang magpapatayo muli ng isa pang gusali ang kanyang ama sa isang parte ng malawak na hardin.
"Bakit ama? Bakit kailangan pang magpatayo muli ng isa pang gusali?" tanong ng prinsipe.
"Hindi pa ba sapat ang lawak ng ating tahanan?"
"Hijo, huwag mo sanang mamasamain, pero ipapatayo ko ang bagong gusali hindi para idugtong sa ating tahanan. Nais ko sanang... gawin itong isang pabrika ng bakal. Kukuha ako ng mga propesyonal na tauhan na gagawa ng matataas na kalidad na mga produkto ng bakal. Hindi ka ba natutuwa? Isa rin itong daan upang umunlad pa tayo, at upang lalo pa tayong yumaman." sagot ni haring Arturo.
"Akin itong ikinatutuwa ama. Pero paano na lamang ang ating malawak na hardin? Ang mga puno, halaman... mga bulaklak? Paano na lamang ang mga hayop na nakatira rito?"
"Magagawan natin iyan ng paraan. Magtiwala ka lang sa akin."
Bagamat hindi sang-ayon si Prinsipe Simeon ay hinayaan niya nalang ang kanyang ama sa gusto nito at dahil wala narin siyang magagawa. Halos lahat rin kasi ng mga kilos at galaw niya ay nanggagaling pa sa kanyang ama. Mahal na mahal niya ang kanyang ama kaya naman kahit ano pang iutos nito ay sinusunod niya. At kahit ano pang desisyon nito, ay sinasang-ayunan niya. Kahit na minsan... labag na sa kanyang kalooban.
Makalipas ang ilang araw ay sisimulan na ang pagbuo sa pabrika.
Isang gabi, sa mahimbing na pagtulog ni prinsipe Simeon, isang napakagandang babae na naman ang kanyang nakita sa kanyang panaginip. Ngunit, tila may bakas ng kalungkutan ang mukha ng babae. Ang babaeng iyon ay biglang nagsalita at paulit-ulit niyang sinabi ang mga katagang: Tulong, tulungan mo ako. Tulong...Sa paggising ng prinsipe, siya'y nagtaka kung ano ang ibig-sabihin ng kanyang panaginip.
Sa mga araw pang lumipas, ang tanging nasa panaginip ng Prinsipe ay ang magandang babaeng humihingi ng tulong.Isang araw, habang siya'y naglalakad-lakad sa labas ng kaharian, kanyang napansin ang mga basurang pakalat-kalat at mga usok na hindi niya malaman kung saan nagmumula. Sa kanyang mga nakita, para bang may bumulong sa kanya ng dapat niyang gawin, ngunit hindi nya alam kung saan magsisimula.
Sa pagdaan ng mga araw, waring nag-iba ang takbo ng lahat ng bagay. Ang Palasyong dati'y punong puno ng kasiyahan at harding punong puno ng kulay, ngayo'y parang patay na, na wala ng buhay.
Si haring Arturo'y biglang nawalan ng malay at ilang araw na ang nakaraan ay hindi parin magising. Habang si Reyna Valeria ay lumuluha sa sinapit ng kanyang mahal na asawa, si Prinsipe Simeon nama'y di malaman ang gagawin, hanggang naisipan niyang lumabas. Sa kanyang paglabas kanyang napuna na ang kalangitan ay balot na ng kadiliman at tanging ang burol lamang na kinaroroonan ng malaking puno ang may liwanag.Ang prinsipe ay namulat, tumakbo patungo sa burol at lumuhod sa harap ng puno at sinabing:
"Engkanto, Duwende o kahit ano ka man! Patawarin mo ako, patawarin mo kami kung may nagawa man kaming mali sa iyo." lumuluhang sambit ng prinsipe.
"Patawarin mo ako. ... Patawarin mo ang aking ama." dagdag pa nito.
Sa kanyang pagmulat, siya'y nagulat, babae sa kanyang panaginip, ngayo'y nasa kanya nang harapan.
"Prinsipe Simeon... huwag kang matakot. Ako ang diwata ng kalikasan. Alam mo... mapapalad kayo dahil pinagkalooban kayo ng kapangyarihan, kayamanan, napakalawak at napakagandang lupain. Pero anong ginawa ninyo? Sinira niyo lamang... pinatayuan niyo lamang ng kung anu-ano. Nabulag kayo sa yamang hatid ng mga ito. ... Simeon, matagal na akong humihingi ng tulong sa iyo, ngunit hindi mo man ako binigyang pansin."
"Diwata, patawad kung hindi ko man napakinggan ang pagtawag niyo. Patawad dahil ako kaagad nakagawa ng solusyon sa mga nangyari. Patawarin mo ang aming nasasakupan sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Patawarin mo ang aking ama. Bigyan mo lang uli ng malay ang aking ama, pinapangako kong itatama ko ang kaniyang mga kamaliang ginawa." pagmamakaawa ng prinsipe.
Hinawakan ng Diwata ang ulo ng prinsipe at nakangiting sinabi:
"Nang unang beses palang kita nakita, pinatawad na kita. Ang Diyos nga nagpatawad, ... ako pa ba? At naniniwala ako na... ang lahat ng tao ay karapat-dapat bigyan ng ikalawang pagkakataon, Simeon. Buksan mo ang iyong mga mata, pagmasdan mo ang iyong kapaligiran, damhin ang pagsamo, alagaan mo... mahalin mo... at pakinggan mo ang ibinubulong sayo. Naniniwala ako Simeon... makakaya mong itama ang mga pagkakamali. Sana'y huwag mo akong biguin. Sana'y tuparin mo ang iyong mga pangako."
Nang magmulat si prinsipe Simeon, siya'y dali-daling nagtungo sa palasyo. Sa wakas at nagka-malay narin ang Hari. Tuwang tuwang ang lahat dahil nagkaroon muli ng sigla at kasiyahan ang buong kaharian.
Hindi na itinuloy pa ang paggawa sa pabrika, sa halip ay binuksan ni prinsipe Simeon ang malawak na hardin para sa mamamayan.Sa pagdaan ng mga taon, umayos muli ang lagay ng lahat. Tinupad ni prinsipe Simeon ang binitiwang pangako sa Diwata. Unti-unti, ang hardin ay muling nagkaroon ng kulay. Unti- unti, sumikat muli ang araw.
******************************
Hey everyone! :) I just wanted to share this short story about sa kalikasan na sinulat ko noong elementary palang ako. Nahalungkat ko lang sa files ko, hehehe...
Sana magustuhan ninyo!
Pakiramdam ko masyadong pambata, pero i'm sure kapupulutan parin ng aral. :)*Vote-Comment-Share*
#DiwatangKalikasan
#Shortstory
#LovetheNature-24August2015-
❤❤❤^-^❤❤❤