Johnson at Putol

3.5K 47 8
                                    

"Magpa-franchise ako ng foodcart, doon ko gagamitin yung pera, investment ba."

Yan ang sagot sa akin ni Johnson nang tanungin ko siya kung saan niya gagamitin ang 50,000 pesos na bayad sa amin ni Bumbay. Hati kami, tig-25K. Hindi kami entrepreneurs. Riding-in-tandem ang propesyon namin ni Johnson, hired killer. Mga taong laging laman ng balita sa telebisyon, radyo, CCTV, Youtube at News Feed sa Facebook. Hindi kumpleto ang TV Patrol kung walang balita tungkol sa mga taong tulad namin.

Ako si Putol. Putol ang hinliliit ko sa kaliwang paa kaya yun ang naging bansag sa'kin. Nasanay na rin ako. Noong una, naaasar pa ako. Alam ninyo naman dito sa atin sa Republic of the Philippines, creative ang mga palayaw at bansag. Kung maitim ka, Negra palayaw mo. Kung mataba ka, Taba naman ang ibabansag sa'yo. Ang tatalino! Dahil sa tadhana at katangahan eh naipit sa kadena ng bike ang hinliliit ko noong Grade 2 ako, habang nakaangkas sa pinsan ko. Ang ganda kasi nung pinsan ko na yun eh, ang bait pa, kaya paborito kong umangkas sa kanya. Yun ang highlight ng weekends ko noon, ang mahawakan ang balikat niya at masalat ang strap ng bra niya habang nakaangkas ako sa likod ng bisikleta na minamaneho niya at humahampas ang malamig na hangin sa aking mukha at lalong nahahati sa gitna ang kimpee kong buhok, tapos pag-uwi sa amin ay pagjajakulan ko si pinsan (sorry pinsan). Good times. Happy times.

Balik sa raket namin ngayon, tama na ang nostalgia. Semi-kalbo na ako ngayon at hindi na kimpee. Kapwa niya bumbay din ang ipinatodas sa amin ni Bumbay. Eh kakompetisyon niya sa business, kaya ayun, ipinapatay niya sa amin ni Johnson. Gusto niya yata kasi ay siya lang ang nagbebenta ng bulaklaking kumot at banig sa kanilang lugar. Medyo bayolente lang ang business strategy niya pagdating sa mga kakumpetensya. Marahas at brutal. Hindi matututunan sa business school.

Ako ang bumaril doon sa bumbay na kakumpetensya ni Bumbay. Naka-full-face helmet kami ni Johnson para hindi makilala. Mabilis lang ang pangyayari. Mga pusong walang puwang sa kaba. Mga kaluluwang walang puwang sa emosyon. Business as usual. Walang personalan. Mas malamig pa sa ice candy ang dugong dumadaloy sa ugat namin ni Johnson. Sa tapat ng isang karinderya namin dinale yung bumbay na pinadale ni Bumbay. Kakatapos niya lang maningil ng pautang sa may-ari ng karinderya.

PAAAK! PAAAK!

Dalawang mabilis na patama sa ulo. Bagsak si bumbay. Parang Jestoni Alarcon lang ang datingan. Wala nang nagawa yung mga tao na kumakain, baril ang hawak namin eh, sila kutsara't tinidor lang. Kung papalag sila eh di para silang nagtampo sa bigas, ika nga ni FPJ.

Kinuha din ni Johnson yung rice cooker na nakatali sa likod ng motor nung bumbay. Kinuha din niya ang wallet at cellphone nito. Walang patawad si Johnson. Ang ganda nung wallet, brown leather, primera-klase, mukhang binili sa SM Bacoor. Pero yung cellphone, 3210 lang, walanjo. Malas! Buti na lang siksik-liglig yung wallet, sasabog na sa dami ng laman, mukhang punung-puno ng salapi. Olryt!

Kampante kaming sumakay ng motorsiklo. Si Johnson ang driver, ako ang nakaangkas, bitbit ko yung punyetang rice cooker. Pambihira talaga itong si Johnson, kumuha pa ng bitbitin, hassle! Nagpaputok pa ako ng dalawang beses sa ere for added cinematic value, Ace Vergel ang datingan.

"Plakahan n'yo!" sigaw ng matabang tindera ng karinderya habang kami'y palayo na lulan ng aming motor. May isang gagong tumayo at hinabol kami ng tingin.

"Hindi ko makita! Natatakpan yung plaka!" sagot ni tanga, may hawak pang tinidor.

Dora The Explorer na sticker ang tumatakip sa plate number namin. Dinikit ko talaga ito para hindi kami maplakahan. You know, safety first. Nakuha ko sa bag ng kapatid ko yung sticker. Salamat, Dora. Sorry, little sister.

JOHNSON AT PUTOL (65th Carlos Palanca Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon