Hala! Alas siete na ng umaga
Nakalimutan kong may pasok, Lunes na pala
‘Di ko matandaan- iniisip ko kagabi,
Basta’t ako‘y puyat, eye bags ang may sabi
Papunta sa CR, saan ko nga ba inilagay ang shampoo ko?
Teka sandali, nakabili nga ba ako?
Ako’y lalong pang nainis sa aking sarili
‘Pagkat nalimutan kong unahan sa CR si Daddy
Ako’y papunta na sa aming kusina,
Kukuha ng baso, iinom sana
Pagkarating, ako’y napaisip at natulala
Ba‘t nga ba nandito ako sa kusina?
Naku, nandito nanaman ako sa silid-aralan
Kainis! Pantakip sa tenga’y aking nakalimutan
Ay! Kahit naman pala dala ko ang aking earphones
Limot kong ‘di parin ‘yon compatible sa luma kong cellphone
Tapos na ang isang araw, heto at gabi na
Ako’y nagdasal, mata ko’y antok na talaga
Iidlip na sana nang bigla kong maalala-
Report ko pala bukas, may assignments pa!
Dali-dali kong hinablot aking mga libro
Pagtingin sa bag, nasa’n na ang ballpen ko?
Hinanap ko sa bulsa ng bag- sa lahat ng parte
‘Di ko naalalang pinahiram ko ‘yon sa’king kaklase
Hayayay, utak ko nama’y daig pa ang na hack
Buti na lang at sa klase’y ‘di pa naman bumabagsak
Gabi na, utak ko’y kung saan pa nag hang out- lakwatsera!
Ikaw, alam mo ba kung nasaan na siya?
Kahit pa ako’y tulog na, isip ko nama’y gising
‘Pagkat sa araw-araw na ako’y nagiging makakalimutin,
‘Di ko malimutang ipagdasal at ihiling-
Na sana ika’y makalimutan na rin
