Idol Prologue

18K 265 15
                                    

(Ang litrato sa taas ay si Simon Atkins bilang si Kyle sa ating kuwento)

REBOUND OF FOUL HEARTS

PROLOGUE

"Kyle, pare!" inilahad niya ang kamay niyang naunang ipinunas niya muna sa puwitan ng kaniyang boxer brief. Basa pa ang maskuladong katawan niya dahil katatapos lang niyang magshower at kalalabas lang niya din sa shower room nang makasalubong niya kami ni Coach. Agad din naman kasi akong ipinakilala ng coach namin sa sikat na basketbolista.

Hindi ang maputi, makinis at maskuladong katawan niya ang pumukaw sa aking atensiyon kundi ang hugis pusong balat sa ibabang bahagi ng kaniyang dibdib. Maliit lang iyon ngunit dahil iba ang kulay no'n sa maputi niyang kutis kaya litaw na litaw iyon bukod pa sa isang alaalang kahit pa ilang taon na ang nakakaraan ay sadyang dumikit na din sa aking isipan.

"Kilala nga kita!" hindi ko tuloy napigilang masambit iyon kasabay ng pagtanggap ko sa kaniyang palad. Nang makita ko kasi ang hugis pusong balat na iyon ay parang kahapon lang nangyari ang lahat.

Napangisi siya kasabay ng marahang pag-iling-iling.

"Of course." matipid niyang sinabi.

Nakuha ko kaaagd ang ibig niyang sabihin nang sinabi niyang "of course."

'Lang 'ya naman kasi talaga oh.

Sikat na PBA Player si Kyle. Ilang beses na din siyang nag-MVP kaya sino ang hindi nakakikilala sa kaniya? Huli na nang bawiin ko ang nasabi ko. Dapat pala ang sinabi ko, magkakilala kami. Magkakilala kami, noon pa.

Hinugot niya ang kamay niyang noon ay mahigpit ko pa ding hawak.

Medyo namula ako sa pagkapahiya.

"Andrei nga pala pare." pahabol kong pagpapakilala sa aking sarili.

Tumango lang siya kasunod ng pagngiti.

Tumalikod siya at kinuha niya ang puting tuwalya na isinabit niya malapit sa pintuan ng shower room saka siya nagpunas.

"Dito na muna tayo Andrei nang makapagpalit muna si Kyle. Ipapakita ko lang sa'yo ang locker mo." pamamasag ni Coach sa sandaling katahimikan.

"Sige p're." kindat ko kay Kyle. Umaasang maalala niya ako.

Tumango lang siya muli kasunod ng pagsenyas niya sa isang magandang babae na kumaway sa kaniya na sandaling sumilip sa pintuan. Kilala ko ang napakagandang babaeng iyon. Walang hindi nakakakikilala sa sikat na artistang si Anne. Totoo nga pala ang napababalitang sila na. Bigla ko tuloy naalala ang girlfriend kong gustong sumama kanina pero pinagbawalan ko dahil ayaw ko namang may inaalala ko sa ensayo lalo pa't ito palang yung araw na formal akong ipakikilala ni coach sa mga makaka-team ko. Dyahe yata 'yun!

Nang naituro sa akin ni coach ang locker ko ay mabilis kong inilagay doon ang mga laman ng nakasukbit sa balikat kong backpack. Habang naglalagay ako ng mga gamit ko ay hindi ko maiwasang silipin muli siya na noon ay nagpapalit.

Magandang lalaki nga talaga siya. Astig parin tulad noon. Napabuntong-hininga ako.

Bago niya maisuot ang kaniyang t-shirt ay muli kong napagmasdan ang balat na kulay puso. Ngayon ay mas sigurado na ako sa matagal ko nang hinala kahit noong napapanood ko lang siya sa laro niya sa TV. Bago niya ako mapansing nakatitig sa katawan niya at mapagkamalang bakla ay mabilis kong binawi ang tingin ko ngunit hindi ang paglakbay ng mga alaala.

Walong taong gulang lang ako noon. Maaring may mga detalye akong nakalimutan o kaya mga detalyeng naidagdag ngunit sigurado akong nangyari ang lahat  iyon nang paslit pa ako.

Sa isang private school ako noon nag-aaral. Iisang campus lang kami ng mga High School. Malapit sa playground kung saan kami naglalaro ng mga kaklase ko ng habulan pagkatapos ng aming klase sa hapon at hinihintay ang flag retreat ay ang basketball court na pinaglalaruan naman ng mga high school. Nakatalikod ako noon at hindi puwedeng gumalaw dahil nahuli na ako ng taya sa laro namin. Nakalimutan ko na kasi ang pangalan ng larong iyon. Yun bang kapag natapik ka ng taya, hindi ka na maari pang gumalaw maliban na lamang kung may tatapik sa'yo na kalaro mo at puwede ka na muling tumakbo para i-save din ang ibang natapik ng taya. Basta gano'n 'yun. Malikot ang mga mata ko noon, nag-aabang ng mag-se-save sa akin nang biglang may tumamang bola sa aking ulo dahilan para matumba ako.

Rebound Of Foul HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon