(Si Andrei Paras ang nasa taas bilang Andrei sa ating kuwento)
REBOUND OF FOUL HEARTS
Chapter 2
Andrei's Point of View
Masaya ako sa muling pagtatagpo ng landas namin ni Pareng Kyle. Iyon ang gusto kasi niyang itawag ko sa kaniya kahit pa alam kong mas matanda siya sa akin ng pito o walong taon. Iba ang Kaloy na kilala ko noon sa Kyle na nakakausap ko ngayon. Kung iba lang siguro ang gumawa sa akin sa ginawa niyang malakas na pagpukol ng bola sa akin na tumama sa dibdib ko baka kanina ko pa siya nasapak sa mukha. Kanina pa ako nakipagbasagan sa mukha.
"P're, may galit ka ba sa akin? May nagawa ba ako?" iritado kong tanong.
Oo, niligtas niya ang buhay ko noon. Utang na loob ko sa kaniya kung bakit hanggang ngayon buhay pa ako pero hindi ako yung tipong api-apihan. Kung anong ipukol mo sa akin at nasaktan ako, maghintay ka ng mas matinding balik. Kung tigasin ka, baka mapapahiya ka sa katarantaduhan ko. Maaring mukha akong inosente, pero panlabas lang ang ipinapakita ng maamo kong mukha. Sanay ako sa rambulan. Ngunit dahil nagkataong si Pareng Kyle ang gumawa no'n sa akin, kahit papaano napigilan ko ang sarili kong patulan siya.
Lumingon siya sa akin sandali saka niya ako muling tinalikuran na parang walang narinig. Namumuro na siya sa akin. Ibang Kaloy na nga pala ang kaharap ko. Si Kyle na bastos at hindi ang Kaloy na iniidolo ko. Bilib ako sa kaniya noon hindi lang sa galing niya sa paglalaro kundi sa kabutihan din ng kaniyang puso. Binabago nga ng panahon ang tao. Dahil ba naging MVP na ay hindi na sumasayad pa ang mga paa sa lupa?
Mabilis na kumilos ang aking mga paa. Hinabol ko siya. Hindi ko napigilang hawakan ang matipuno niyang braso. Mainit iyon, maskulado kaya may katigasan.
'Nak ng teteng! Bakit gano'n?
May kung anong kakaibang kuryenteng parang dumaloy mula sa pagkakahawak ko sa braso niya hanggang sa bigla na lang akong naging estatwa. Siguro dahil unang pagkakataon iyon na humawak ako ng braso ng kapwa ko lalaki. Nanibaguhan ako. Hindi ako sanay na nakikiusap na harapin ako ng katulad kong astig. Ngayon ko lang kasi idinaan sa pag-uusap ang inis ko. Ngayon lang ako magtatanong kung may nagawa ba akong mali.
"Ano? Nababakla ka na ba?" Nakangisi si Pareng Kyle na tumitig sa akin habang tinatanggal niya ang palad kong mahigpit na humawak sa kaniyang maskuladong braso.
"Ako? Mababakla sa'yo?" napalunok ako.
Gustong-gusto ko na talaga siyang bigwasan. Siya pa lang, sa dalawampu't isang taon ko sa ibabaw ng lupa, siya palang ang nakapagsabi sa akin na nababakla ako.
"Makahawak ka kasi p're eh! Ano ha? Tinitigasan ka na ba?" may halong kindat kasunod ng tawang pang-asar na lalo kong ikinairita.
"Ano ba talagang problema mo ha?" singhal ko sa kaniya.
Mabilis kong hinila ang kamay kong noon ay ramdam ko ang parang galit niyang pagpisil mula sa pagkakatanggal niya sa paghawak ko sa kaniyang braso.
"Ako? May problema? Baka ikaw meron. Ano, may problema ka ba sa akin?" astig niyang tanong. Kitang-kita ko pa ang bahagyang pagbuo ng kaniyang kamao.
Huminga ako ng malalim.
"Akala ko kasi, ikaw pa din yung dating Kuya Kaloy na nakilala ko noon. Yung kilala kong gusto akong turuan, yung sobrang hinangaan ko pero okey na yun p're. Salamat na lang sa pagligtas mo ng buhay ko."
"Oo iniligtas kita kapalit ng sana maayos na takbo ng buhay ko. Wala kang alam sa mga pinagdaan ko pagkatapos ng nangyaring iyon. Kaya yung pasasalamat mong 'yan? Isaksak mo sa baga mo dahil hindi niyan kayang baguhin pa kung paano ako naghirap at nababoy marating ko lang kung nasaan ako ngayon." Makahulugan ang sagot niyang iyon sa akin.
BINABASA MO ANG
Rebound Of Foul Hearts
RomansaSa laro ng mga barako't astig, paano kung may namumuong hindi maipaliwanag na kakaibang damdamin sa pagitan ng isang sikat na basketbolistang tinitilian at pinapangarap ng lahat at ng isang guwapo at mas batang nagsisimula palang makilala. Saan sila...