Sa mga unang taon ko dito sa Israel, naranasan ko din ang mapunta sa kamay ng mga may hindi kagandahang loob na employer. Madalas kong inilalabas ang sama ng loob ko sa palihim na pag-iyak. Noong una akala ko mababait lahat ng tao sa Israel, kasi nga itinuturing itong "holy land" Pero hindi pala, katulad din natin sila. Tao lang at may kanya-kanyang pag-uugali.
Natapos ang isang taon, nagpasya akong iwanan na ang aking amo. Ganun din sa pangalawang amo ko, tinapos ko lang ang mahigit isang taon. Ninais ko mang manatili pa sana ng konting panahon at pagtiyagaan na lang pero ayokong dumating ang punto na ako pa ang unang mamatay. Dahil halos araw-araw niya akong binibigyan ng sama ng loob kahit anu pang pagtitiyaga at kabutihan ang ipakita ko lagi siyang nakakahanap ng butas para ako'y sisihin o pagalitan. Ang sabi niya noong ako'y nag-paalam na,"wala ka ng makikita pang kasing buti ko".Iyon ang akala niya palagi sa sarili niya, napakabuti. Pero, hindi ko na siya sinagot pa, ang nasambit ko na lang sa sarili ko,
"Sitatalekak latta kenyam Apo, sika ti bahala kenyak'on" (nananalig po ako sa inyo Ama, ikaw na po ang bahala sa akin).
Hindi naman ako nahirapan pa sa paghahanap ng bagong employer, by God's grace naibigay agad sa akin ang trabahong ipinagdasal ko. Humiling ako sa Diyos ng tiyak na panalangin, ang naalala kong sinabi ko noon — "sana ang susunod na maging employer ko ay english speaking kasi hirap ako sa pagsasalita ng hebrew, pangalawa, sana sa beitavot [nursing home] siya nakatira, pangatlo sana ang magiging sahod ko ay ganito".
Sa unang araw pa lang ng pagpunta ko sa agency para maghanap ng panibagong emloyer, God has already prepared someone for me.
May 2011, mahigit dalawang linggo kong hinintay ang pagdating ni Sylvia, galing ng England. Dahil kamamatay lang ng asawa niya noon at nandito naman ang kaisa-isa niyang anak, na-pagdesisyonan nilang mag-anak na dito na siya patirahin.
One hundred and three years old siya noong dumating siya dito sa Israel. Nailathala pa ang kanyang pagdating sa isa sa mga magazine at diyaryo dito. Dahil isa daw siya sa pinakamatandang pasahero na nakapag-byahe pa.
Sa nursing home na kami nagtagpo. Sinundo siya ng anak at mga apo niya sa airport noong gabing 'yun. Inescort'an siya ng isa niyang apo at pamangkin mula England hanggang Israel. Naunang dumating ang mga maleta kaya inayos ko na agad. Napakalinis ng pagkakatiklop ng kanyang mga damit parang plinantsa muna bago inilagay sa maleta. Karamihan sa damit ay luma na pero maayos pa naman at de kalidad. Napapaisip ako kung ano ang itsura niya, siguro napaka-metikolosa niya gaya ng mga napapanood ko sa TV at siguro kamukha niya ang Queen. May konti akong kaba pero higit sa lahat excited ako.
Habang ako'y nag-aayos ng gamit sa kwarto niya, dumating na siya sa wakas. Nakaupo siya sa wheelchair tulak-tulak ng pamangkin niya pagkatapos ay tinawag ako at ipinakilala sa kanya. At magiliw naman niya akong nginitian at kinamayan. Napakasimple naman pala niya. Akala ko ay makakakita ako ng kasing porma ng Queen ng England. Suot niya noon ang kanyang puting rubber shoes, tinernohan ng slacks pants, blouse at jacket na puti. Suot din niya ang makapal na gintong rehas sa kanyang leeg, perlas na earrings, vintage na relo at dalawang gintong singsing na makakapal. Maayos ang pagkakasuklay ng kanyang puting buhok, may konting make-up at lipstick. Mas bata siyang tignan kumpara sa kanyang edad, akala ko noon ay parang lantang gulay na siya dahil sa kanyang edad pero laking gulat ko, mas malakas pa pala siya sa inaakala ko. Maayos din siyang makipag-usap hindi agad mapapansin na may konti siyang dementia. Pagkuway, sa gitna ng kanilang kwentuhan, nagbiro ang pamangkin niyang lalaki. Kinuha niya ang kamay ni Sylvia, pinatayo at isinayaw.
BINABASA MO ANG
There is only One way
EspiritualColossians 3:23-24 Whatever you do, work at it with all your heart, as working for the Lord, not for human masters, since you know that you will receive an inheritance from the Lord as a reward. It is the Lord Christ you are serving.