"Miss, mura lang 'yan. Alam n'yo kasi, 'yung amo ko, mahilig bumili ng mga original tapos..."
Napalingon si Mindy nang marinig ang matinis na tinig na iyon sa nadaanang bahay. Galing s'ya sa kaibigang may bahay sa subdivisiong iyon. Sa bahay ni Rachelle s'ya natulog kagabi dahil nagpadespedida ito. Pupunta na kasi itong New York, napetisyon ng amang kano.
Mabilis n'yang tinanggal ang nakapasak na earphone sa tainga. Maaga s'yang nagising kanina at naisipang mag-jogging. At ngayon nga, pumapasok s'ya sa isang garage sale na iyon.
Iginala n'ya ang paningin at napakaraming gamit na puro branded. Mahilig s'yang bumili ng mga second hand pero branded. Hindi s'ya mahilig sa sale sa mall dahil mahal pa rin iyon para sa kan'ya. Ang mga nasa ukay-ukay naman sa gilid-gilid ay nababahuan at narururmihan s'ya. At baka mamya, makita pa s'ya ng mga friends n'yang mayayaman, nakakahiya!
Sa edad na bente dos, social climber ang turing n'ya sa sarili. Ang sahod n'ya, nauubos lang sa pagbili ng kung anu-ano sa garage sale. At least dito, alam mong mga branded dahil mga mayayaman ang gumamit.
Natutuwang pinuntahan n'ya ang kulumpon ng mga bag na maayos na nakasalansan sa isang sulok, katabi ng mga naggagandahang sapatos.
Tiningnan n'ya ang mga presyo, napasimangot s'ya dahil hindi kasya ang budget n'ya. Naiinis na tsinek n'ya ang iba pa, subalit ganoon pa rin.
Bakit ang mamahal?
May inggit ang mga tingin n'ya sa mga kabataang naroon. Marami-rami ang mga tumitingin kahit pa alas-otso pa lang ng umaga. Halos lahat sila ay may mga hawak ng item para bilhin. Iba na talaga ang may pera, kahit medyo mataas ang presyo sa kan'ya, para sa kanila, murang-mura na iyon kesa bumili sa mall.
Sinubukan n'yang tumingin sa mga sapatos, mukhang mga bago pa at hindi pa mga gasgas ang ilalim. Nakakahalinang bumili kaya nagsukat-sukat s'ya ng mga ito. Halos lahat ng nagustuhan n'ya, kasya sa kan'ya. Subalit ng tingnan n'ya, wala pa rin sa budget. Nakakainis!
Paalis na sana si Mindy nang tawagin s'ya ng matinis na boses nang nagbebenta.
"Wala ka bang napili?" napalingon si Mindy at nakita ang palapit na babaeng may katabaan pero maganda. Nasa edad mga 30 pataas na siguro ito.
Umiling s'ya at inaktong ipapasak na sa tainga ang earphone ng hawakan s'ya ng babae. Ibinaba n'yang muli ang earphone at hinarap ito. Nagtatanong ang mga mata n'ya dahil parang may gusto itong sabihin.
"Marami namang magaganda, a. Bakit ayaw mong bumili?" Naiiritang pasimpleng tinanggal n'ya ang kamay nito sa braso n'ya.
"Wala akong nagustuhan." Sinabi na lang n'ya dahil nakakahiya kung may makarinig na wala s'yang pera para sa mga ito.
Nakangiting hinawakan s'yang muli ng babae sa braso. Naiinis na tiningnan ito ni Mindy.
Parang nang-aasar pa ito, a.
Magsasalita pa sana si Mindy na aalis na s'ya, subalit iginiya s'ya nito sa isang pinto. Nakakunot-noong ipiniksi n'ya ang kamay, subalit sumenyas ang babae na huwag maingay.
Nang tuluyang buksan nito ang pinto, tumambad sa kan'ya ang napakaraming bag at sapatos! At mas magagandang di-hamak kesa nasa labas.
Hindi na n'ya inantay na papasukin s'ya ng babae, kusa na siyang pumasok at namamanghang hinawakan ang mga bag at sapatos na naroon.
Maliit lang ang kuwarto, parang bodega. Pero maayos namang naka-display ang mga ito. At punung-puno ang bawat eskaparateng naroroon.
Kaso, bumakas ang inis sa mukha n'ya nang maaalang wala nga pala s'yang pera. Paniguradong mas mahal pa ang mga ito.
"Alam kong wala kang pera kaya hindi ka bumibili, pero..." pabiglang lingon ang ginawa n'ya sa babae. Magagalit sana s'ya pero nakangiting iniabot nito ang dalawang paper bag.
Kahit nag-aalangan, kinuha n'ya ang mga ito. Nang ilabas n'ya ang nasa loob ng paper bag, nagulat s'ya dahil napakagandang bag niyon. Inikot-ikot pa n'ya at sinipat na maigi. Branded na branded at pulido ang pagkakagawa.
Tiningnan naman n'ya ang isa at isang pares naman ito ng sapatos. Nakita n'ya rin ang tatak at isang brand iyon na napakamahal. Terno pa ang dalawa na paborito n'yang kulay; pula.
"Oo na, wala akong pambili ng mga ito. Pero bakit ipinapakita mo pa sa akin ang mga ito? Mga bago pa ito at..."
"Mura lang 'yan at puwede ngang hulugan kung gusto mo. Hindi na mga bago 'yan, garage sale nga 'di ba? Para sa'yo talaga 'yan." Makahulugang saad nito.
Nagdududang tiningnan n'ya ang babae.
"At bakit naman? Baka ninakaw mo ito sa amo mo, ha?"
"Hindi naman n'ya alam 'yan. Basta, akong bahala. Ano? Kukunin mo na ba?" nang-eengganyo ang bawat ngiti nito at ng mga paper bag na inilapag n'ya sa paanan.
"Oo naman. Basta ba, walang sabit ha? Ikaw ang bahala sa amo mo, labas ako d'yan." Mam'ya mapahamak pa s'ya.
"Oo naman. Sige na, dalhin mo ng mga iyan. Okay lang, wala naman ang amo ko."
"E, magkano ba ang mga ito?"
Sinabi ng babae ang presyo. Medyo mura nga kumpara ng nasa labas. Hmm... pero kulang pa ang pera n'ya. Bigla s'yang napangiti ng may maisip na puwedeng pagkuhaan ng pera.
"Mam'ya ko na kukunin. Kukuha lang ako ng pambayad. Huwag mong ibibigay kahit kanino, ha?" Nasisiyahang tumango ang babae bago s'ya inihatid sa gate palabas.
Garage Sale:
Bag at Sapatos
2015
BINABASA MO ANG
Garage Sale
HorrorMahilig ka bang bumili sa mga garage sale? 1. Manika May kakaiba sa manika ni Anika. Ano kaya? 2. Bag at Sapatos Gagamitin pa kaya ni Mindy ang pulang bag at sapatos oras na malaman niya ang lihim nito? 3. Kama Iniregalo...