2 Diaries (A Mother's Day Special)

25 0 0
                                    

2 Diaries

(Not a real life story)

-Katol

Diary 1

May 9

-        Hindi ko mahanap ang aking I.D. kaya tinawag ko ang aking nanay, “Ma!” Sigaw ko. Nagluluto siya sa oras na iyon, “Saglit lang anak ah.” Pagkatapos ng tatlong minuto ay umakyat din siya sa aking kuwarto, “Ano iyon anak?” Tanong niya habang pinupunasan niya ng panyo ang kanyang pawis. “Ma, san nanaman iyong I.D ko? Nilagay ko lang sa kama ko kagabi bago ako matulog eh. Wala nanaman! Late nanaman ako! Huwag mo na kasing pakialaman mga gamit ko!” Sigaw ko sa kanya. “Ah, nasa likod ng iyong pintuan anak. Luto na pala iyong pagkain, kain ka muna.” Sagot niya. “Late na ako, ipakain mo nalang sa aso yan.” Ang mga salitang lumabas sa aking bibig.

May 10

-        “Pre, nakuha mo ba iyong number nung chix nung isang araw?” Tanong sa akin ng kaibigan ko. “Hindi nga eh, natorpe ako pre!” Sagot ko. Nagtawanan kami at nagkuwentuhan. “Ano pre, may pera kaba diyan? Sasama ka mamaya?” Tanong niya sa akin. “Oo naman, nakahinge ako kanina.” Sagot ko sa kanya. “Aasahan ko yan ah. Alas tres ng madaling araw nanaman tayo uwi!” Sabi niya sa akin.

May 11

-        Nag quiz kami at bagsak ako. Umuwi ako sa amin para magpahinga. Pagkauwi ko ay iniwan ko ang aking bag sa sala at dumiretso ako sa banyo. Paglabas ko sa banyo ay tinitignan na pala ng aking nanay ang quiz paper ko. Nagalit ako at dali-dali kong kinuha ang papel, “Paki-alamera ka talaga! Pagod ako ngayon! Bukas mo nalang ako pagalitan!” Sigaw ko sa kanya at agad-agad kong umakyat sa aking kuwarto.

May 12

-        Nagbukas ako ng aking facebook at nakita ko na puro, “Happy Mother’s Day” ang nakapost. “Mother’s Day pala ngayon.” Nasabi ko sa aking sarili. Pinuntahan ko ang aking nanay sa kanyang kuwarto. “Ma, pahinge naman ng pera.” Sabi ko sa kanya. Ngumiti siya ngunit hindi ko alam ang dahilan. Nagulat ako dahil binigyan niya ako ng malaking halaga. Pagkakuha ko ng pera ay umalis agad ako. Nagswimming kaming magkakaibigan. Masaya kami! Nag dive ako sa pool na nakapikit ang mga mata para mapahanga ang crush ko. Dumilim ang paligid at hanggang doon lang ang aking naa-lala.

May 17

-        Gumising ako sa ospital. Hindi ko alam kung bakit ako naroon. Paglingon ko sa aking kaliwa ay nakita ko ang isang matandang bulag na babae. Hawak hawak niya ang isang libro na mukhang pamilyar sa akin. “Hoy! Bulag! Diary ng nanay ko yan ah! Bakit na sa iyo? Magnanakaw ka siguro no!” Sigaw ko sa kanya. Kinuha ko ang libro at sinimulan ko itong basahin.

Diary 2

May 8

-        Umuwi ang aking anak ng madaling araw, mukhang pagod na pagod siya at kinalat nanaman niya mga gamit niya. Inayos ko ang mga ito at inilagay ko ang kanyang I.D. sa likod ng pintuan dahil iyon ang lagi kong bilin sa kanya.

May 9

-        Nagluluto ako noon, nang bigla akong tinawag ng aking anak. Tinanong niya kung saan ko nilagay ang kanyang I.D. Makakalimutin talaga ang anak ko kaya sinabi ko sa kanya, “Ah, nasa likod ng iyong pintuan anak. Luto na pala iyong pagkain, kain ka muna.” Sinabi niya na hindi na daw siya kakain kasi malalate siya sa paaralan. Ang sipag talaga ng anak ko. Late na umuuwi dahil nag-aaral at maaga pang umaalis para makapag-aral ulit. Proud ako sa kanya!

May 10

-        Nag-usap ulit kami ng aking anak kaninang umaga. Humingi siya ng pera para sa project nila. Ang swerte siguro ng mga kagrupo ng anak ko. Meron silang miyembro na masipag. Ipagluluto ko siya ng paborito niyang ulam pag-uwi niya mamaya.

May 11

-        Umuwi ng maaga ang anak ko. Dumiretso siya ng banyo. Nagkalat ang mga gamit niya sa sahig. Nahulog ata ito nung binaba niya ang kanyang bag kaya naman inayos ko ito pabalik sa kanyang bag. Paglabas niya ng banyo ay sinigawan niya ako. “Paki-alamera ka talaga! Pagod ako ngayon! Bukas mo nalang ako pagalitan!” Hindi ko alam kung bakit siya nagalit. Baka may masama akong nagawa. Paano kaya ako makakabawi sa aking anak?

May 12

-        Mother’s Day na pala ngayon, sana naman mapatawad na ako ng anak ko. Nasa kuwarto ako noon nang biglang dumating ang anak ko. Kinausap niya ako, “Ma, pahinge naman ng pera.” Huminge siya ng pera. Ibibilan ata ako ng anak ko ng regalo! Tuwang-tuwa ako. Ngunit iyong tuwa na iyon ay naglaho nang natanggap ko ang isang tawag galing sa ospital. Naaksidente daw ang anak ko! Bakit nangyari iyon? Kasalanan ko lahat ito! Agad-agad akong lumuwas at pinuntahan ang anak ko at nagulat ako sa sinabi ng doctor sa akin. “Nay, kung hindi po natin mahahanapan ng eye donor ang anak niyo ay mabubulag na po siya habang buhay.” Bumilis ang tibok ng puso ko. Ang anak ko? Mabubulag? Hindi. Hindi! Kasalanan ko ang lahat ng ito! Kaya naman…

May 15

-        Hindi na ako nakakakita ngayon kaya naman pinapasulat ko nalang ito. Tapos na akong operahan. Bukas ooperahan ang anak ko. Sana maging matagumpay ang operasyon niya. Sayang nga lang at hindi ko na masusubaybayan ang paglaki niya. Sana ipagpatuloy niya ang pagiging mabuting mag-aaral niya at mabuting anak. Mahal na……..

Isinara ko ang libro, hindi ko na kayang itong ituloy na basahin. Tumulo ang aking mga luha. Ni hindi ko man lang nakilala ang sarili kong ina. Sa sobrang abala ko sa paglaki ko ay hindi ko na napansin ang pagtanda niya. Napakabigat ng aking nararamdaman, parang hindi ko na kayang magpatuloy pa pero biglang may humawak sa aking kamay. Gasgas na ang palad nito dahil sa paglalaba. Ang taong dati ay napakaganda at batang-bata pa. Ang taong nagpalaki sakin. Ang taong hindi ako iniwan. Ang aking inay, “Anak, may ipapasulat ulit sana ako ngayon kung ok lang sa iyo.” Sabi niya. Umoo ako at kinuha ang hawak-hawak niyang ballpen. “Ano.. pong gusto niyong isulat ko?” Pautal-utal akong magsalita. Ito ang sinabi niya, “Nanaginip ako kagabi, at sa aking panaginip nakita ko na iniwan ako ng aking anak dahil bulag na ako, dahil wala na akong silbi sa kanya. Nalungkot ako at nagsimulang umiyak. Alam ko na marami akong pagkukulang sa kanya…” Hindi ko na siya pinatapos dahil nakita ko na umiiyak na siya. Bumalik sa akin lahat ng kalokohang pinaggagagawa ko. Niyakap ko ang aking inay at humingi ng tawag sa lahat ng mga nagawa ko. Umiyak ako ng umiyak. Nang inamin ko lahat ng mga kamalian ko, ito ang sinabi niya sa akin. “Anak, proud ako sayo!” Walong salita lang ang lumabas sa aking bibig ng narinig ko iyon. “I love you ma, belated Happy Mother’s Day!”

Strikto. Masungit. Laging tayong pinapagalitan. Uto-uto. Hindi tayo naiintindihan. Ito ang mga karaniwang tingin natin sa ating mga ina. But if we look at the story in a different view, makikita natin na sila ay Mabait, Maunawain, Lagi tayong pinagbibigyan, at malaki ang paniniwala sa atin. Hihintayin pa ba natin na mabigyan tayo ng pangalawang mata para makita natin ito? Lagi tayong may load pag tinatawagan o tinetext si GF, BF, Crush, Tropa, etc. Pero pag dating sa mga magulang ay wala na. Sa kanila pa nga tayo humihingi ng pang load! Bakit hindi natin ilabas ang ating mga phone ngayon, idial ang numero ng ating mga ina at batiin sila ng; “Happy Mother’s Day!” O kaya naman dumaan sa tindahan ng mga bulaklak para bilhan sila ng regalo. Maliit lang itong bagay kapalit ng malalaking sakripisyo na ginagawa nila para sa atin. Bisyo at kalokohan marami yan! Pero ang nanay, nag-iisa lang.  

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: May 12, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

2 Diaries (A Mother's Day Special)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon