"Help..."
Ala-una ng madaling araw, kasisimula pa lamang naman ng kwentong ito ngunit ginising agad ako ng isang boses na hindi ko malaman kung saan galing. Pinilit kong bumalik sa pagtulog pero hindi ko na magawa. Sinubukan kong dumapa at imudmod ang ulo ko sa unan pero parang pinapaaga ko lang ang kamatayan ko sa ginagawa kong iyon. Kakabuwisit lang na ang tanging apat na oras na tulog ko ay napuputol pa. Sa trabaho kong puro overtime ay hindi na ako nag-eenjoy makipagbonding sa kama ko. Bumangon ako syempre para uminom ng gatas. Pupungas-pungas pa ako nang biglang tumunog ang cellphone ko. Sino naman ang tatawag sa akin sa ganitong oras ng gabi?
Hindi pa ako nakakapagsalita ay nakarinig na ako ng paghingi ng saklolo, ingay ng pananakit, mga ungol at iyak ng isang babaeng nasasaktan. Ano ang gagawin ko? Unknown ang number, hindi ko siya kilala. Papatayin ko na lang ba ang tawag na ito? Hindi. Hindi ko maatim na masaktan lang ang isang babae. Alam ko na may dahilan kung bakit ako natawagan. Bakit nga ba ako?
"Nasaan ka?" bulong ko pero madiin ang pagkasabi. Nagbabaka sakali akong marinig niya.
Laking pagtataka ko noong iba ang sumagot. Dinig ko pa rin ang iyak ng babae pero may ibang boses ng babae ang bumubulong din. "Sa parking ng ospital ng Remedios." mabagal pa niyang sabi.
Kahit na nagtataka ay agad akong tumakbo dahil malapit lang ito sa amin. Aabot pa ba ako? Ano ba ang nangyayari? Sino ba ang tumawag? Paano niya nalaman ang number ko? Bakit ba ang dami kong tanong?
Nasa tapat na ako ng ospital nang mapansin kong nakapajama pa ako at ngayon ko lang din napagtanto na napatakbo na ako. Hingal kong pinasok ang airconditioned hallway kahit na pawis ang likod ko. Alam kong nasa labas ang parking area pero gusto ko lang malamigan kahit sandali. Humampas ang malamig na hangin ng aircon pero nakakapagtakang may kasabay itong bulong. "Dalian mo..." sambit ng mahinang boses.
Nag-aaksaya ako ng oras, tumutulong ako hindi nagwiwindow shopping! Nagsimula akong matakot nang makita ang imahe ng isang babae sa entrance ng parking lot. Malayo para maaninag ko ang itsura niya pero halata na may itinuturo siya sa direksyon ng kaliwa. Tumingin ako sa kaliwa at nakita ang grupo ng mga lalake na sinusundan ang sa tingin ko ay pauwi na na nurse. Ibinalik ko ang tingin sa imahe ng babae pero wala na ito. Nakakapagduda na ang nangyayari sa'kin. Hindi na kalokohan ito.
Isang sigaw ang narinig ko mula sa pagmumuni-muni at pagkatulala. Sigaw na katulad ng boses na gumising sakin. "Help!" Parang ipinaalam sakin ang kasunod na mangyayari kaya bago pa mahuli ang lahat, humingi ako ng tulong sa guard on duty. Di kalayuan ay nakita ko uli ang imahe ng babae sa likuran ng guard, di ko pa rin maaninag ang mukha niya.
Agad nagtatakbo ang grupo ng mga lalake kaya nailigtas namin ang nurse. "Salamat kuya." medyo nahihiya pang sabi ng nurse. Cute siya huh.
[Imagine the ringing tone for a phone call was the ringing tone of "One Missed Call". See multimedia.]
