Bago Mahuli ang Lahat (Maikling Kwento)
Copyright ©2011 by AnakDalita. All Rights Reserved.
***
Napag-tripan ko lang sumubok dito sa pa-suspense effect na kwento.
Nakakasuspense naman ba? Pakitingnan na lang po! :)
Libre lang ang maghagis ng comment sa comment box... Try ninyo! :)
***
Hinahabol na siya.
May humahabol sa kanya. Kailangan na niyang magmadali, para maisalba ang kanyang sariling buhay─
Bago mahuli ang lahat...
Subalit, bakit nga ba siya 'di-magkandaugaga sa pagtakbo? Bakit nga ba siya 'di-magkandamayaw sa paglisan sa naunang kinaroroonan niya? Maging siya mismo, halos walang muwang sa mga pinaggagawa niya. Sa katunayan pa niyan, nakalimot din siya. Wala siyang maalala... Basta na lang siyang nagising doon sa 'di-makilalang kinaroroonan, at saka nutunugan niya sa sarili na may tinatakbuhan─tinatakasan─siya... na kailangan na niyang kumilos... Bago mahuli ang lahat.
Sige. Takbo lang: sa bawat madilim na kalye, eskinita, pasilyo... Takbo lang, hanggang sa makakaya mo. 'Di bale na kung wala mang matinong patutunguhan ang tinatahak mong dimensyon. Ang sadyang napakahalaga, makaligtas ka mula sa panganib, sa panganib na walang-sawang humahabol sa iyo...
Hala, saan galing ang boses na 'yon? Bakit parang may kumakausap sa akin?!??
Ipinagpatuloy niya ang pagharurot; ang pakikipag-unahan sa walang-sawang pagragasa ng kanyang pulso; ang pakikipagtalo sa walang-humpay na pagkabog ng kanyang dibdib. Humarurot pa rin siya, sa kabila ng katotohanang nauubusan na siya ng kakayahang magpatuloy pa.
Tila nasasaid na ang kanyang hininga... Bigla-bigla siyang natisod; nadapa; nangudngod; napabulagta sa sementadong daanan. Dagling namanhid ang katawan niya sa oras na humalik ito sa sahig na kanyang kinapadparan.
Nakalayo na kaya siya? Naging sapat ba ang itinakbo niya upang matakasan ang humahabol sa kanya?
Hingal-kabayo siyang nagpumilit sa pagtindig; baka sakaling maituloy na niya ang pagharurot.
BULAGA!
Sumulpot ang isang gusgusing batang babae sa kanyang harapan. Lubos siyang nagulantang, sa pag-aakalang 'yon na ang nilalang na kanina pa niya tinatakasan. Lalu siyang sinalakay ng panlalambot; lalu siyang inatake ng kanerbyusan dahil sa biglaang paglitaw na 'yon.
Anong ginagawa mo dito?
"Intrigerang bata," nais niya sanang isabad. Gayun pa man, hindi siya umimik. Masyado na siyang hapo upang makipagtalastasan pa.
Anong ginagawa mo dito?
"Aba, makulit din pala ang dugyot na ito."
Napa-haaaay na lang siya, sabay tingin sa malayo. Lumipad ang sabog niyang isipan.
Ayan tuloy, hindi na niya napansin ang paglingon nitong batang babae sa nilalang na nasa likuran niya; sa likuran ng tumatakas. Hindi na rin niya napansin ang pagkagulantang ng mukha nito, pati ang pagmamadali nito na lisanin ang kinatatayuan.
Hanggang...
Ha? Nasaan na 'yung─?
AAH-HAH!
Talagang napatda siya sa narinig. Doon pa lang, madali na niyang napagtantong huli na ang lahat... na, bandang huli, bale-wala din pala ang pagpapakahirap niya sa pagtakas. Ano pa't nagpumilit pa siyang magpakalayo? Ganoon din pala ang kahihinatnan niya: malagim din naman ang katapusang kahahantungan niya...
Mas nanaisin na lamang niyang kusa nang bawian ng hininga, sa kung anumang madaliang, biglaang pamamaraan, kaysa magtagal pa sa kasalukuyang kinaroroonan niya.
Nawalan na siya ng hangaring kumilos. Kung maaari lamang ay habang panahon na silang manatili sa katayuang 'yon. Kung maaari lang talaga.
Ngunit, hindi pupwede...
Sapagkat...
Huli na ang lahat.
Wala na siyang kawala.
Wala na siyang maaaring gawin pa...
Wala sa kanyang kaloobang umikot para harapin ang nilalang.
Kuminang ang talim ng itak na hawak-hawak ng nilalalang, samantalang nagdilim ang nakamamatay na paningin nito.
Sunod na umalingawngaw ang kanyang mga tili.
BINABASA MO ANG
Bago Mahuli ang Lahat (Maikling Kwento)
Mystery / ThrillerBatid niyang siya'y nasa peligro na...