Alamat ng Pinya- Unang bahagi

4.9K 184 17
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved

PUBLISHED-  under BPub (AMALGAMATION)

Ang Alamat ng Pinya ay isa sa mga paboritong alamat na madalas ibahagi sa mga batang mahilig sa mga kwentong kababalaghan. Lalo pa nga at may magandang mensaheng nakapaloob dito. Kadalasa'y nagagamit pa ito upang buksan ang kanilang isipan sa ilang pangaral na sila mismo ang makakapag-isip at makakaunawa. Isang simpleng paalala na ang anak ay dapat maging masunurin, mapagmahal at magalang sa kaniyang mga magulang. Sama-sama nating tunghayan ang isang alamat na binihisan ng inyong lingkod upang magkaroon ng panibagong anyo. Katatakutan sa likod ng bawat Alamat o KSLNBA - Alamat ng Pinya.

***

     "Mariano, bakit mo kami iniwanan?" lumuluhang tanong ni Aling Rosa habang mahigpit na yapos ang bangkay ng asawa. Awang-awa naman ang mga kapitbahay sa nakikitang pananangis ng ginang. Sa kasamaang palad, tinamaan ng kidlat ang asawa nito habang inililikas ang mga alagang hayop sa kasagsagan ng bagyo na siyang ikinasawi. Halos madurog ang puso ng mga taong nais man makatulong ay wala namang magagawa pa kundi ang makidalamhati.

"Rosa, payapain mo ang iyong loob. Alalahanin mo ang iyong anak. Kung may mangyayari pa sa iyo, paano na lamang siya," anang isang ale habang hinahagod ang likod ng ginang.

"Alam naming hindi madaling tanggapin ang nangyari, subalit kailangan mong maging matatag. Hindi lamang para sa iyong sarili, higit lalo para sa iyong nag-iisang anak," payo pa rin ng ale.

 Pinahid ni Aling Rosa ang luha at nilinga ang sampung taong gulang na anak, "P-pina anak." Nakaupo ito sa isang sulok kasama ng ilang kalaro at tahimik na umiiyak. Dahil sa nakitang anyo ng supling, isang malalim na buntung hininga ang pinawalan nito upang paluwagin ang naninikip na dibdib. Sinikap isantabi ang pait na nararamdaman upang hindi panghinaan ng loob ang nag-iisang anak. Matapos umusal ng pamamaalam, binitawan nito ang katawan ng asawa at hinayaang kunin ng mga kalalakihang naroon upang tumulong sa paglilibing. 

Katatakutan sa likod ng bawat AlamatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon