Sa isang parisukat na kwartong madilim
Itinarak ko sa mumunting libro ang lumang plumang patalim
Upang isatitik at isatinig ang kwento ng aking kamusmusan
Sa piling ng isang dilag na labis akong sinaktan
Nagsimula kami bilang magkaibigan
Unti-unti akong nahulog ng hindi ko namamalayan
Sino nga ba namang hindi mapapahanga?
Sa kagandahang marami ang napapatunganga
Saka ko na lamang napagtanto
Na ang pag-ibig kong inakala ay hindi pala totoo
At parte lamang ng aking ilusyon
Sa kalaunan ay mauuwi sa malalim na depresyon
Gabi-gabi ko siyang ipinagluksa sa langit
Tanging pinakikinggan ko lamang ay ang malulungkot naming awit
Hindi niya alam na iginapos ko ang sarili ko sa kanyang mga ala-ala
At sa gabi'y luha at panibugho ang lagi kong kasa-kasama
Hindi niya man sadyang ako'y pagkaitan ng pag-ibig na noon ko pa inasam-asam
Wala siyang naging ideya o pagkakaalam sa binalak kong dagling pamamaalam
Hinawakan ko ang isang kumpol na rosas
Dinama ang nakikidalamhating hanging pumapagaspas
Ang pagkanormal ng pag-iisip na pinit makabalik ay tuluyang lumipad
Pangarap ko na mapag-isa sa wakas ay natupad
Sa isang kumpol ng mga ususero
Tinapos ko ang pagiging tao