Dignidad ni Nena

7.2K 36 8
                                    

Labing-anim na taong gulang pa lamang si Nena ngunit maaga na siyang namulat sa reyalidad at kahirapan ng buhay. Mula pagkabata ay siya na ang tumutulong sa kayang pamilya. Siya na rin ang bumubuhay sa kanila mula nang iwan sila ng kanyang ama.

Lahat ng trabaho ay pinasukan na ni Nena. Lahat ng bagay ay ginawa niya na mabuhay lang ang pamilya niya. At pinangako niya sa kanyang sarili na kahit anumang mangyari ay iingatan niya ang kanyang sarili, puri at dignidad dahil ito na lang ang mayroon siya. Ito na lang ang maipagmamalaki niya dahil hindi siya nakapagtapos ng pag aaral dahil maaga siyang naghanapbuhay. Salat man sa kaalaman ay may paninindigan siya at respeto sa sarili. Alam niya ang tama at mali.

Pero sa hindi inaasahang pangyayari ay nawala ang paninindigan ni Nena. Dahil sa sunod-sunod na pagsubok na dumating sa kanya ay napilitan siyang gumawa ng bagay na alam niyang pagsisisihan niya. Bagay na sisira sa mga pangarap niya. Bagay na sisira sa pagkatao niya.

Hahayaan mo bang mamatay ang nagaagaw-buhay mong kapatid kapalit ng paninindigan mo? Kapalit ng dignidad mo? Para kay Nena ay hindi. Hindi niya makakayang gawin iyon sa kanyang kapatid. Kahit ano ay ipagpapalit niya para sa kanyang pamilya, kahit ang buhay niya o ang dignidad pa niya.

Kaya isang gabi ay gumawa siya ng isang pagpapasyang babago sa kanyang buhay. Pumunta siya sa isang club na pinagta-trabahuhan ng kanyang kakilala. Pagpasok pa lamang ay bumungad na sa kanya ang madilim na lugar. Tanging mga makukulay na ilaw lang ang nagsisilbing liwanag sa lugar na iyon. Sa di kalayuan ay nakita niya ang mga lalaking nag-iinuman at sa tabi ng mga ito ay mga babaeng nakikipagkwentuhan sa kanila at nakikipagtawanan na para bang mga walang problema. Hindi natakas sa kanyang paningin ang ilang panghihipo ng mga lalaki sa mga babae. Ang makita ito ay nakakadiri na sa kanyang paningin. Pero pasasaan ba at magiging isa rin naman siya sa mga babaeng nakikita niya ngayon.

Habang inaayusan siya ng kanyang kakilala ay gusto niya nang maiyak. Bawat dampi ng make-up sa kanyang mukha ay parang nabubura na ang dignidad niya. Ang makita ang repleksyon niya sa salamin ay nakakadiri, imoral at mababang klase ng babae ang nakikita niya. Malayo sa pinangarap niya. Pinasadahan niya ng tingin ang kanyang sarili. Hapit at maikling damit at maikling shorts, damit pa ba ang mga ito?

Bakit ba niya pinasok ang sitwasyong ito? Bakit niya ba kailangang gawin ito? Wala na bang ibang paraan? Wala na. Wala nang ibang paraan para sa isang mahirap na babaeng hindi nakapagtapos ng pag-aaral na kagaya ni Nena.

Kung sana hindi sila pinagpalit ng kanyang ama sa ibang babae. Kung nakapagtapos lang siya ng pag-aaral. Kung hindi lang siya mahirap. Pero ano pa bang magagawa niya? Ito na ang kapalaran niya. Kailangan niya ng harapin ang katotohanang mahirap maging mahirap. Kapag mahirap ka kailangan mong kumapit sa patalim dahil di tulad ng mga mayayaman kailangan mong paghirapan ang mga gusto mo.

Pero nang gabing iyon. Bago tuluyang masira ang pagkatao ni Nena ay tila isang biyaya ang pagdating ng kanyang kababata na si Nelson. Nakapagtapos ito ng pag-aaral at naging mayaman ng mahanap ang tunay na magulang.

Sinaklolohan niya si Nena at inilayo sa lugar na iyon. Tinulungan rin ni Nelson si Nena sa mga bayarin sa pagpapagamot sa kanyang kapatid. Maging ang nanay ni Nena na may sakit nang panahong iyon ay tinulungan ni Nelson.

Dahil sa kabaitan ni Nelson ay nahulog ang loob ni Nena sa kanya. Si Nelson ang kanyang pag-asa at tagapagligtas dahil dumating ito sa panahong kailangang-kailangan niya. Papasuko na siya pero nabuhayan siya ng pag-asa nang dumating si Nelson.

May tamang panahon nga para sa mga bagay-bagay. Matagal na siyang gusto ni Nelson pero dahil nga sobrang bata pa nila noon ay hindi nila ito pinagtuonan ng pansin.

Sabay na nag-aral sina Nena at Nelson. Tinulungan siya ni Nelson na makapag-aral muli at hindi na siya tumanggi dahil nangako rin siyang susuklian niya ang kabutihang ito ni Nelson sa kanya.

Makalipas nang sampung taon ay ikinasal silang dalawa. Namuhay sila nang masaya at puno ng pagmamahal kasama ng kanilang nag-iisang anak na babae.

Isa talagang biyaya sa buhay ni Nena si Nelson. Hindi maisip ni Nena kung ano ang magiging buhay niya kung sakaling hindi dumating si Nelson noong gabing iyon. Kung naisuko niya ang dignidad at puri niya, ano na kayang mangyayari sa kanya? Pero napapangiti na lang si Nena sa mapait na alaalang iyon ng buhay niya.

Ang mahalaga ay dumating si Nelson sa buhay niya. Tinulungan siya nito, inalaagan at minahal. Naingatan din niya ang kanyang sarili at dignidad.

May mga tao talaga sigurong darating sa panahong hindi na natin kaya. Darating sila upang iahon tayo mula sa pagkakadapa at dadalhin tayo sa magandang hinaharap.

WAKAS

RANT: Bunga ng frustration. Sayang lang yung ilang oras kong pag-iisip at pagtatype. Lagi na lang akong nababalewala. Bakit hindi sila makapaniwalang nasulat ko to? Dahil sa lalim ng tagalog? Alangang englishin ko e seryoso ang kwento ko. Nakakadisappoint. I feel discriminated as an author kahit di ako ganap na author. Nakakainis talaga. Sana may kahit isang taong maka-appreciate nito.

Thank you for reading and have a nice day! ^_^

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 29, 2019 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dignidad ni NenaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon