Trenta Y Tres
ni: Oliver John
Sa kahimbingan ng aking pagtulog, isang pamilyar na boses ang narinig ko mula sa labas ng kaserang aking tinutuluyan.
"Rikki! Rikki! Iha, nasa baba si Belinda, hinahanap ka!" sinasabayan ni Aling Celeste ng sunod-sunod na pagkatok sa pinto ang malakas niyang pagtawag sa pangalan ko.
Hindi ko alam ngunit tila ang bigat ng aking katawan at hindi ko magawang bumangon mula sa pagkakahiga sa higaang pakiramdam ko ay hindi ko kama, para akong nakahiga sa isang matigas na higaan.
"Naku po, Diyos ko!" bakas ang pinagsamang gulat at takot sa boses ni Aling Celeste mula sa nakabukas nang pinto ng kwarto.
Dahil sa aking pagkakabigla sa pagsigaw ni Aling Celeste ay napabalikwas na rin ako at dali-daling tumayo mula sa aking kinahihigaan. Laking gulat ko ng makita ko ang isang duguang babaeng nakahandusay sa loob ng aking kwarto. Hindi ko maaninag ang mukha ng babae dahil natatakpan ito ng kanyang makapal at mahabang buhok. Nanghina ang aking mga tuhod nang makita ko ang kaliwang pulso ng babae, punong-puno ng dugo na kumalat na rin sa sahig ng kwarto na nagmula sa sugat na gawa siguro ng kutsilyo na nakapatong sa kanang kamay ng babae.
Hindi ko makayanan na tingnan pa ulit ang kalunos-lunos na lagay ng babae, kaya naman nagmadali na akong lumabas ng kwarto. Sa labas ng kwarto nakita ko si Belinda, kasamahan ko sa trabaho at matalik ko ring kaibigan. Nakatayo siya sa tapat ng pintuan ng kwarto, bakas din sa anyo ng kanyang mukha ang pagkatakot at pagkabigla pero hindi ko na siya nagawang kausapin o batiin man lang sapagkat nagpatuloy ako sa pagtakbo para makalabas sa kasera dala ng sobra kong pagkatakot sa nasaksihan ko.
Napaupo ako sa maliit na bangkito sa labas ng kasera, marahil ginamit ito ni Aling Celeste kaninang umaga habang nakikipagtsismisan sa kapwa niya may ari ng mga paupahan ding kwarto. Sa pagkakaupo, nagsimula nang magtanong ang aking isip.
Sino kaya ang babaeng iyon? Tatlo lang naman kaming tumutuloy sa kwartong iyon. Hindi kaya si Sheema? Naalala ko na nagkwento siya sa akin kamakailan lang tungkol sa pagkamatay ng kanyang mga magulang sa isang aksidente. Subalit sa kabila nito, alam kong hindi niya magagawang magpakamatay lalo pa't naiwan ang kanyang labintatlong taong gulang na kapatid sa kanilang probinsya, walang mag-aalaga nito kundi siya, gayong siya ang panganay at may maganda rin namang trabahong tutustos sa pangangailangan nilang magkapatid.
"Naku, nakakaawa naman, kay ganda pa man din. Batang bata ang itsura kahit pa mahigit trenta na ang edad." wika ni Manang Minda, kaibigan ni Aling Celeste na papalabas ng kasera. Dahil marahil sa malalim kong pag-iisip kaya't di ko siya napansin kanina sa kanyang pagpasok.
Bahagyang lumiwanag ang aking isipan. " Batang bata ang itsura kahit trenta na ang edad," kusang umulit sa aking isipan ang nasabing ito ni Manang Minda "Si Ynna!" wika ko sa aking sarili. Labis ang paghanga ko kay Ynna sapagkat siya ay ubod ng ganda. Hindi ko alam ang eksakto niyang edad bagamat nabanggit niya minsan na mahigit trenta anyos na nga raw siya. Subalit bakit niya iyon gagawin sa kanyang sarili? Naku, tatlong araw na nga pala siyang hindi umuuwi rito sa kasera, hindi kaya may napakabigat itong problema sa kasalukuyan kaya't nang hindi niya na makayanan ay bumalik siya rito kagabi at nagpakamatay? Napakamisteryosa kasi nitong si Ynna, hindi siya madalas magkwento, maging ang kanyang trabaho nga ay wala rin akong alam.
"O, hayan na pala ang mga pulis at imbestigador. Halika na nga kumare at baka mapagbintangan pa tayo. Lalo na ang anak ko, malaki ang paghanga ng damuho kong anak sa babaeng 'yan e. Hindi pa naman umuwi itong si Ruel kagabi. Diyos ko huwag naman po sana." ani Manang Fe habang hinihila ang kamay ni Manang Minda.
Sa paghinto ng sasakyan ng pulisya sa tapat ng kasera ay bumaba mula sa loob ang pamilyar na lalaki, si Liam. Balisang nagpatuloy sa pagpasok sa loob ng kasera si Liam. Akma ko siyang susundan ng may bigla akong maalala, isang pangyayaring nagdulot sa akin ng labis na pangamba.
Isang makisig na lalaki ang kasama kong nakaupo sa isang mahabang upuan sa isang parke. Nakaakbay pa sa akin ang kanang braso ng lalaki habang nakasandal naman ang aking ulo sa kanan din niyang balikat. Isang larawan ng magkasintahan kaya't hindi ako maaaring magkamali, nobyo ko ang kasama kong lalaki.
"Bukas ay sampung buwan na tayong magkasintahan kaya naman ipakikilala na kita sa aking ama." panimulang sabi ng lalaki.
"Natatakot ako sa magiging reaksyon niya, Mahal ko." sagot ko.
"Huwag kang mag-alala, Mahal. Mabait ang aking ama." pang-aalo ng lalaki.
Isang malalim na buntong hininga lamang ang aking naging tugon.
"Dahil na naman ba ito sa agwat ng edad nating dalawa? Rikki, dies y otso anyos na ako, nasa wastong gulang na para makipagnobya." bakas ang pagkauyam sa tinig ng lalaki.
"Liam, hindi biro ang labinlimang taong agwat ng edad nating dalawan. Ano na lamang ang sasabihin ng iyong ama kapag nalaman niyang trenta y tres anyos na ako?" bahagya nang tumaas ang tono ng aking boses, tanda na rin ng aking pagkainis.
"Mahal kita, Rikki. Walang sinuman ang makahahadlang sa ating dalawa kahit pa ang aking ama" muli nang huminahon ang tinig ni Liam. Hinawakan niya ang aking mga kamay, tinitigan ang aking mukha partikular ang aking mga mata. Hinaplos niya ng kaliwa niyang kamay ang kanan kong pisngi at dahan-dahan niya akong hinalikan sa aking mga labi, ginawaran niya ako ng halik na puno ng pagmamahal kaya't wala akong nagawa pa kundi ang pumikit at damhin ang kanyang mga labi.
"Rikki, mahal ko! Bakit mo ito ginawa? Hindi ba walang makahahadlang sa pag-iibigan natin? Rikki! Rikki!" humahagulgol sa pag-iyak si Liam. Dinig mula sa loob ng kwarto hanggang dito sa labas ng kasera ang paulit-ulit niyang pagtawag sa aking pangalan.
Doon lang ako natauhan. Katawan ko ang bangkay na nakita ko sa aking silid kanina. Ngunit bakit? Bakit ko kinitil ang sarili kong buhay?
"Huwag kang mag-alala, Mahal ko. Akong bahala sa iyo." wika ni Liam. Kasalukuyan kaming nasa harap ng pintuan ng malaki nilang bahay.
"Naku, nakalimutan ko ang pitaka ko sa loob ng kotse. Sandali lamang at kukunin ko." paalam ni Liam habang ako ay nananatiling walang imik sa pintuan ng malaki nilang bahay, maya-maya pa'y bumukas ang pinto, bumilis ang tibok ng aking puso at mula sa loob ng malaking bahay ay lumabas ang isang pamilyar na lalaki.
"Liam, anak, nandi... Rikki?" bakas ang labis na pagkabigla sa anyo ng lalaki.
"Amadeo?" awtomatikong bumulalas ito sa aking mga labi. Dahil sa labis ding pagkabigla ay agad akong napatakbo papalayo.
"Rikki, saan ka pupunta?" narinig kong sigaw ni Liam na nakabalik na pala sa tabi ng kanina kong kinatatayuan.
Hindi ko siya nagawang mapansin dahil patuloy ang aking mga paa sa pagtakbo habang patuloy din ang aking mga mata sa pagluha.
Papaano ako haharap sa taong inulila ko sa loob ng labingwalong taon? Papaano ko haharapin ang taong tinuring kong kasintahan gayong siya pala ang naging bunga ng mapait kong nakaraan? Lubha akong makasalanan. Marahil ito ang dahilan kung bakit ko kinitil ang sarili kong buhay.
Ngayon ay nilabas na ang aking bangkay na tinalukbungan ng puting tela habang sa isang banda ay matatanaw si Liam, mugto ang mga mata, mababanaag ang bigat ng problemang dinadala, buong tamlay na iniabot sa kaharap na pulis ang isang maliit, kulay puti at hugis parisukat na bagay na sa gitna ay may dalawang pulang guhit na marka.
***
BINABASA MO ANG
Trenta Y Tres
Short StoryIsang umaga ang tuluyang bumago sa buhay ni Rikki, tatlumpu't tatlong taong gulang na dalaga na nagkagusto sa lalaking mas bata sa kanya ng halos labing limang taon. Nang umagang iyon ay isang dalagang duguan at wala ng buhay ang natagpuan sa kanyan...