TIME MACHINE

1.1K 4 0
                                    

KABANATA I : " May I go out?" mga alala ng lumalangoy na sandwich sa lunchbox at kawirduhang nagaganap sa konti kong baon noong elementary.

PEPOT! ...PEPOT! ... PEPOT! ....
Hinding hindi ko malilimutan ang tunog na yan, hamakin mong sa loob ng 18 taon eh lagi kong naririnig ang busina ng nagtitinda ng pandesal tuwing umaga. Minsan naisip ko sana may time machine... yung tipong mamimili ka lang ng eksena naganap sa buhay mo tapos pwede mong balikan at gawin uli yun. Pero kahit anong gawin kong bukas-sara dito sa drawer ko, eh walang doraemon na lumalabas para hatakin ako sa loob ng time machine na nakatago sa drawer ng study table ko. Mabalik ako sa pepot, naaalala ko... noong bata pa ko, sa oras na marinig ko ang mahiwagang pepot tuwing umaga eh agad akong tatakbo papunta sa labas para harangin yung nakabisikletang nagtitinda ng pandesal. Wala akong pakialam kahit ano ang itsura ko kahit mukha akong muta na tinubuan ng bata at kahit mukang pugad ng ibon ang buhok ko samahan mo pa ng mapanghing amoy na nagmumula sa shorts ko ( kaya sinumpa ako ng banig namin gabi-gabi kasi ay naliligo sya ) eh walang habas kong pipigilan ang nagpapandesal para makabili. Mababaw kasi ang kaligayahan ko, pandesal lang solb na ko. Isasawsaw ko lang yun sa gatas (gatas kalabaw daw yun sabi ng nanay ko) almusal na yun. Ngayon alam ko na kung bakit lagi akong nagtatae, favorite ko kasing sabihin noon.... "Maam may I go out?" At syempre lubos lubusin na natin, pagka abot ng nanay ko ng lunch box kong voltes 5 eh expect ko ng pandesal na may palamang itlog na may ketchup na halos malusaw na yung nakabalot na tissue na dumidikit na sa pandesal dahil sa mantika tsaka ketchup ng sandwich ko. Isipin mo naman kung gaano kasalimuot ang meryenda ko. Tapos na sana eh, kaso pagsapit ng recess, magugulat nalang ako na lumalangoy yung sandwich ko, lumalangoy sa natapong juice sa lunch box kong nagmistulang mini fishpond. Saklap... kaya simula noon ay nagbaon nalang ako ng pera, kung akala ko ay tapos na ang kalbaryo ko sa baon na lumalangoy, pwes nagkamali pala ako, pagka ring ng bell ay may mahiwagang plastic na ilalabas ang teacher ko noong elementary, isang mahiwagang plastic na kumikinang kinang pa, sabay labas ng isang makulay na bagay at sabay sabing... "Bumili na kayo ng polvoron ko!", limang piso lang, masustansya kesa sa chippy na binibili nyo (hanep mag sales talk yung teacher ko, "Mabubusog pa kayo." dagdag nya pa. Ewan ko ba kung sadya ba akong uto uto o may lahing magician yung teacher ko, pamaya maya kasi mararamdaman ko nalang na nahihirinan na ako sa polvoron na subo ko, masaklap pa naglahong parang magic yung limang piso ko. Masaklap pa nun hindi man ako nabusog, at ewan ko sinu bang engot ang maniniwalang masustansya daw yung polvoron? Sino? Ikaw?...Siya?... Ewan ko ba, eh wala pa ata akong nabalitaang tumaba sa kakakain ng pinaghalong harina at kaunting gatas. (Lagot ako, binisto ko yung secret ingredient ni maam! ha!ha!)

KABANATA II: "Bring your pet" ang kalbaryo ng kawawang buteteng kanal at tutubing malandi na mahilig sa mapanghi.

Naalala ko nung grade 3 ako, sinabi sa amin ng teacher ko na dalhin daw namin yung favorite pet namin sa school kinabukasan, tapos kailangan daw magsabi kami mg "something" na maglalarawan sa pet namin at kung bakit namin napiling alagan ang pet namin. Exciting diba? Siguro exciting para sa mga kaklase ko pero ako hindi. Eh wala naman kaya akong pet. Yung huli kong alagang tuta ewan ko ba bakit bigla ko nalang nakitang nakahandusay na may bula bula pa yung bibig, eh pinakain ko lang ng buto buto eh kawawa naman ala syang sawsawan, kaya ayun tinapon ko yung tubig nya sa inuminan nya nilagyan ko ng suka. Pag gising ko kinabukasan akala ko gising na sya kaya pala namatay ng dilat yung mata. Yun namang pusa namin ewan ko ba kung pusa ba namin yon, kasi bigla nalang nakitira sa bahay namin, ayus naman sya pinapakain ko naman sya lagi, pag nga may tira akong gatas bininigyan ko pa, kaso noong minsan ( kinuwento ng lasenggo naming kapitbahay ) hinahabol daw ni Putot, (Putot yung pangalan ng pusa namin nung grade 5 ako kasi putol ang dalawa niyang paa sa harap ) yung malaking daga sa bubong ( ewan ko kung paano nya nahabol yung daga) pagtalon daw ng daga sa bubong tumalon din daw si Putot. Bumagsak daw doon sa lamesa ng mga nag iinuman sa daan. Sabi ng kapitbahay namin simula daw noon hindi nya na napansin si Putot. Pero sabi nya, ang pulutan daw ng mga nag-iinuman ay siopao daw. Asado pa daw ang flavor, tinikman nya. Balik tayo sa problema ko, pag uwi ko sa bahay namromroblema ako. Tinanong ko si nanay kung anong pwede kong dalhin sa klase para ipakita. Eh wala naman akong pet. Sabi ng nanay ko, kunin ko daw si Pedring, yung alagang kalabaw ni lolo ko. Eh ang laki kaya nun, kinabukasan eh wala pa akong pet na iprepresent sa klase, habang naglalakad ako papuntang school, napalingon ako sa may kanal, wala eh desperado na ako, dakma dito... dakma doon... pagdating ko ng klasrum saktong sakto ako na ang magprepresent. Pagdating ko sa harap ng klase, nilabas ko yung plastic ng ice candy, napakunot yung noo ng teacher ko sabay titig ng mabuti sa laman ng plastic, "Ano ba yan?" tanong ng teacher ko, "Maam janitor fish po!" "Anak ka ng tipaklong, tanda ko na tong pinagloloko mo pa ako?" . "Eh butete yan eh!" Napahiya ako, tapos pinagtawanan pa ako ng mga kaklase ko. Pinatapon sa akin ng teacher ko yung mga butete, eh naawa ako, kaya ginawa ko pinalangoy ko nalang sila ng malaya, malayang malaya sa loob mg inidoro sabay binuhusan ko ng tubig. Ang sabi sa akin ng teacher ko dapat daw eh dalhin ko ang pet ko kung hindi daw eh makakakuha ako ng low grade, pressure ba ito? At dapat now na daw!, as in now. Eh anong magagawa ko wala naman talaga akong pet. Kaya ginawa ko, pumunta ako sa likod ng c.r. namin, madamo kasi doon, maghahanap sana ako ng insekto. Ayoko sanang pumunta doon, ang panghi kaya, eh kaso madaming tutubi doon. (Bakit yung mga tutubi mahilig sa mapanghi) eh expert na yata ako sa panghuhuli ng tutubi. Kaya isang dakma lang sa hangin eh agad akong nakahuli. Malandi kasi yung mga tutubi dun, ewan ko ba nakita na nga nilang huhulihin sila ayaw pang umalis. Pagdating ko sa klasrum pumunta agad ako sa harap, ang sabi ko sa isip ko, "Ha!ha!ha! gugulatin ko sila sabay-sabay kong papakawalan tong 10 tutubi sa palad ko!", at ng hinagis ko sa ere yung mga tutubi sabay sabing "LIPAD TUTUBI LIPAD!!!" eh sabay sabay silang nagbagsakan sa sahig, nasuffocate yata sa loob ng pasmado kong kamay, sawi...kaya ayun...pinatawag pa ako ng principal kasi muntik na daw ma extinct yung rare species ng malalanding tutubi sa likod ng c.r. kasi ang dami ko daw hinuli!!!....



TIME MACHINE (Mga Kwento ng Kaklase ni Bob Ong)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon