1 Ang Simula

320 3 0
                                    

“Ang Simula”

Buwan ng Hunyo taong 2008; sa amin, ito’y buwan ng pasukan. Bagong pagsubok, bagong mga kaibigan at higit sa lahat, bagong kaugalian. Naniniwala ako na bawat antas o taon na nagdadaan, nagbabago ang ugali ng isang tao.

Halos isang linggo na ang nakakalipas nang magsimula ang mga klase; isang Sabado, isang binata ang pumasok sa aming paaralan. Bago siya doon, walang kilala at sa loob-looban ay takot at kaba. Pumasok siya kasama ang kanyang mama; pinagtinginan siya ng mga mag-aaral doon dahil siyempre, bago siya. Ang pangalan niya ay Michael.

Dahil sa mabait at maintindihin ang mama niya, tinulungan niya itong magpakilala sa mga mag-aaral na nakaupo. Pinakilala niya ang anak niya, at sinabi ditong bumati siya sa kanila. Bumati naman siya, at  noong bumati siya, napatahimik ang lahat at may isang sumagot nang “Hi” sa kanya. Iyong sumagot, gusto lang niyang maging masaya at hindi katakot-takot ang pamamalagi ni Michael sa paaralang iyon. Gusto sana nung babae na kausapin siya ngunit nahihiya ito at natatakot na baka hindi siya kausapin o pansinin.

Isang araw, buwan na ng Hulyo, nag-iisa si Michael. Nakita niya si Dean na may kausap na tatlong babae at nilapitan niya ito. Kinausap siya ng tatlong babaeng ito, tinanong siya ng  kung anu-ano. Habang nag-uusap, may mga ibang babaeng umakyat at bigla siyang umalis. Tinanong siya kung bakit, ang sabi niya, ayaw daw niya sa mga ganung babae; “allergic” daw siya sa mga babaeng ganun.

‘Di nagtagal, naging malapit sa isa’t-isa si Coline at Michael. Isa si Coline sa mga nakausap niya dati, at dulot ng parating pag-usap, naging malapit sila sa isa’t-isa. Ngunit ‘di din nagtagal ang pagkakalapit nila sa isa’t-isa dahil hindi na nakakausap ni Coline si Michael. Habang tumatagal, nagkakagusto si Michael sa isang babae, ang pangalan ng babaeng ito ay Rose; nagkagusto siya dito dahil mabait ito at malambing. Nang malaman niyang may gusto din si Bryan (kaklase niya) dito, medyo nasaktan siya. Lalo na nung makita niyang mas malapit si Bryan at Rose sa isa’t-isa, masakit ito para sa kanya. Siya pa naman iyong tipo ng tao na maramdamin. Dinamdam niya iyon, nagselos siya ngunit pinipigilan niya ang sarili niya dahil wala siyang karapatan. Hindi niya sinubukang ligawan si Rose dahil alam niyang mas gusto nito si Bryan at wala siyang pag-asa. ‘Pag tinatanong niya ito kung sino ang pipiliin ang sagot ay “ewan”. Nalaman ni Rose na may gusto si Michael sa kanya, ngunit hindi ito binigyan ng masyadong halaga ni Rose.

Sumapit ang Setyembre, buwan ng mga guro. Naghanda ang mga hayskul ng isang programa; niyaya ni Johanna si Michael na sumali, wala siyang ibang sinabi at agad na sumali. May mga araw na magpa-praktis sila at doon niya nakakapiling si Rose.

Mahalaga na para sa kanya iyon, dahil mahal na niya si Rose at gusto niya itong makapiling. Masaya siya noong mga panahong iyon, ngunit lahat ng kasiyahan ay may katumbas na kalungkutan. Nang malaman niyang naging matalik na magkaibigan sina Bryan at Rose, lalo siyang nagselos at nalungkot. Tuwing mag-eensayo, ‘pag nandoon si Bryan, palagi siyang kausap ni Rose. Tuwing nakikita ni Michael iyon, hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya; hindi niya alam kung dapat ba siyang magalit o malungkot.

Isang beses, nag-ensayo sila. Sabay silang umakyat ni Johanna sa taas ng pag-eensayuhan. Parehas silang tumingin sa tanawin; sinabi ni Michael kay Johanna ang mga hinanakit niya. Nakinig si Johanna sa kanya at sinubukan siyang paginhawahin. Nalulungkot si Johanna para kay Michael at sa sarili niya, ang magagawa na lang niya ay kausapin ito at pakinggan siya; inisip kasi ni Johanna na ‘pag nailabas niya ang sakit na nadarama niya ay magiginhawaan na siya sa loob.

Noong uwian na, hindi kinaya ni Michael. Nasaktan talaga siya, ni hindi siya kinakausap ni Rose. Nagpasiya siyang hindi sumabay kina Rose; dahil may hinihintay pa sila. Hindi ito unang beses na nangyari, noong mga nakaraang ensayo, nangyari na ito ngunit, dati hinahatid pa ni Michael si Rose at ang kapatid nito kasabay si Lon at Sep. Nag-usap muli si Johanna at Michael. Sinasabi ni Michael na hindi na niya makaya, talagang nasasaktan na siya.

Lumapit ang kaibigan nila na si Sep at nakinig. “Gusto kong maghanap ng kapalit…” tugon ni Michael. “Huwag, hindi naman patas. Maghahanap ka ng iba para gawing panakip-butas?” ang sagot ni Johanna at Sep. Lumapit si Lina at tinanong kung anong pinag-uusapan nila. “Ikaw na lang at sila ang hinihintay namin, gusto ko nang umuwi, masama pakiramdam ko…” ang sabi ni Johanna.

“Uwi na kasi tayo eh… Para makapagpahinga ka na…” ang sagot ni Michael. Tumingin si Johanna sa kanya at sinabi sa isip na “Sana ako talaga ang dahilan kung bakit gusto mo nang umuwi… Ngunit, alam kong ayaw mo lang makita si Rose…” Habang nag-uusap pa sila at may hinihintay, pinipilit na ni Michael na umuwi na silang dalawa at ihahatid na lang daw siya ni Michael. Dahil naiiyak at nalulungkot si Michael, sumandig siya sa balikat ni Johanna.

Ilang sandali ay lumapit muli si Lina at nagtanong, “Anong nangyayari diyan?” Tumingin si Johanna kay Lina at sinabing “Hindi ko alam…” Pagtapos niyang sumandig, sinabi niya kay Johanna na “Hindi ko na kaya, naiiyak na ako…” Tumingin lang si Johanna sa kanya. Lumapit muli si Lina at nagtanong “Anong nangyayari sa’yo? Inaantok ka na ba?” “Oo, inaantok na…” ang sagot ni Johanna. Makalipas ang ilang minuto, nakapagpasiya na silang umuwi na.

HintayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon