3 Paalam?

98 0 0
                                    

“Paalam?”

Mula noong araw na iyon, hindi na nakapag-usap si Johanna at Michael. Kahit batian ay hindi na. Nagtataka si Sep, Lon at Lina kung bakit nagkaganon ang dalawa; hindi nila alam ang nangyari, nasanay kasi silang parating magka-usap ang dalawa.

Magkatabi si Bryan at Rose sa hardin ng paaralan, napadaan si Michael doon. Nakaupo si Johanna sa bangko na kahilera ng bangko na inuupuan nila Bryan at Rose. Napahinto si Michael at napasulyap kina Rose at Bryan, pagtapos ay tinitigan si Johanna. Paglingon ni Johanna, nakita niyang nakatingin si Michael. Agad siyang tumayo at umalis. Ang akala niya ay si Rose ang tinitignan ni Michael, ngunit hindi niya alam na siya pala.

Nanatili silang ganun hanggang sa magbakasiyon. Nakaupo si Johanna kasama si Lina, nag-uusap. Narinig ni Michael na mangingibang bansa si Johanna at baka hindi na bumalik. “Hindi ko nga alam eh, gusto ko para makaalis na ako sa lugar ng kalungkutan, ayaw ko dahil hindi ko alam kung makakaya ko dun, kung saan hindi ko siya nakikita” ang sabi ni Johanna sa kabigan. “May kinagugustuhan si Johanna? Sino kaya iyon?” ang tanong ni Michael sa sarili.

Huling araw na ng klase, lahat ay handa nang magbakasiyon. Lahat ay nagbibigayan na ng kani-kanilang mga regalo. Bumili si Michael ng laket, naisipan niyang bigyan si Johanna ng regalo dahil aalis na at baka hindi na babalik at bilang pasasalamat na din. Ngunit natatakot din siya na baka tanggihan siya ni Johanna. Hindi siya makahanap ng pagkakataong maibigay ang regalo kaya’t itinago na lang niya ito at napagpasiyahan na ibibigay niya ito kung kailan man sila magkitang muli.

Bumili din ng regalo si Johanna para kay Michael, ngunit tulad ng nararamdaman ni Michael, natatakot din siyang tanggihan kaya’t napagpasiyang ibibigay iyon kung kailan man sila muling magkita.

Kinabukasan, umalis na si Johanna sa bansa. Hindi man lang nakapagpaalam si Michael sa kanya. Nakasalubong ni Michael si Lina sa hardin at itinanong kung nakaalis na ba si Johanna. “Oo, kanina pa. Oo nga pala, pinabibigay niya ‘to” ang sabi ni Lina habang iniabot ang regalo. “Regalo niya sa’yo ‘yan, sana daw alagaan mo. Pinapasabi din niya na hindi na daw siya nagpaalam sa’yo kasi…” ang tugon ni Lina. “Kasi ano?” ang tanong ni Michael. “Kasi baka lalo lang daw siyang masaktan. Alam mo bang kaya siya umalis dahil sa’yo? Gusto na daw niyang umalis sa lugar ng kalungkutan” ang patuloy ni Lina.

“Dahil sa akin?” ang tanong ni Michael. “Oo dahil sa’yo” ang sagot ni Lina. “Bakit naman? Anong nagawa ko sa kanya?” ang tanong ulit ni Michael. “May gusto siya sa’yo nung pasukan pa, hindi mo alam?” ang sagot ni Lina. Napahinto si Michael, naisip niya ang mga oras na naluluha si Johanna habang nagkukuwento siya tungkol kay Rose at ang oras na kausap ni Johanna si Lina. “May gusto siya sa akin?” ang paulit na tanong ni Michael. Tumango si Lina; natahimik si Michael at tinignan ang regalo na bigay ni Johanna. “Salamat Lina, maraming salamat” ang huling sinabi ni Michael.

Pumunta siya ngayon sa dalawa niyang kabigan at nakipag-usap. “May gusto daw sa akin si Johanna?” ang tanong niya sa dalawa niyang kaibigan. Napatingin ang dalawa sa kanya; “Nakakagulat noh?” ang sabi ni Michael. “Oo, nakakagulat na hindi mo pala alam” ang sagot ni Sep. Napatingin si Michael kay Sep. “Akala naman namin alam mo, hindi pala” ang patuloy ni Lon. “Sinabi niya sa inyo na may gusto siya sa akin?” ang tanong ni Michael sa dalawa. “Hindi. Pero, grabe ah, ang bulag mo naman. Hindi mo ba nahahalata?” ang tanong ni Sep. Napakunot ang noo ni Michael habang sinabing “Halata ba?” “Oo kaya, nagbubulag-bulagan ka lang; o kaya eh, nabulag ka ni Rose kaya hindi mo napapansin ang magandang bagay sa kapaligiran mo. Halata naman eh kung binuksan mo ang mata’t isip mo” ang sabi ni Lon.

Umuwi na si Michael, nahiga at binuksan ang regalo ni Johanna para sa kanya. Pulseras ang nakita niya, isinoot niya ito at hinawakan. Napaisip siya ng malalim at naalala ang mga nangyari dati. Parang nagsisisi siya sa mga nangyari, na nagpakabulag siya. “Bakit hindi niya sinabi sa akin? Dahil alam niyang may iba akong gusto o dahil iniisip niyang iiwasan ko siya o natatakot lang siya? Bakit?” ang tanong ni Michael sa sarili.

Ngayong nagpaalam na si Johanna, hindi mapakali si Michael. ‘Pag naisip niyang wala na si Johanna, hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman niya. Higit na kalungkutan ang bumalot sa kanya. Kung kailan nawala si Johanna, at saka niya nalaman ang kahalagahan ni Johanna. “Nasa huli nga ba talaga ang pagsisisi? Bakit kung wala na siya, tiyaka ko nalaman ang kahalagahan niya?” ang tanong ni Michael.

Tinignan niya ang larawan nilang dalawa ni Johanna. “Siya parati ang nandiyan sa tabi ko ‘pag malungkot ako, ‘pag nagseselos… Eh ako? Nandun ba ako nung oras na kailangan niya ako? May nagawa na ba ako para sa kanya? Ang dami kong pagkukulang sa kanya… Hindi ko na iyon mapapalitan dahil wala na siya… Dahil din sa akin kung bakit siya umalis, anong gagawin ko?” ang tanong ni Michael sa isipan niya. Natulog na siya at inasahang may milagrong mangyayari sa mga susunod na araw. 

HintayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon