Eleutheromania
Ni: CorrectionFluid
Sabi KO, gusto ko nang umiwas at tuluyang lumayo …
Sabi MO, wag … wag akong tumakbo papalayo sayo …
IKA – 20 ng Mayo, taong kasalukuyan.
Unang araw ko sa trabaho. Normal naman ang lahat, liban nga lamang sa iilang usapin ukol sa mga makakasama ko, sa mismong gagawin ko at sa mga atas na gawain sakin. Hindi pa pumapasok sa kukote ko na isa na akong ganap na empleyado sa isa sa mga prestihiyosong paaralan sa lungsod. Nakakatawa, sapagkat hindi ko inakala at ni sa hinagap, hindi ko lubusang pinangarap na dito ako magtatrabaho. Malayo sa mga plano ko ang mapasok dito, at malayung – malayo rin sa mga adhikain ko ang magtagal dito.
Ayos naman ang lahat. Nakakilala ako ng mga bagong kasamahan at kaibigang maituturing. Siguro, dala na rin ng kadahilanang pare – pareho kaming “bago” sa larangang napili kaya kami nagkasundo – sundo. Hindi rin naman maiiwasan ang bagay na ito dahil kumbaga sa natural phenomenon, normal lang talaga na sa magkakatrabaho, magiging magkakasundo yung magkakapareho ng kalagayan. Ika nga, kapag bago kayo, ayos na ayos lang kasi may kasama kang nangangapa, at may katulad kang magmumukhang tanga.
Sa ganitong set – up tayo nagkasama – sama.
Hanggang sa mas nakausap at mas nakilala kita.
Yung totoo?
Hindi ko naman ginusto na sa unang beses pa lamang ng pagkikita natin e mabiktima ka na ng kalokohan ko. “Empleyado ka rin dito? Eh ba’t ngayon lang kita nakita?” – iyan pa nga ang sabi ko noon sayo. Ngumiti ka lang ng tahimik at sinagot ako sa paraang pare – parehas naming ikinagulat. Nawalan ka pala ng mahal sa buhay, at malapit sa mismong kaarawan mo pa.
Sa grupo natin, ako ang pinakamaingay, ako ang pinakamagulo at ang siyang pinakaadik sa balat ng mga adik sa madaling salita. Hindi ako naniniwala sa konsepto ng hiya – hiya, liban na nga lang kung ang pag – uusapan ay ang iba pa nating kasamahan. Oo, nung una tayong nagkita, napakamahiyain mo pa … at sa paglipas ng bawat araw, hindi ko inakala na marunong ka rin palang sumakay at magpasimuno ng kalokohan at asaran.
Isa sa mga paboritong paksa ng grupo natin (sa tuwing nag – aasaran tayo) ay ang walang kamatayang lovelife. Nakakatawa, noong unang linggo mo kasama namin, tinanong mo na agad ako kung meron bang nagkamaling lumigaw sakin, at ang iba pa nga niyong tanong, kung meron ba akong syota, boypren o seryosong nobyo. Mapaklang tawa lang ang isinagot ko sa inyong tatlo noon, kasabay ng pag – labas sa bibig ko ng mga salitang ni sa hinagap ay di ko alam na masasabi ko pala, “wala … wala na.”
Sa di – inaasahang pagkakataon, nagkaroon tayo ng tiyansang mas makapagusap. Salamat sa dalawang araw nating team building noon sa Laguna. Lahat tayo sa grupo, mas nakapagusap, mas nakapagasaran at nakapaglokohan, at mas nagkakila – kilanlan. Hindi ko nga rin inasahan na kaya mo pala talagang makipagsabayan sakin, samantalang kung tutuosin, ako na ang pinakabully sa grupo natin. Yun nga lang, kapag binibitawan mo na ang mga baon mong jokes minsan, natatawa at nayayamot na lang kami dahil sa totoo lang, hindi talaga ito bumenta at napipilitan lang kaming tumawa.
Sa team building natin sa Laguna nag – umpisa ang lahat … magmula sa biruan, asaran … at hanggang sa nauwi sa lokohang katotohanan. Tinanong mo noon ang isa nating kaibigan kung bakit hindi kami nagkakagustuhan, sa kabila ng katotohanang mas magkasundo kami sa bawat trip at kalokohan. Ang sinabi na lang niya, “eh sa tropa kaming dalawa e.” Alam mo ba na sa sagot mo sa mga sinabi niyang iyon nagsimulang maligalig ang mundo ko? Paano ba naman kasi, “tropa mo? E girlfriend ko yan e” ang siyang isinagot mo.