Break-Up Expert

10 0 0
                                    


"Where do broken hearts go? Do they find their way home?" ganun niya sinimulan. Kakanood lang kasi niya ng That Thing Called Tadhana.

Agad naman niyang hinighlight at dinelete. Ginamit at sinimot na nga nung pelikula ang mga salita ni Tita Whitney, gagamitin pa niya uli.

"You had me at my best... She had me at my worst..." Agad niyang dinelete. Ulit.

Hindi lang gaya-gaya. Lumang-luma pa.

"Haayy..." Sinara niya ang HP laptop niya nang padabog, nagsisi lamang na baka nasira niya ang laptop nang marinig niyang bumagsak ang mukha ng monitor sa keypad. Saka siya natigilan. Parang pag-ibig niya. Ginusto niyang isara nang mabilisan, at heto't bumagsak na ang mukha niya sa semento ng katotohanan. Pero sabagay, basagin na siguro natin ang lahat pati ang laptop, naisip niya.

At parang nanunuya pa ang tadhana. Hindi lang siya hinatulan na mabigo sa pag-ibig. Binawi pa ang akala niyang kaya niyang gawin: ang magsulat ng kanta.

Kung meron siyang alam gawin (dati), yun ay ang magsulat ng kanta. Kantang masaya, malungkot, nayayamot, in love, o yung mga wala lang na puwede mong kantahin habang nakahiga sa sala pag Linggo ng hapon habang hinihintay ang The Buzz.

Gaano na nga ba katagal nung huli siyang nagsulat ng kanta? Noon pang niligawan niya si Seline. Ganoon na katagal? Limang taon?

Nang napasagot niya si Seline, hindi na niya maalala kung gumawa pa siya ng kanta nung sila'y naging mag-girlfriend at boyfriend. Dahil ba hindi na niya kinailangan pang mang-akit at magpa-impress? O puro covers ng favorite songs ni Seline ang kinanta niya? Wala nang original?

Matagal na nga niya sigurong hindi narinig tuloy ang tunay na boses niya. Ang boses sa loob. Ang bagting ng gitarang siya ang kumatha at tiyumempo.

Basta nawala. Basta basag na.

Parang relationship nila.

At ngayong hinahanap niya ang tamang titik at tunog, parang nagtampo na yata ang mga kanta sa kaniya. "Pati ba naman kayo, iiwan ako?"

Melodramatic, Mick. Melodramatic, sabi niya sa sarili niya.

Pero ano ka pa ba kundi melodramatic pag nakipagbreak?

Makinig na nga muna ng mga kanta. Binuksan niya uli ang laptop. Umandar pa naman.

Nag-YouTube siya ng mga music video version.

One Last Cry. Check.

Pakisabi na lang na mahal ko siya. Check.

Basang-basa sa ulan. Check. Check. Check.

Nakiki-strum sa Pare Ko sa pagitan ng pag-inom ng bote ng Beer. Check.

Pero hindi pa rin dumating ang kantang kaniya.

Akalain mong ang dami palang results sa Google at YouTube ng BREAK-UP songs.

Actually, ang daming search results ng BREAK-UP.

Doon niya natunton – at naramdaman – kung bakit break-up ang salitang break-up.

Hindi lang kayong dalawa ang nakipag-break. Pati sarili mo parang watak-watak. Chinop-chop. Parang yung kamay mo gustong humiwalay sa braso. Yung braso gustong humiwalay sa balikat. Gustong kumalas ng sikmura mo sa lalamunan mo, maging ng mata mo sa ulo mo. Gusto mong maputol mula sa buhay. Hindi naman sa gusto mo nang mag-suicide. Hindi. Gusto mo lang maputol ang koneksyon mo sa kahit anong gumagalaw o maaaring tanungin ka kung kamusta ka. Maaari kang sumagot bukas, sa makalawa, o sa susunod na linggo. Basta gusto mo lang putulin ang lahat ng linya ng komunikasyon ngayon.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Nov 23, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Break-Up ExpertTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon