Marami na akong karanasan sa buhay. Masasabi kong halos lahat ay napagdaanan ko na. Siguro nga ganito na ang pag-iisip kapag matanda ka na.
Gaano na nga ba ako katanda?
Ay oo nga, nararamdaman ko na ang katandaan na ito ay malapit na akong maunahan. Nalalabi na lamang ang oras ko sa mundong ito. Pero hindi ito hadlang upang bumangon pa rin ako sa araw na ito upang harapin ang buhay.
Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil binigyan pa rin niya ako ng panibagong buhay sa araw na ito. Kahit nahihirapan na ako ay masaya pa rin akong bumabangon sa umaga dahil alam kong may mga bagong karanasan pa rin akong mararanasan sa buhay kong ito.
Sa dinami-dami ng mga karanasan ko sa buhay, isa lang talaga ang hindi ko makakalimutan na aspeto sa aking buhay. Ito ay ang buhay pag-ibig.
Hay pag-ibig.
Lahat yata ay naranasan ko dahil sa pag-ibig na yan.
Magmahal.
Masaya.
Malungkot.
Masaktan.
Makabangon.
Magbigay.
Magtapat.
At higit sa lahat may matutunan.
Masasabi kong kumpleto na ang buhay ko dahil sa mga ito. Maari na akong magpahinga.
Sana lamang sa pagkakataon na ito ay makasama ko na ang taong dahilan kung bakit ako ay nabubuhay pa.
Musika ang unang nagbigay daan upang magtagpo ang aming mga landas.
At sa tingin ko sa musika rin magtatapos ang kasaysayan naming dalawa.
Kailan ko nga ba siya makakasama muli?
Ito ang aking kwento. Kung saan mararanasan niyo na ang musika ang nagbibigay kulay sa pag-ibig.