Last Cry
Mahal mo sya. Pero may mahal syang iba.
Trending yan. Kaya nga pati ako nakikiuso.
Mahal ko si Rino. Pero si Beth ang mahal nya. Saklap di ba?
I don't care kung tawagin man akong tanga. Tanga na kung tanga. Nagmamahal naman.
Pinili kong magmahal. Ibig sabihin, pinili ko ring masaktan.
Sila na ni Beth nung nahulog ang loob ko kay Rino. Hindi ko naman ginusto yun. Basta bigla na lang nangyari. Siguro masyado lang akong na-hook sa pagkatao nya-- mabait, mapagmahal. Lalo na sa girlfriend. Maswerte talaga si Beth sa kanya.
Noon pa lang alam ko nang hanggang doon na lang ako. Kasi alam kong mahal na mahal nya si Beth. Sobrang mahal nya.
Noon pa lang, sinubukan ko nang ibaon ang nararamdaman ko. Pinilit kong iwasan sya. Kahit nga si Beth na kaibigan ko, sinubukan ko ring layuan para lang hindi magkaroon ng pagkakataon na lumalim pa yung nararamdaman ko para sa boyfriend nya.
Pero wala e. Parang ganito.. Pinilit kong ilublob ang sarili ko sa ilalim ng dagat.. pinigilan ko rin ang paghinga pero kahit anong gawin ko, kusa akong lumulutang. Kusang lumutang ang nararamdaman ko at dinadala ako ng alon papunta sa kanya.
Buti na lang si Beth lang ang kinikilala nyang babae. Buti na lang hindi nya napapansin. Kasi kapag kasama nya si Beth, may sarili syang mundo na ginawa para sa kanilang dalawa lang. Kahit na anong pilit ko, hinding-hindi ako makakapasok sa mundong yon.
Sinubukan kong ibaon ang nararamdaman ko pero hindi ako nagtagumpay. Sinubukan kong iwasan sya.. Hindi na naman ako nagtagumpay.
"Jestine, hanggang kelan ka aasa?"
"Promise, last na 'to."
Yan na lang ang parati kong sinasabi. Last na. Nakakatawa. Kasi kung last na nga yun, e di ang dami ko ng 'last'.
Matagal ko nang gustong bumitaw. Matagal ko nang gustong mawalan ng pag-asa. Konti na lang. Konting-konti na lang at handa na akong i-give up ang nararamdaman ko.
Pero nag-break sila.
Lokohan di ba? Bibigay na dapat ako. Pero nabuhayan na naman. Hindi na dapat ako aasa.. Pero ayun nga.
Iniwan sya ni Beth.. Tapos ako naman ang nilapitan nya. Andun na e. Malapit na ako sa finish line. Pero bumalik na naman ako sa pinanggalingan ko.
Iniwan sya ng girlfriend nya dahil nagsawa at nasakal. Ang ending? Ako ang kinakausap nya para makuha ulit si Beth. Mabuti pa si Beth, naumay na sa pagmamahal ni Rino, samantalang ako.. uhaw na uhaw.
Dahil sa paglapit-lapit nya sakin ng ilang buwan, lumalim na naman yung nararamdaman ko para sa kanya. Hanggang sa hindi ko na kayang itago kaya umamin na'ko.
"Mahal kita Rino.."
"Gusto kita Jes.. Pero hindi pa ako handa sa isa pang commitment.."
Yun ang sagot nya. Pero imbes na malungkot, natuwa ako. Gusto nya raw ako. Sa sobrang kasiyahan ko, pumayag ako sa arrangement namin--M.U. as in mutual understanding. Mahal ko sya. Gusto nya rin naman ako. Kilalang one-woman man si Rino. Kaya nakuntento na'ko.
Pero I should have known. Malayo ang agwat ng mahal sa gusto.
"Hanggang kelan ka magtitiis?"
"Promise, last na 'to."
Si Beth pa rin. Alam kong si Beth pa rin. Nag-iba ang pakikitungo nya sa'kin magmula nung magkita sila ni Beth ilang linggo na ang nakaraan. One-woman man nga sya.. Pero pagdating lang sa mahal nya. Mahal ko sya.. Pero sya.. gusto nya LANG ako.
Kaya I decided to do what's right, what's good for the both of us.. Kahit pa ang katumbas nun ay ang kasiyahan ko.
"Rino.. Pinapalaya na kita. Alam ko namang si Beth pa rin hanggang ngayon."
Iniwan ko na sya. Alam kong nasasaktan sya para sa'kin. Pero alam ko ring masaya na sya. Masaya na ulit sya. Sa piling ni Beth.
Binitiwan ko na sya. Bibitiwan ko na rin ang feelings ko para sa kanya.. pagkatapos kong ilabas tong sakit na nararamdaman ko.
"Hanggang kelan ka iiyak, Jes?"
"Promise, last na 'to."
Ilang ulit ko na bang sinabi yan? Nakakasawa di ba? Kahit ako nagsasawa na rin. Nakakapagod umasa. Nakakapagod magtiis. Nakakapagod umiyak. Nakakapagod magmahal.
Bibitawan, kakalimutan, at isusuko ko na ang nararamdaman ko para sa kanya.
Isang huling iyak.
Promise, last na talaga 'to.