Tawag sa Tinig ng mga Kababayan

1.2K 4 2
                                    

Tawag sa Tinig ng mga Kababayan

(Isang sanaysay na nagkamit ng Unang Gantimpala noong ika-2 ng Setyembre 2009, Buwan ng Wika, sa Bulwagan ng Al Jazeera International School)

By: Margery A. Oriel

Sa angking mahihinang tinig na halos hindi na marinig, paano natin makakamtan inaasam-asam na langit? Sa bansang naghihikahos, sa bansang nagungulila sa pansin, kailan natin pakikinggan himig ng kanyang damdamin?

Filipino ang gamit nating wika mula pa noong makalaya sa mga bansang mapagsamantala. Ito ang wikang nagdulot ng pagkakadikit ng bawat mamamayan. Sa bunga nitong pagkakaintindihan, tayo ay nagtulungan sa pagbangon at paglikha ng malayang pamahalaan.

Sa kasalukuyang estado ng ating bansa, makikita na ang pagdami ng mamamayan ay patuloy na umuusbong. Bakit sa gitna ng kalayaang ating nakamit, ang kapalarang hatid ay parang lubos pa ring masakit? Isa-isang nagwawaksi ang ating mga kababayan sa iba't-ibang bansa; nag-aaral, nagtratrabaho, nagiging bihasa sa banyagang wika; nagmamahal, nagpapakasaya at sarili ay ibinabangon habang ang sinilangan ay naghahanap ng aruga. Ganito ba ang turo ng ating mga nuno? Ang lisanin ang problemang sagot ay di matanto?

May pagkamakasarili din tayo, sapagkat sarili ang ating inuuna at hindi ang kapwa. Natural lang na paunlarin natin ang sarili dahil ito ay praktikal sa panahon ngayon. Ngunit kung ang biyaya natin ay bumabaha na, sana naman ay matuto tayong makihati sa isa't-isa; bayanihan, ika nga. Ito ang isa sa mga pinakalumang ugaling ating namana. Halina't atin itong ipasa sa bawat Pilipino ng iba't-ibang bansa.

Kung isasapuso ang Filipino ng lahat ay mahiwaga ang magagawa nito. Hindi lang bayanihan ang kaya nitong ituro kundi pati na rin ang nawawalang pagkakaisang nakatanim sa pinakaloob ng ating mga puso. Kung ipapaintindi ng bawat pinuno ng bansa ang kanilang mithiin ay malalaman natin kung sila ba ay nagtratrabaho o naghahakot lamang ng pera. Kung hindi puro pakitang gilas ang ating nakikita, imbis ay aksyon kaparis ng matinding gawa, maiisip sana ng lahat na pagsisikap ang kailangan tungo sa karangyaan. Datapwat kung sila ay patuloy lamang mag-aagawan sa pinakamataas na pwesto sa gobyerno, lalong mawawalan ng tiwala ang mga tao. Hihina ang natitira nating pag-asa hanggang sa maglaho ang lahat sa wala.

Kung pagsisikapan lamang linangin ang katalinuhan ng mga Pilipino at kung kabiak natin ang pamahalaan; makakamit natin ang layang masarap ipagmalaki; maiaahon natin ang bansa sa pagkakabigti. Kung magsasalita ang bawat isa pati ang mga opisyal ng gobyerno sa wikang ating kinalakhan, siguradong magbubukas ito ng mga bagong pinto; bubuhos ang mga biyaya ng oportunidad lalo na sa mga makabayan at mapagmahal. Uunlad din tayo, mag-umpisa man tayo sa sariling bayan ay mababalitaan din ito ng buong mundo.

Kapag tayo ay maunlad na, mawawala na ang mga puwang sa ating mga dibdib. Maaalis na rin ang galit dahil nakakita tayo ng paraan upang makaakyat ng sabay-sabay. Hindi manghihinayang ang ating mga bayani na binuhay nila tayong malaya at sama-sama. Maipagmamalaki nating masasabi na ating natupad ang kahilingan nila. Ang pagtaas nila sa bandila ng ating bansa ay naghatid ng panibagong simula.

Buksan natin ang ating mga pakpak mula sa pagkakatiklop. Liparin natin ang langit ng talento, karunungan at tagumpay. Languyin natin ang malalalim na sulok ng karagatan. Magbalik tayong may hakot na kayamanan sa ating mga sabik na puso at uhaw na diwa.

Ang kinabukasang sabay-sabay na pinangarap ng ating mga bayani at mga pangarap na patuloy nating minimithi ay huwag kailanman ibasura. Nawa ay lakasan ng lahat ang mga tinig dahil hanggat may paraan, hanggat may pag-asa, hanggat gumagawa, ay huwag tayong sumigaw na, "Tama na! Ayoko na." Bagkus, matapang nating ipagmalaki sa harap ng sanlibutan, "Pilipino ako! Makakabangon ako! Ipinagmamalaki ko ang lahi ko."

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 17, 2009 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Tawag sa Tinig ng mga KababayanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon