STAR CROSSED (short story)

190 7 10
  • Dedicated kay Angel Claire Vinluan
                                    

         Tumutugtog ngayon ang isang pamilyar na piyesa kasabay nito ay ang paglalakad ng mga pares na kanina pa nakalinya sa malaking pintuan. Narito ako sa dulo ng pila. Nakasuot ng isang magarang puting damit, may kolorete sa buhok at katawan at nakangiting may bahid ng kaba. Makalipas ang ilang sandali, oras na para ako ay maglakad sa sahig na nababalutan ng pulang tela. Iginala ko ang tingin ko sa paligid. Lahat sila nakatingin sa akin. Wala nang atrasan 'to. Dineretso ko ang aking tingin. At napako ang aking mga mata sa taong mahal ko. Nakatayo siya sa dulo na animo'y naghihintay sa akin. Nagtama ang aming mga mata. Patuloy lang ako sa paglalakad at ang titigan namin na animo'y may gusto kaming sabihin sa isa't isa.

             Nang makarating ako sa dulo, ayoko man, inalis ko ang tingin ko sa kanya upang ilipat ito sa lalaking katabi niya na ngayon ay abot tenga ang ngiti. Kanina pa siya naghihintay sa'kin upng iharap ako sa dambana. Inalok niya ang kanyang kamay. Tumingin ako dito at pagkatapos ay sa lalaking katitigan ko kanina. Naaalala ko pa, tinext ko pa siya kagabi. Baka sakaling may pag-asa at ayokong manghinayang na 'di ko nasabi sa kanya.

             -- Ang totoo niyan nagdadalawang-isip ako para bukas o mas mabuting sabihin na ayokong ituloy dahil sa'yo. MAHAL KITA, ngayon ko lang sinabi dahil natatakot akong masira ang pagkakaibigan natin. MAS MAHAL KITA, at kung mahal mo din ako, pwede bang sabihin mo? Itakas mo ko kung gusto mo o pigilan mo ang kasal. Pero kung wala kang nararamdaman para sa'kin, masaya na rin akong nasabi ko. Pero sana kalimutan mong nabasa mo ito. At sana maging masaya ka na.--

             Wala akong natanggap na sagot. Siguro nga wala siyang nararamdaman para sa'kin. Ewan ko ba kung ba't ko 'yun ginawa at ngayon pa kung kailan kumplikado na ang sitwasyon.

           Ang mga mata niya, parang may gustong sabihin pero nakita kong siyang ngumiti ng pilit. Malungkot ba siya? Ayoko nang umasa.

             Ibinalik ko ang tingin sa lalaking kanina'y abot tenga ang ngiti. Ngayon, parang kinakabahan na siya. Iniisip siguro niya na nagdadalawang-isip ako (na totoo) pero kung hindi ko itutuloy ang kasal sana kagabi pa ko umalis, hindi ko gustong iwanan siya sa simbahan. Kinuha ko ang kamay niya. Mahal ako ng taong ito. Mahal ko rin naman siya kahit papano. Pero alam ko sa sarili ko na kung may pagkakataon iba ang gugustuhin kong makasama.

              Nagsimula na ang seremonyas...

              "Ikaw babae, tinatanggap mo ba....."

               Wala ng atrasan 'to. Siguro nga hindi kami para sa isa't isa.

              "Opo,padre."

                Sana, alam ko balang araw sasaya rin ako sa desisyong ito.

            Natapos ang kasal. Nandito kami ngayon sa reception. Ang mga mata ko iisa lang ang hinahanap. Nakita ko siya sa tabi ng pool mag-isa. Malungkot ba siya? Dahil ba mahal niya ko? Ayokong umasa.

                 Lalapitan ko na sana siya nang biglang may lumapit sa kanya.

            "Pre! Bakit hindi mo sinasagot ang tawag sa'yo. Kanina tinatawagan ka rin pero out of coverage area pa rin. Importante pa naman 'yun."

                "Ah. Lowbatt ako. Kagabi pa. Nakalimutan ko lang i-charge."

               "Next time kasi, make sure na full charge ang cp mo. Pinagawa na sa iba 'yung iaassign sana sa'yo sa office."

              Umalis na 'yung kausap niya. Nakapatay ang cellphone niya, kagabi pa? Kung ganon, hindi niya nabasa ang text ko. Nagbabadya ang mga luha sa mata ko. Pinunasan ko ito bago pa man tuluyang bumagsak. Lumapit ako sa kanya.

             "Oy!" Tinapik ko siya para malaman niyang nasa likod niya ko. "Ba't andito ka?" Humarap sya sa'kin, ngumiti pero halatang pilit.

               "Err..nagpapahangin."

              "May problema ka ba?" Niyakap ko sya. Ramdam kong nagulat sya sandali. Maya-maya ay niyakap niya din ako.

               "Ha? Wala naman."

             "Kasi, narinig ko nakapatay cp mo. 'Diba ginagawa mo lang 'yon 'pag may problema ka?" Dahil ba sa ikakasal na ko? Ahh..ayokong umasa.

                "Ano ka ba! Lowbatt nga."

               "Ikaw talaga! Next time i-charge mo agad. 'Yan tuloy..." Nagsimula nang tumulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan.

             "U-uy! umiiyak ka ba?" Aalis sana siya sa pagkayakap sa'kin pero hinigpitan ko lalo ang yakap ko sa kanya.

                  Kahit...ngayon lang, gusto ko siyang makasama. Last na 'to.

                  "Siguro nga, 'di pwede."  

                  "H-h-ha?"

                   "Wala!" umalis na ko sa pagkakayakap at pagkatapos ay pinunasan ang mga mata ko.

                   "Masaya lang ako. Sige na! Balik na tayo 'dun."

                   "Sige. Sunod na lang ako."

                   Tumalikod na ko at akmang hahakbang. Pero humarap ulit ako sa kanya.

                  "Ano..Magiging masaya ko!"

                 Nawirduhan siguro siya sa sinabi ko. Kumunot kasi 'yung noo niya. "Ikaw din. Ipangako mo, magiging masaya ka."

                   "Ha? Alam mo ang weird mo."

                   "Eehh...basta!"

                    "Oo na! Magiging masaya tayo." At doon humakbang ulit ako at niyakap siya.

                     "Last na'to."

                     Alam ko, nagtataka siya. Pero niyakap niya din ako. Last na talaga 'to. Promise.

-------

                   Nandito na kami sa bahay. Nasa loob ako ng kwarto. Masaya ang araw na 'to. 'Yun ang dapat kong maramdaman, pero kahit anong pilit ko sa sarili ko, malungkot pa rin ako. Umuulan ngayon. Nakikiramay sa'kin.

                     Nabasa na kaya niya. Siguro mas maigi kung hindi na. Napatingin ako sa cellphone ko. Nagulat ako, marami na pa lang message. 'Yung mga naunang message puro congratulations lang. Hanggang sa malapit ko na matapos lahat. Nagtaka pa nga ako 'yung iba dito kagabi pa. Late na talaga ang mga message sa network ko minsan. Next time siguro magpapalit na ko ng network. 

                  Ang pinakahuling message na hindi ko pa nababasa, galing sa kanya. Ang laman nito ang pinakamasakit na salitang nabasa ko..."MAHAL KITA."

STAR CROSSED (short story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon