Isa, dalawa, tatlo o higit pa, maraming beses tayong magkakamali. Maraming beses tayong madarapa. May mga bagay tayong magagawa kahit alam nating hindi tama. Mga bagay na minsan mas pinipili nating sundin kaysa sa ikabubuti natin. Madalas tayong magtimbang kung ano ang mas gugustuhin natin. Sa landas ba ng pagbabago at pagpapakatotoo? O sa landas ng mga taong wala namang napatunayan sa mundo?
Habang lumalawak ang ating kaisipan bilang isang tao, mas dumarami ang kaalaman natin sa mundo. At sa bawat pagpatak at pagtakbo ng oras, unti-unti tayong nahuhubog sa daigdig na mapaglaro. Sapagkat, ang bawat pagkilos na gagawin mo ay magmamarka sa iyong buong pagkatao. Lahat ng bubunuin mo ay magkakaroon ng epekto. Hindi ko sinasabing kailangan mong maging perpekto, dahil sa buhay na ito ay palaging may kaabkibat na mga bagay na susubok sa iyo. Hindi ko rin sinasabing bawal ang magkamali, dahil alam kong palaging may puwang ang pag-asang magbago. Ngunit, upang maging isang kapaki-pakinabang na tao, kailangan mo ng matalinong pagpili para sa iyong progreso. Ikaw ang magmamaneho ng manibela tungo sa kapalaran mo. Ikaw ang maghahawak ng alas ukol sa kung anong klaseng tao ang gusto mo. At ikaw rin ang gagawa ng sarili mong tadhana na gusto mong kahinatnan dito sa mundo. Dalawang bagay lang ang iyong pagpipilian. Doon ka ba sa mukha ng isang taong mas pipiliin ang tama at dapat o sa mukha ng isang taong mas gugustuhing gumawa ng masama at di kayang maging sapat?
Naiintindihan kong bilang tao, hindi mo maiiwasang magkamali sa mga bagay na tatahakin mo. Sapagkat, naniniwala akong lahat tayo ay may tanikalang nakagapos sa ating pagkatao. Isang tanikala kung saan nagbubuklod sa ating mga kamalian at impluwesya ng pagkalito. Ngunit, alam kong lahat tayo ay may kakayahang makalaya sa pinto ng sitwasyon na ito. Hindi dahil sa isanlibong tao ang nagsasabi sa atin na gawin natin ang isang bagay ay magpapadaloy na tayo sa agos na tumatangay. Hindi tayo mangmang upang magpaimpluwensya pa sa mga bulung-bulungan ng kasinungalingan at kasamaan. Nararapat lamang na balansehin ang ating lipunan. Matuto tayong manindigan sa tamang katwiran. Dahil kung mas papairalin natin ang pagiging makatao, tiyak na mamumulat ang mundo sa tamang pagbabago.