Dear Forever... Nagmamahal, Ang Taong Bitter.

69 1 0
                                    

Dear Taong Gusto Ko,

    Itong nararamdaman ko para sa'yo, kailan kaya may makakaramdam naman nito para sa'kin?

Nagmamahal,
Taong Walang Nagkakagusto

___________________________________

Dear Taong Pa-Fall,
  
    Nakakaligaw ang mga mata mo. Kung saan saan ako tinatangay sa tuwing mapapatitig ako sa mga ito.
    Nakakatangay ang pakikitungo mo. Kung anu-anong posibilidad ang isinusuksok nito sa isip ko.
    Nakakalinlang ang pagiging malapit mo. Kung anu-anong ilusyong dala nito ang lumilikha ng pag-asa sa damdamin ko.
    Sa isang ngiti mo lang, isang buong buhay natin na magkasama ang agad na nakikinita ko. Sa isang akbay mo lang, bigla ay naniniwala ako na ang salitang "tayo" ay magkakatotoo.
    Ngunit ikaw ay isang panaginip lamang na ni hindi ko maaalala paggising ko. Ang salitang "tayo" ay isang mundong binuo ko lamang sa imahinasyon ko. Ang posibilidad na mahalin mo rin ako ay isa lamang katangahang paulit-ulit kong ibinubulong upang kumbinsihin at lokohin ang sarili ko. Wala ni isa sa mga ito ang magiging reyalidad ko.
    Dahil ikaw ay isang naglalakad na kathang-isip lamang... Isang bangin na walang kababagsakan ngunit kinahulugan ko... Isang magandang patibong na binihag ang puso ko upang saktan lamang ito. At sa bawat butil ng pag-asa na itinanim mo, ni isa wala kang pinalago. At sa bawat kahon ng 'hopia' na ipinakain mo, ako lang ang nabusog sa sariling ilusyon ko.

                                                  Nagmamahal,
                                                  Ang Taong Na-Fall

____________________________________

Dear Taong Sadista,

Nagising akong puno ng galit ang puso ko. Nakakapagtaka, bilang dati naman ay handa akong maging manhid kahit ano pa ang sakit na maidulot mo.

Hinde. Hindi ako galit sayo.

Galit ako sa katotohanan na kaya mong iparamdam sa akin na wala akong halaga, habang masaya at taas-noo ka pang paligid-ligid, na parang ipinagmamalaki mo pa ang iyong nagawa. Na parang walang nangyari. Na tila ba nakakatulog ka ng matiwasay sa gabi habang wala man lamang ibinibigay na pakialam sa kung paanong ang nasabi o nagawa mo ay pumukaw sa aking matinding depresyon, nagpanumbalik muli sa akin ng lahat ng sakit na idinulot ng lahat ng pagtangging isinampal sa akin buong buhay ko, nagpaiyak sa akin ng ilang araw, naging dahilan para mag-alala at mabahala ang pamilya at mga kaibigan ko tungkol sa kalagayan ko, na halos nagtulak nito sa akin na tapusin na ang sariling buhay ko...

Galit ako sa katotohanang hindi ko magawang magalit sayo. Na ang totoo'y ang gusto ko lang naman talaga ay makita kang may pakialam. Yung kilalanin mo ang katotohanang miserable ako dahil ikaw ang naglagay sa akin sa posisyong ito.

Oo, alam ko na ang sasabihin nila, na naghahanap lang ako ng masisisi, na baka ni hindi mo man lang nga siguro alam kung paano at gaano mo akong nasaktan. Kalokohan. Hindi pa ba halata? Sa haba pa lang ng sulat na ito?

Hindi ako humihiling na humingi ka na tawad. Na ipakita mo ang pagsisisi mo sa isang napaka-enggrandeng paraan. Pero wag mo naman sanang iparada ang walang pakialam, walang pakiramdam mong presensya at paulit-ulit na isampal sa pagmumukha ko. Gaano man kababaw sa tingin mo ang rason ko, gaano man kaliit na bagay sa pananaw mo, ang punto ay: masakit. Sobrang sakit. At kung gaano ka-"hindi apektado" ang mga kilos na ipinapakita mo ay hindi nakakatulong para maghilom ito.

Lagi nilang sinasabi na hindi ko man kayang piliin kung anong mga pagsubok ang pagdaraanan ko, kaya ko namang piliin kung anong mararamdaman ko sa likod ng mga ito. Pero papaano kung kahit pinipili kong maging matatag at isantabi na lamang ang lahat ng sakit, palihim namang nadudurog ang puso ko dahil pinipili nitong maramdaman ang hinagpis at wala akong magawa upang makontrol ito? Papaano ko pipiliing maging masaya kung unti-unti na akong namamatay sa kaibuturan ng pagkatao ko, tapos makikita kong masaya ka lang, pinipiling wag pansinin ang lahat ng ito? Ngayon nyo sa'kin sabihin ang gasgas na linyang yan, na "Kaya mong piliing maging masaya". Sige. Hinahamon ko kayo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Sep 09, 2018 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Dear Forever... Nagmamahal, Ang Taong BitterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon