Sa Mga Mata ng Isang Duling

37 0 0
                                    

Matinis na huni ng mga ibon.

Malamig na simoy ng hanging umaga na sumasalungat sa init na dala ng haring araw.

Ang halimuyak na hatid ng umagahang niluluto ni Inay.

Mga bagay na dapat sasalubong sa isang espesyal na nilalang na tulad ko sa umagang ito. Pero hindi ito ang sumasalubong sa akin ngayon.

Mausok.

Madumi.

Maingay.

Inayos ko ang sakong nagsisilbing kumot laban sa mapait na lamig na dala ng habagat. Muli kong ipinikit ang aking mga mata, nagbabakasakaling bumalik sa mala-paraiso kong panaginip. Lumakas ang mga ingay. Tila lumilindol sa aking kinahihigaan dahil sa pagdami ng mga sasakyan. Lalong lumakas ang mga ingay. Isinuko ko na ang aking mga panaginip at iminulat na ang aking mga mata.

Matapos kong itupi ang sako at kartong nagsilbing higaan sa gabing nagdaan, nagsimula na akong maglakad. Hindi pa ako nakalalayo ay naramdaman ko na ang pagkalam ng aking sikmura. Himas-himas ang aking tiyan, napadaan ako sa isang panaderya. Gusto kong bumili ng isang supot na mainit na pandesal. Magandang katambal iyon ng sinangag.

"Hoy! Umalis ka nga dito! Kaaga-aga panira ka ng buwenas!" Napapitlag ako sa sigaw ng babae. Ibinubusog ko pa nga lang ang sarili sa aking imahinasyong umagahan. Naglakad na ako palayo.

"Maning!"

Sa boses pa lang, kilala ko na ang tumatawag sa akin. Nilingon ko si Joy na pinagpapawisan na sa pagtakbo. Madaling pagpawisan si Joy dahil sa mga tabang bumabalot sa kanyang batang katawan. Hindi ko alam kung paano nangyari iyon, na tumaba siya ng ganoon, samantalang pareho lang naman kaming batang kalye.

"Saan ka ba natulog? Hinanap kita kagabi." Bakas sa mukha niya ang pag-aalala. Ikinibit ko na lang ang aking balikat at bahagyang ngumiti. Napasimangot naman si Joy sa ginawa ko.

"Tara na. Hanap na tayo ng makakain. Nagugutom na ako e," sabay hila sa kamay ko. Nagmukhang tutpik ang kamay ko sa pagkakahawak niya.

Sinundan ko na lamang si Joy. Wala namang saysay kung sasalungatin ko siya at makikipaghilahan. Alam naman naming pareho kung sino ang mananalo. Habang naglalakad, pinagmasdan ko ang likod ni Joy. May ilan ng mga basang parte sa likod ng madumi niyang t-shirt. Umuukit ang kanyang mga taba na nag-gagalawan habang naglalakad. Itinaas ko ang aking isa pang kamay. Buto't balat. Mahirap maghanap ng pagkain. Iba na ang panahon ngayon. Hindi tulad noong mga nakaraang taon, marami pang naiiwang pagkain, marami pang nag-aabot, hindi tulad ngayon. Hindi man ako edukado, alam kong mas maraming naghihirap ngayon. Damang-dama ang kakulangan. Ibinalik ko ang aking tingin sa likod ni Joy. Nakakapagtaka. Paano niya nakamit ang ganoong katawan?  Bahagya akong nangamba. Delikado pala ang sitwasyon ko ngayon. Kung dumating ang panahong halos walang-wala na talagang makain, ang mga tulad ni Joy ang matitirang buhay. Sila, kapag wala nang makain, papayat pa lang, samantalang ang mga tulad kong dikit ang balat sa buto, mamatay na.

"Huy, Maning!" Napakurap ako. Huminto na pala kami sa paglalakad.

"Ha? Ano 'yon?" Hindi ko narinig ang mga sinabi ni Joy. Kumunot na naman ang noo niya sa pagtatanong ko.

"Tinatanong kita kung ayos ka lang. Kanina ka pa diyan tulala." Ipinatong ni Joy ang kanyang mga kamay sa kanyang bewang. Dapat magmumukha siyang galit, pero hindi. Nagmukha lang siyang laruang oso doon sa tindahan ng mga staptoy.

"Wala. Gutom lang ito. Tara na," sagot ko sa kaniya

Hindi ko na hinintay ang sagot ni Joy at tumalikod na. Sinimulan ko nang mangalkal ng basura, nagbabakasakaling makakapulot ng pagkaing iniwan ng isang mabuting kaluluwa para matagpuan naming mga batang kalye.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Dec 18, 2015 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Sa Mga Mata ng Isang DulingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon