Patawad

69 3 0
                                    

Isang linggo na simula nung iniwan mo ako, simula nung tinapos mo lahat ng nasimulan natin, ang tayo. At sa isang linggo na iyon, ang dami ko ding natutunan.

Nalaman ko na hindi lahat ng nangiiwan, babalikan ka. Oo, umasa ako, kase ganun naman tayo parati eh. Maghihiwalay tapos magkakabalikan ulit, magaaway pero magbabati din naman, magkakabalikan tapos magkakalabuan ulit. Ilang ulit na ding ganun kaya umasa akong babalik ka, pero hindi eh.

Nalaman ko ding mas matangkad pa pride mo kesa sa'yo. Alam kong maliit ako at matangkad ka, kaya nga siguro sabi ng lahat, bagay daw tayo. Umasa ulit akong babalik ka, na bababaan mo pride mo para satin, pero hindi eh.

Nalaman kong hindi ako o ikaw ang problema kundi tayong dalawa. Siguro ako kase masyado akong tanga para patuloy na magpakatanga para sa'yo o ikaw na ubod ng duwag para hindi ako ipaglaban pero kanino mo nga ba ako ipaglalaban kung tayo mismo ang kalaban natin? Tayo na syang nagpapakomplikado ng mga bagay-bagay. Umasa akong tayo din mismo ang aayos sa gusot na dulot natin, pero hindi eh.

At huli, nalaman kong kaya kitang patawarin. Pinapatawad na kita sa lahat ng sakit at saya na dala mo. Sa iyak at tawa, sa kilig at hagulhol. Sa lahat ng pangakong nauwi lang sa wala. Pinapatawad ko na ang pagpapaasa mo, dahil pinapatawad ko na din ang sarili ko. Pinapatawad ko nang nagpakatanga ako sa'yo, na hinayaan ko ang sarili kong mahulog sa musikang dulot ng tawa mo. Pero hindi eh.

Pero pinapatawad na kita, pinapatawad ko na sarili ko, at pinapatawad ko na ang tadhana. Kung bakit kase hindi tayo ang para sa isa't isa. Kaya sana, sana. Sa pagpapatawad na ito ay kasabay ang pagkalimot. Dahil ayoko na. Patawad.

Nalaman Ko...Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon