Nakalipas Na Alaala

8 0 0
                                    

Ako ay isang punong nagmamasid sa dalawang taong nagmamahalan. Ilang taon na ang nakakalipas nang nasaksihan ko ang kanilang masasaya't 'di malilimutang mga alala dito sa lilim ng aking lugar. Naaalala ko't naririnig ang kanilang mga tawanan, mga matatamis na salita sa bawat isa, at ang sigaw ng kanilang mga puso na nagsasabing 'mahal na mahal kita'. Ang mga masasayang alaalang ito ay biglang naglahong parang bula nang maganap ang isang 'di inaasahang pagkakataon ng hapong iyon.

Naghihintay ang dalaga sa lilim ng aking mga sanga upang hintayin ang kanyang sinta. Isang oras. Dalawang oras. Tatlong oras at higit pa. Hindi mapakali ang dalaga sa kakahintay sa kanyang sinta. Lakad dito, lakad doon. 'Nasaan na kaya siya?', bulong ng dalaga. Ang dalaga'y nababahala 'pagkat ang kanyang minamahal ay hindi pa dumarating sa kanilang tagpuan. Alam niyang ang binata ay 'di kailanman nahuhuli sa oras ng kanilang pagkikita.

Habang ang dalaga'y naghihintay sa aking lilim, nakikita ko na sa 'di kalayuan ang binata na naglalakad papunta sa aking lugar. Hindi ko matanto ang kanyang itsura, parang may malalim siyang iniisip. Tiningnan ko ang dalaga at ako'y natuwa sapagkat nakita ko na ang kanyang matatamis na ngiti. Alam kong ang binata ang dahilan ng kanyang pagngiti. Habang papalapit ang binata, napapansin ko na ang kanilang pagtatagpo ngayon sa aking lugar ay 'di kanais-nais. Tiningnan ko ulit ang dalaga at nakita kong napapangiti pa rin siya. 'Hindi ba niya napapansin na may kakaibang kinikilos ang binata?' bulong ko sa sarili.

Huminto ang binata sa paglalakad. Isang dipang layo sa dalaga. Nagtataka ang dalaga kung bakit. Hindi maipaliwanag ng dalaga ang ekspresyon ng mukha ng binata. Nagsalita ang binata.

"Ester, may sasabihin ako sa'yo kaya kita pinapunta dito." sabi ng binata na walang ekspresyon ang makikita sa mukha.

"A-anong sasabihin mo, Baste?" sabi ng dalaga. Kinakabahan ang dalaga sa sasabihin ng binata.

"Gusto ko nang maghiwalay tayo." walang alinlangan na sabi ng binata.

"A-ano? Ba-bakit, Baste? Bakit ka nakikipag..."

"May iba na akong gusto, Ester. Hindi na kita mahal. Hindi mo ba napapansin na hindi na kita masyado kinakausap? Hindi mo ba napapansin na madalang ako magtext sa'yo? 'di mo ba iyon napapansin,huh?" pasigaw na sabi ng binata.

"Ba-bakit, Baste? May nagawa ba akong kasalanan sa'yo? M-may nagawa ba ako na 'di mo nagustuhan? S-sabihin mo sa akin. Please, huwag naman ganito oh. Mahal na mahal kita." umiiyak habang sinasabi ito ng dalaga. Hahawakan na sana ng dalaga ang kamay ng binata ngunit tinabig nito ang kamay niya.

"Ano ba, Ester! Huwag mo nga ipagsiksikan ang sarili mo sa akin. Wala ka namang nagawang kasalanan eh. Sadyang nawala lang pagmamahal ko sa'yo. 'di lang siguro tayo para sa isa't isa. Darating din balang araw yung taong magmamahal sa'yo, at hindi ako iyon. Dumaan lang ako sa buhay mo." Tuluy-tuloy na sabi ni Baste.

"Mali ka, Baste! Ikaw yung taong iyon! Huwag mo naman akong iwan ng ganito, oh. Huwag mo akong iwan, Baste. Mamamatay ako kapag umalis ka sa buhay ko." hagulgol na sabi ng dalaga.

"Tama na, Ester. Huwag kang maging tanga nang dahil sa akin. Naiinis ako sa mga taong tanga at martir sa pag-ibig!" sigaw ng binata. Sinampal ng dalaga ang binata.

"Ang sakit mo namang magsalita, Baste! Tanga na kung tanga. Martir na kung martir. Pero wala akong pakialam kasi mahal kita. Sobra kitang mahal! Tanga at martir ako dahil sa'yo, Baste! dahil mahal na mahal kita!" sagot ng dalaga. Umiiyak ang dalaga. hindi makapagsalita ang binata. Mga ilang segundo ay nagsalita ang dalaga.

"Sayang ang mga pinagsamahan natin, Baste. Paano mo nagawa sa akin ito? Bakit mo ako sinasaktan ng ganito? Akala ko ba 'di mo ako sasaktan? Pero bakit sinasaktan mo ako? Tama nga ang sabi nila, maraming namamatay sa maling akala. Ganito ba talaga kayong mga lalaki? Kapag sawa ka na sa isang bagay, itatapon niyo na lang basta-basta. Ni wala kayong matinong rason." sambit ng dalaga habang ito'y umiiyak.

"...eh sa wala na akong maramdaman para sa'yo eh. Ano pa bang magagawa ko? Masasaktan lang kita kaya ito ang solusyon. Maghiwalay na tayo." pabalang na sagot ng binata. Pinunasan ng dalaga ang kanyang luha.

"s-sige, kung iyan ang gusto mo, Baste. Sa isang iglap, nagbago ka. Naiinis ako sa'yo! Nakakainis ka! Sinaktan mo ako ng sobra, Baste! Ginawa ko ang lahat para tumibay ang relasyon natin pero, sayang lang pala effort ko. Ito na sana ang huli naing pagkikita. Aalis na ako, tutal, wala na. Give up ka na. Give up na rin ako since wala na naman akong dapat ayusin pa." tumalikod at lumakad na ang dalaga papalayo sa aking lugar ngunit bigla siyang huminto. Humarap ulit siya sa binata habang pinupunasan niya ang kanyang mga luha.

"Alam mo Baste, sana mahanap mo ang tunay na pagmamahal. 'wag ka sanang magsawa sa taong mina...s-sa taong mi-minamahal mo ngayon. S-sana sumaya k-ka sa kanya. Sa tingin ko, darating ang araw na makaka-move-on ako sa'yo. S-siguro tama ka nga. Darating ang tamang tao para sa akin. Sana s-sa'yo rin." Tumalikod at naglakad ang dalaga papalayo sa binata. Nakatingin ang binata sa dalaga ng ilang segundo. Tumalikod at naglakad papunta sa ibang direksyon ang binata. Napansin kong tumutulo ang kanyang luha. Hindi kaya, mayroon siyang rason kung bakit niya sinabi ang mga iyon sa dalaga? Huminto ang binata sa paglalakad. Ang binata'y humagulgol sa iyak na tila'y wala ng bukas. Hindi ko alam ang kanyang rason pero nararamdaman kong sobrang mahal niya ang dalaga. Sa tingin ko, ang paghihiwalay nila ang tanging solusyon ng binata kung kaya't sinaktan niya ang dalaga gamit ang mga masasakit na salita. Ang huling pagkikita nila ay magsisilbing isang nakalipas na alaala na walang nakakaalam kung bakit ito ang kinahantungan ng kanilang pag-iibigan. Tanging ang binata lamang ang makakasagot sa tanong na 'bakit'.





Nakalipas Na AlaalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon