12/24/15
---------------------------
Noong una pa lang alam kong hindi ka lang basta-bastang dadaan sa buhay ko. Sa dinami na nang nangyari sa'ting dalawa, hindi ako makapaniwalang tayong dalawa ngayon.
Pero kahit sobrang kaligayahan ang nararamdaman ko. Hindi ko maloloko ang sarili ko na nasasaktan ako.
Oo. Nasasaktan pa rin ako. Nasasaktan pa rin ako kahit ilang beses mo pang sabihin na mahal na mahal mo ko. Kahit paulit-ulit mong pinapaalala sa'kin na ako lang ang mahal mo. Nasasaktan ako kasi kahit ako ang nauna, hindi ko maiiwasan ang katotohanan na mas maraming beses kayong nagkasama at mas marami ang pagkakataong napasaya ka niya. Siguro nga naiinsecure ako. Sobra. Alam mo ba kung gaano ako nanghihinayang? Pinagsisisihan ko yong panahong tinulak kita palayo kaya tuloy napunta ka sa kanya. Kaya imbis na ako, siya. Maganda siya, mukhang mabait, sa tingin ko nga wala ka nang hahanapin pa kaya hindi ko maintindihan kung bakit ka bumitaw sa kanya.
Dahil sa akin? Siguro nga, dapat masaya ako kasi ako ang pinili mo. Pero hindi. Hindi ganoon ang pagkakaintindi ko. Hindi mo ako pinili. Hindi mo siya binitawan dahil sa akin. Binitawan mo siya kasi may mga bagay ka na hindi mo nagustuhan sa kaniya. May mga bagay na ayaw mong baguhin niya sayo. Na kaya ikaw at ako, kasi yong hindi okay sa kanya, sakin ayos lang. Hindi ko alam kung may katwiran ba ako pero hindi ko nakakalimutan yong sinabi mong minahal mo siya. Minahal... at maaaring mahal mo pa.
Tinanong kita. Ilang beses. Sabi mo wala na. Wala na talaga. Pero hindi ko matanggap yong sagot na yon na hindi mo na siya mahal. Kasi sabi mo, hindi naman ganoon kadali ang lahat. Hindi ganoon kadaling kalimutan yong mga alaala niyong dalawa. Humingi ka pa nga ng tulong sakin na kalimutan siya. Ito ba yong sinasabi mong mas mahal mo ako? Na ako talaga ang mahal mo? Bakit pakiramdam ko hindi? Ang sakit lang kasi isipin na wala tayong mga alaalang kayang pantayan yong alaala niyong dalawa.
Kasalanan ko nga siguro. Kasi kahit ako ang nauna, kahit sabi mong ako talaga yong mahal mo, hindi ko maitatangging mas higit yong pagmamahal na binigay niya sayo. Mas minahal ka niya kesa sa pagmamahal ko sayo. Kaya niya ngang ipagpalit ang buhay niya wag ka lang mawala sa kaniya. Naiinggit ako. Sana kaya ko rin yong gawin para sa iyo.
Ngayong binigyan ulit tayo ng isa pang pagkakataon, ayaw ko nang masayang pa uli ito. Ayokong mawala ka pa ulit sakin. Kasi kung nahulog na ako noon. Ngayon, sobra-sobra akong nahulog. Pakiramdam ko hindi na ako makakaahon. Mahal na mahal na mahal na kita. Parang di ko na kayang mabuhay na wala ka. Gusto ko laging nakakausap ka. Lagi kong hinihiling na makasama ka. Ikaw na lang ang laging iniisip ko at ang mga kinabukasan na magkakaroon tayo. Ikaw na ang gusto kong makasama hanggang sa pagtanda. Ikaw. Pinanghahawakan ko na lang ngayon ang mga pangako mo. Sana tuparin mo.
Masakit lang din isipin na maaaring naging pangako mo rin sakanya ito. Ganito pala yon no.. Napakasakit. Minsan gusto ko na lang itigil ang lahat ng ito, pero hindi ko naman kaya na mawala ka sa buhay ko. Kaya titiisin ko na lang lahat ng sakit, makasama lang kita. Sana akin ka na talaga ng buong-buo. Kasi una pa lang sayong-sayo na tong puso ko.