- L : 3 -

560 26 7
                                    





Hinagod ni Rebecca ang aking likod nang sumuka akong muli sa lalagyan. At iyon ang kinahinatnan ng aking almusal. Nangiwi ako sa maasim na lasa sa aking lalamunan at dila. Ayoko talaga ng ganito. Sumandal akong muli sa pinagpatong na mga unan sa aking likod at naghintay ng sasabihin ni Adam. Tiningnan ako ni ama na nag-aalala.

"Ugh," reklamo ko nang maramdaman ang pagtulo ng dugo sa aking ilong.

Agad na naglagay ng tela si Rebecca upang punasan iyon.

"Magiging maayos lang ba siya?" alalang tanong ni ama sa doktor.

Tumango-tango si Adam at naglagay ng gamot sa aking kamay. Ininom ko iyon kasama ng tubig na walang reklamo. "Magiging maayos lang siya, Kamahalan. Hindi naman ito ang unang beses na nangyari ito, hindi ba?" Tumingin sa'kin ang doktor at ngumiti. "Malakas ang Prinsesa, tiwala ako."

Tumango ako, dama ang sakit sa aking kalamnan.

"Sigurado ka bang wala siyang sakit?" tanong ni ama.

Sana'y sabihin na lang ni Adam na meron upang hindi ko na makita si Amelia mamaya sa klase. Sa nalaman ko, aalis ngayon si Adam para pumunta sa Rena upang maging doktor sa paaralang pangkawal doon. At isasama niya si Eufy, tulad ng nakagawian. Mag-iisa nanaman ako sa klase. Hindi ko maiwasang mainis. Bakit pinapayagan ni ama na lumabas siya ng palasyo habang ako ay hindi?

"Sinisiguro kong wala," tugon ng doktor. "Mamaya'y magiging maayos din ang kanyang lagay."

Hinila ko ang manggas ni Rebecca at bumulong, "Nagugutom ako."

Agad na napatingin si ama sa akin-- nakauwang ang bibig at nanlalaki ang mga mata. Tila may takot doon na hindi ko maintindihan. Kahit si Adam ay nakakunot ang noo. Ngunit nagugutom talaga ako. Lahat ng kinain ko ay isinuka ko na kanina.

"Nagugutom ako," diin ko sa kanilang tatlo.

Tumingin si ama na tila naghahanap ng sagot kay Adam at saka inilapat ng doktor ang kamay niya sa balikat ni ama. Tumingin kay Rebecca. "Dalhan niyo siya ng makakain. Karne, mas maganda. Tuwing nagugutom siya, importante ang malagyan ng pagkain ang kanyang sistema upang mapawi iyon-" silip sa Hari "-naiintindihan niyo ba? Hindi siya dapat magutom."

Walang salitang tumango-tango si ama, ang kamay ay nakahawak nang mahigpit sa akin. Ngumiti si Adam at nagligpit ng gamit. "Kung ganon, aalis na ako. Habang wala ako sa palasyo ay si Oren muna ang mag-aasikaso sa inyo. Kung may problema ay tawagan niyo na lamang ako sa Rena, Kamahalan."

Tumalikod na siya upang maglakad palayo. Agad na humabol si ama, "Salamat sa lahat, Adam."

Ngumiti lamang ang doktor at saka umalis na ng aking kwarto kasama si Rebecca upang kumuha ng pagkain. Tumingin ako kay ama at natatawang tiningnan ang takot niyang mukha. "Ama?"

Nahanap niya ang aking mga mata.

"Hindi naman ako mamamatay ah. Bakit ganyan ang mukha niyo?" asar ko.

Nanlambot ang ekspresyon ni ama at saka hinaplos ang ulo ko. Umiling-iling. "Natakot lang ako. Alam mo naman na ikaw na lang ang meron ako, diba?"

Paraisla ii: KahaliliTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon