Kung nakakamatay nga lamang ang pagdampi ng malamig na hangin sa aking balat, pati na rin ang katahimikang halos hatakin ang aking mga mata sa pagluha. Ngunit mas masakit pa rin ang pag-iwan mo sa akin sa kahabaan ng kalsada na hindi ko alam kung may katapusan pa ba. Waring walanghanggan tulad ng aking kalungkutan. Wala kang ideya kung ano ang sakit na idinudulot sa akin ng bawat gabing nagdaraan. Ngunit mas wala kang ideya kung gaano kaganda ang gabi. Mga talang nagniningning sa kalangitan, ang mga talang nagniningnig mula sa aking kinatatayuan, pati na rin mula sa pares ng aking mga matang kanina pa nagpipigil sa pagluha. Napakasakit. Gusto kong abutin ang mga talang ito. Mahagkan ko manlang kahit isa sa kanila, gustong-gusto ko. Bata pa lamang ako'y pangarap ko na ito. Kaya naman mula sa ika tatlumpo't-dalawang palapag ng gusaling ito'y walang pagdadalawang isip na tumalon ako. Wala naman kasi akong abilidad na liparin ang napakalawak na kalangitan, kaya tumalon na lamang ako upang kahit ang mga tala na lamang sa baba ang aking mahagkan. Kasabay nito ay ang pagbagsak din ng aking mga luha. Kailan nga ba ako huling umiyak? Hindi ko na maalala. Tila manhid na ako. Waring batong bumabagsak mula sa napakataas na gusaling ito. Hindi ako magsasawang ulit-ulitin 'to. Ang malamig na hangin, katahimikang humahatak sa akin, ang senaryong ito na paulit-ulit na lamang. Wala ba talagang katapusan? Isa lang ang masasabi ko, napakaganda ng gabi.
BINABASA MO ANG
DAGLIan Mo
RandomMga kwentong pinagbuhusan ng napakaraming sandali, matatapos.. sa isang saglit. Parang kasiyahan mo, matagal bago makamtan ilang segundo lamang atsaka binawi.