Una, napakatamis ng mga simula, ng mga umaga na ang bumubungad sa'yo ay ang kanyang mukha. Nag-aalmusal ka ng kilig at pagdating sa gabi ay baon mo siya hanggang sa paghimbing. Dito, dito mo matututunan ang tunay na kapangyarihan ng isang ngiti, ng ibang kamay na humahawi sa'yong buhok, ng mga mata na sumisisid sa iyong kaluluwa.
Pangalawa, napakadaling maging kampante at masanay sa pagmamahal. Ang malunod sa kapangyarihan ng 'kami', ng 'tayo', ng 'atin'. Pero paano naman ang 'kanya'? Paano naman ang 'ako'? Napakadaling malunod sa akalang ang iyo ay mananatiling iyo.
Pangatlo, mapapagod ka.
Pero pang-apat, ang tunay na pag-ibig, hindi dapat sinusukuan 'di ba!?
Pero pang-lima, ang tunay na pag-ibig ay hindi parating sapat! Kapag ang mga pakpak na binigay nito sa'yo ay bumigat at naging kadenang ni ayaw kang patayuin, kapag ang langit ng pusong minsa'y nilipad mo ay naging kulungang nasa 'yo naman ang susi at kandado pero ayaw mong lisanin...
Pang-anim. Ang pinakamabagsik mang apoy ay mamamatay. Maghanda ka sa sakit.
Pero 'wag kang mag-aalaga ng galit, ito ang pang-pito.
Iiwanan kang puno ng sugat at pilat at paltos nito. Iiwanan kang umuusok sa poot sa kanya, sa mundo, sa sarili mo. Iiwanan ka nitong abo.
Pang-walo. Maghanda ka sa wakas.
Pang-siyam. Alam ko, parang hindi ka pa handa sa wakas, wala naman yata talagang nagiging handa sa wakas pero nandiyan na siya ~
At sa wakas, pang-sampu.Mahalin mo pa siya. Sa tingin, sa tanaw, mula sa abo na iniwan ng inyong apoy, mahalin mo pa siya. Pero kung ang pakpak ng pag-ibig ay naging gapos na, kapag ang dating langit sa puso mo ay bilanggo ka, mahalin mo siya sa huling pagkakataon ~ pagkatapos, bitaw na...
-Juan Miguel Severo ♡