The Thief

917 39 11
                                    

PART 1:

"Ma, alis na po ako," paalam ko.

Lumabas na ako sa bahay namin nang hindi hinihintay ang sagot ni mama. Sanay na naman akong hindi nasasabihan ng "Ingat!" o ano man. Himala na sigurong matatawag kapag nangyari 'yon.

Papunta ako sa university na pinapasukan ko. Alas tres na ng hapon, nakakapagtaka siguro kung bakit ganitong oras ako pupunta sa school, dahil ngayon lang ako nabigyan ng pera. Last year ko na 'to at last sem. na rin, kailangan ko nang magbayad at i-full ang tuition fee at miscellaneous fee ko para makapag-exam ako sa darating na finals.

Sumakay na ako sa trycicle papunta sa paradahan ng jeep kung saan sasakay muli ako para makarating sa school. Saktong pamasahe at pambayad ko lang ang perang dala ko. Mahirap lang kami kaya hindi uso sa akin ang magmeryenda pa o kung ano.

Napatigil ako nang huminto ang trycicle na sinasakyan ko. Tiningnan ko si manong at kung nasaang lugar na kami. Medyo malapit na rin 'to sa paradahan at pwede nang lakarin.

"Sorry miss, na-flat 'yung gulong, isasauli ko na lang 'yung bayad mo," sabi niya sa akin at ibinalik sa akin ang bayad pero binigay ko ulit sa kaniya.

"Medyo malayo na rin naman po ito kaya inyo na 'yan. Ako lang din naman po ang pasahero n'yo. Ipaayos n'yo na po 'yang gulong.Sige po, salamat," sabi ko sa kan'ya at ngumiti.

"Salamat, mag-ingat ka." Naglakad na ako papunta sa paradahan ng jeep. Pasakay na ako nang may humablot ng bag na dala ko. Dahil sa pagkabigla halos hindi ako nakagalaw ng ilang segundo.

"MAGNANAKAW!!!!!!!!" malakas na sigaw ko. Tumakbo ako para habulin ang taong kumuha ng bag ko pero hindi ko siya maabutan.

"BUMALIK KA RITO! HINDI SA 'YO 'YAN!" sigaw ko pa sa magnanakaw pero hindi s'ya lumilingon, para bang hindi n'ya ako naririnig. Tumatakbo pa rin s'ya papalayo sa 'kin. Nakakaasar. Ang malas ko!

"TULUNGAN N'YO 'KO! KINUHA NG TAONG 'YON ANG BAG KO!" sigaw ko pa. Nakita kong huminto ang taong 'yon na para bang tinitingnan niya kung naabutan ko ba siya. Nang medyo malapit na ako sa kaniya ay tumakbo muli siya. Bwiseeeetttt! Ang lakas mang-asar! 'Pag nahuli kita, 'wag kang magpapahuli sa 'kin! Lintek! Ang gulo ko!

Hindi ako humihinto sa pagtakbo kahit hinihingal na ako. Kailangan kong makuha uli ang bag ko. Hindi pwedeng mawala na lang basta 'yun sa 'kin. Nandoon sa bag ko 'yung perang pambayad ng tuition fee ko at ang pamasahe ko pauwi. Pwede akong maglakad pauwi pero paano ako makakapagbayad sa school? Paano ako makakapag-exam? Paano ako makaka-graduate? Susumpain ko talaga ang magnanakaw na 'yon sa buong buhay ko 'pag hindi naibalik 'yung bag ko!

Tumutulo na ang pawis sa buong katawan ko. Hindi ko na kaya pang tumakbo pero hindi ako pwedeng tumigil. Hindi maaring hayaan ko na lang basta-basta na makatakas siya. Ayoko! Kailangan kong tumakbo pa! Hindi pwedeng sumuko na agad ako! Kailangan kong isipin na pinaghirapan 'yon ng mga magulang ko kahit pakiramdam ko ay ayaw nila akong pag-aralin. Siguro kung galing pa 'yon sa dugo't pawis ko, hindi na ako tatakbo pa nang ganito.

"TULUNGAN NIYO AKO! PAKIUSAP!" Tuluyan na akong napaluhod sa lupa. Ganito pala ang pakiramdam ng halos mamaos ka na sa kakasigaw ng tulong pero walang ibang ginawa ang mga tao kundi tingnan ka lang at hayaan. Hindi ko naman sila masisisi pero pakiramdam ko, para akong ligaw sa mundo na pinandidirihan ng tao. Ni ayaw nilang tulungan ang bigyang pakialam. Pakiramdam ko nag-iisa lang ako.

Hinang-hina na ang mga binti ko. Nanginginig na rin ang mga kamay ko dahil sa kabang nararamdaman ng puso ko. Paano na ako nito?

Ramdam ko ang maiinit na likidong bumabagsak mula sa mga mata ko, puno ng frustration at kalungkutan. Lalo akong naiyak nang maalala ko ang mukha ni mama at papa na kapwa galit sa akin. Hindi ko alam kung bakit sila ganoon kasama sa akin, hindi ko alam kung may nagawa ba akong masama sa kanila pero kaunting kibot ko lang nagagalit na sila. Paano pa kaya 'pag nalaman nilang nawala ko ang perang pinaghirapan nila?

The ThiefTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon