Chapter Two

27.3K 681 13
                                    

GABI na nang makaalis ng opisina si Lettie. Pinag-overtime kasi siya ni Mrs. Ramos, ang immediate boss niya upang hanapin ang lahat ng files ng mga designs ng mga bedroom furnitures ng kumpanya sa data stock room. Ipinapahanda raw iyon ng designs department dahil ipepresent daw iyon sa magiging bagong head ng mga ito na kasalukuyang nasa europa pa at darating sa bansa sa susunod ng buwan.

Nang makarating siya sa tapat ng bahay nila ay napakunot noo siya nang makitang madilim sa loob. Kahit gaano siya kagabi umuwi ay palaging iniiwang bukas ng mama niya ang ilaw sa sala ng bahay nila. Malabo namang wala ito sa bahay nila dahil mula nang biglang umalis ang papa niya ay hindi na ito naglalabas masyado ng bahay nila. Imposible ring brownout dahil may ilaw ang ibang bahay sa subdivision nila. Hindi kaya may nangyaring masama dito?

Sa naisip ay nakaramdam siya ng kaba at nagmamadaling binuksan niya ang gate. Pagkatapos ay patakbong lumapit siya sa pinto ng bahay nila at nagmamadaling binuksan iyon. "Ma!" pasigaw na tawag niya sa kaniyang ina nang makapasok siya.

"Lettie! Ano ka bang bata ka huwag kang sumigaw," mahinang saway ng boses ng mama niya. Kinapa niya ang switch ng ilaw at pinindot iyon. Kumalat ang liwanag sa sala nila.

Nanlaki ang mga mata niya nang makitang naroon ang mama niya at ang kaniyang ama! "Pa!" mangha ring tawag niya rito. Taon na ang nakalilipas mula ng huli niyang makita ang papa niya at hindi niya alam kung makakaramdam siya ng saya na naroon na ito, pagkagulat sa bigla nitong pagsulpot o inis dahil bigla itong nawala at inatang sa kaniya ang pagbabayad ng mga utang nito. Sa huli ay tila ipinako siya sa kinatatayuan niya habang nakatitig dito. Mas pumayat ito at tumanda kaysa noong huli niya itong makita. Mas lumamang ang pagkaawa niya sa itsura nito kaysa sa iba pa niyang emosyon.

Sabay pa siyang sinaway ng mga ito. "Huwag kang maingay Letticia! At isara mo ang pintuan dali," mahinang utos ng papa niya.

Itinikom niya ang bibig at tumalima. Pagkatapos ay lumakad siya palapit sa mga ito. "Saan ka nagpunta papa? Bakit ngayon ka lang umuwi? Pinag-alala mo kami ni mama! At alam mo ba kung ilang beses na kaming pinuntahan ng mga pinagkakautangan mo at tinakot na magbayad?" dere-deretsong sabi niya rito.

Bumakas ang guilt sa mukha nito. "Pasensiya ka na anak. Kung hindi ako umalis ay mas lalo lamang kayong madadamay sa katangahang ginawa ko sa buhay ko. Alam ko na ikaw ang umaako ng mga problemang ginawa ko anak. I'm really sorry Lettie. Hindi ko na talaga uulitin ang ginawa ko," hinging paumanhin nito.

Napabuga siya ng hangin at napasalampak ng upo sa one seater na katapat ng kinauupuan ng mga ito. Ano pa bang maari niyang sabihin kung humihingi na ito ng tawad na gaya niyon? Kahit anong gawin niya ay hindi na mababago ang katotohanang lubog sila sa utang. Isa pa ay ito pa rin ang kaniyang ama. Bukod naman sa pagkalulong sa bisyo nito ay naging mabuting ama naman ito sa kaniya. "Pa, naiintindihan ko na nagsisisi ka na sa nangyari. Pero sana man lang sinabi niyo kung nasaan kayo para hindi kami nag-aalala lalo na si mama. Para kung paano na lang tayo makakabayad ang poproblemahin ko," napapagal na sabi niya.

Tumikhim ito. "Ah, tungkol sa bagay na iyan hija, may paraan para mabayaran ang lahat ng utang ko at muli kong maitaguyod ang negosyong iniwan ng lola mo kahit papaano. Iyon ang dahilan kung bakit nagkaroon na ako ng lakas ng loob na bumalik dito," sabi nito.

Napaderetso siya ng upo at napatitig dito. Bahagya siyang nabuhayan ng pag-asa. "Paano ho?" tanong niya.

Nagpalitan ng tingin ang mga magulang niya. Bigla ay nawala ang pag-asang kanina ay naramdaman niya. Base sa paraan ng pagtitinginan ng mga ito at nababahalang ekspresyon sa mukha ng mama niya ay mukhang hindi niya magugustuhan ang sasabihin ng papa niya. Nag-iwas ng tingin ang mama niya. "L-lettie, patawarin mo sana ang papa mo," pahikbing sabi pa nito.

MARRYING A STRANGERTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon