Hanggang Saan Ba Dapat?

232 4 0
                                    

“Tayo na po sa tuwid na daan tungo sa kaunlaran.”

“Kayo po ang boss ko.”

-          President Benigno Simeon C. Aquino III

 Ilan ang mga iyan sa mga tumatak na kataga na nagsisilbi na ring pangako ng ating pangulo. Sa mga pangakong iyan, hindi maikakailang marami sa atin ang umasa na sa pamamahala niya ay mas makikita na natin ang kaunlaran para sa ating sarili, pamilya at bayan. Ngunit tila yata naghihintay na lang tayo ng magagawa ng kanyang pamamahala at saka tayo ngangawa kung hindi natin agad ito nadadama’t nakikita. Hanggang saan ba dapat tayo makialam?

 Sa nagdaang SONA, nakita ko kung gaano karami ang kabataang wala nang pakialam dito. Sabi pa nga ng isa sa mga kaklase ko, “Bakit, ano bang nagawa niya?”

  Una, ano ba ang SONA o State of the Nation Address? Ito ay taunan at obligadong pag-uulat ng Pangulo ukol sa mga progreso at pangyayari sa ating bansa ayon sa kanyang pamamahala. Bakit naman tayo dapat makialam dito? Sapagkat tayo ay mamamayan ng Republika ng Pilipinas, kung kaya't anuman ang mangyari sa ating bansa, apektado tayo dito, mabuti man o masama, maliit o malaki ka mang tao.

  Bago ang araw ng SONA, planado na talaga sa utak ko ang pagsubaybay dito. At isa sa aking dating kaklase ang nagpasa ng pangkatang mensahe na sinasabing lahat tayo ay dapat makiisa sa SONA, na hindi kawalan ang pagliban ng isang araw sa klase dahil maaring dumating ang araw na mag-isa ka na lang o tatlo na lamang kayong pumasok dahil sa taas ng matrikula, pamasahe at bilihin, at tungkulin nating makiisa sapagkat bago pa man tayo maging isang istudyante ay mamamayan na tayo ng Pilipinas. Na hindi daw masama ang rally dahil isa itong lehitimong pagpapahayag ng opinyon at nangangahulugang nagkakaroon ka ng kritikal na pag-iisip. Ilan sa mga sinabi niya ay pinapaburan ko. Ngunit ang sabihing hindi kakulangan ang pagliban sa klase para makiprotesta? Hindi ba’t nang magsimula kang mamulat sa mundo, binigyan ka na ng magulang at mismong bayan mo ng responsibilidad na makapag-aral ng mabuti bago ang anupaman upang matutunan ang mga bagay na kakailanganin mo sa pagtagumpay? Oo nga, hindi lahat ay sa paaralan lamang natututunan. Ngunit sa pagprotesta ba nila na may kasunod na sigalot, may mapupulot ka pa kaya? Sa protestang magulo, mapapakinggan ka rin kaya ng mga taong pinatutungkulan mo ng mensahe?

 Ilang oras bago ang opisyal na pagsisimula ng pag-uulat ni PNoy, nauna ng naibalita sa ating mga telebisyon ang mga kaguluhan sa Commonwealth Ave. sa pagitan ng mga nagpo-protesta at pulisya. Oo at iniimbestigahan pa lamang kung sinong nagsimula ng karahasan sa isa sanang mapayapang pagpapahayag ng suhwestiyon ng ilan sa ating lipunan. Pero bakit parang paulit-ulit na lamang ito? Ika nga, unli-unli? Kaakibat na ng mga pakikibaka ang karahasan. Nakita pa naman naming may mga batang edad 4 ang kasama doon. Tanong po, may muwang na ba iyon para maintindihan ang mga isinisigaw ng mga nakatatandang kasama nila? Hindi kaya mas namumulat sila sa karahasan na dinadanas nila sa pagsama roon at natuturuan na ng pagrerebelde ang mura nilang isipan?

 Sa ulat naman ng pangulo tayo dumako. Alas-tres y kinse ng hapon, nakatutok na kami ng aming pamilya sa balita. Mula sa pagbaba ng helicopter, pagpasok sa Batasan hanggang sa huling salita ni PNoy sa harap ng podium sa Plenary Hall, nasaksihan at napakinggan naming mag-ulat ang Pangulo. Sa kabuuan, naroon naman ang hinahanap ng isang simpleng Juan. Kumbaga sa pagkain, malaman naman. Sinabi niya ang tagumpay sa mga sektor ng turismo, agrikultura, pabahay at mga pangmatagalang plano o long term plans gaya sa pangkalusugan, edukasyon, imprastraktura, kagamitan sa elektroniks at mga paghahanda sa sakuna, suplay ng kuryente, problema sa trapiko, korapsyon, at mga batas na dapat ipasa.

 Ngunit mayroon din sa mga ulat niya ang mapapatanong ka ng “Tagumpay? San banda?”. Gaya ng sinabi niyang pagbaba ng krimen. Base kasi sa mga nababalitaan at nakikita natin, parang lalo pa nga lumala ang mga kriminal at maging ang pagsugpo sa kanilaý nababahiran ng anomalya. Ikalawa, ang pagtaas diumano ng ekonomiya at GDP o Gross Domestic Product. Ayon sa ating pangulo, idineklara ng World Bank na kabilang nga daw ang Pilipinas sa “rising tigers”sa Timog-Silangang Asya dahil sa papagandang ekonomiya. Mababa rin umano ang inflation rate. Ngunit anong nangyayari sa mga presyo ng biliohin, bigas at harina na siyang ilan sa mga pangunahing sangkap ng ating kinakain sa araw-araw. Sa edukasyon din, mas nasusulusyunan na raw ang mga kakulangan sa mga kagamitang pang-eskwela at silid-aralan. Sa parteng iyon, sa puntong ito, aasa na muna ako sa pangako niyang patuloy na pagpapalawig sa kaginhawaan ng mga mag-aaral.  Sana’y magawa niya iyon bago siya bumaba sa kanyang pwesto.

 “Kapag marami akong tamang ginawa, mas darami pa ang aking kasangga,” sabi ng Pangulo. Naniniwala rin naman ako doon. Kung patuloy niya tayong dadalhin sa ipinangako niyang tuwid na daan, darating ang araw na hayahay na ang buhay ng bawat isa. Wala ng sektor ang maghihintay ng himala. Wala ng pangarap na lang.

 Hanggang saan ba dapat ang responsibilidad ng gobyerno sa atin? Hangga’t iniluklok sila ng mga mamamayang Pilipino.

 Hanggang saan naman ang responsibilidad ng bawat isa sa atin? Dapat bang pati ang kakulangan sa ating ihahain sa hapag ay problemahin at isisi pa sa gobyerno? Hindi ba dapat marunong din tayong dumiskarte kung gusto natin ng kaunlaran sa sarili?

 Hanggang kalian pa tayo aangal at magrereklamo? E pare-pareho naman tayong may kaukulang responsibilidad sa baying ating sinilangan.

 Hanggang pangarap na lang ba ang dati’y nasa atin na?

Kuda ng BataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon