this is not mine! i just put it here in wattpad to read it as a reviewer...kekeke v(^__^) nd i'll delete it after our quiz.
President Aquino's SONA 2013: Full text
ABS-CBNnews.com Posted at 07/22/2013 5:45 PM | Updated as of 07/22/2013 5:51 PM
State of the Nation Address of President Benigno S. Aquino III to the Congress of the Philippines, Batasang Pambansa Complex, Quezon City July 22, 2013
Bise Presidente Jejomar Binay; Senate President Franklin M. Drilon; Speaker Feliciano Belmonte, Jr.; Chief Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito Estrada; mga kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Senado at Kamara de Representante; mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga miyembro ng Gabinete; mga unipormadong kasapi ng militar at kapulisan; mga kapwa ko nagseserbisyo sa taumbayan; at sa aking mga Boss, ang mga minamahal kong kababayan: Magandang hapon po sa inyong lahat. Ito po ang aking ikaapat na SONA; dalawa na lamang ang natitira. Halos apat na taon na nga po ang lumipas nang una akong nilapitan ng ilang kampo upang hikayating tumakbo sa pagkapangulo. Ang sabi nila: Alam naming hindi masosolusyonan sa isang tulog, sa isang taon, o kahit pa ba sa anim na taong termino ng isang Presidente ang lahat ng problema ng bansa. Pero simulan mo lang, at tiyak, kasama mo kaming mag-aaruga nito.
Noon pa man, mulat po ako sa tindi ng mga problemang aking kakaharapin. Mula sa pagiging kandidato, o Presidente na, o kahit ba matapos pang makababa sa puwesto, hindi biro ang peligrong kakambal ng trabahong ito. Malawakang transpormasyon ng lipunan ang aking hangarin, at mulat akong marami akong kailangang banggain para matupad ito. Pero hindi po ako pinalaki ng aking mga magulang para tumiklop lamang sa mga hamon. Hindi ko mahaharap ang aking sarili kung tinanggihan ko ang pagkakataong bawasan ang pagdurusang di naman dapat dinaraanan ng Pilipino.