1

23 0 0
                                    

Tumugon nga po tayo sa panawagan, at ang mga kasama natin noong una, nadagdagan pa. Sa paniniwala ko nga po, kung tama ang aking ginagawa, lalo pang dadami ang ating magiging kasangga. Nito ngang nakaraang Mayo, tinanong ko kayo, Boss, tama ba ang direksyon natin? Ang tugon ninyo: tama, at pabilisin pa natin ang transpormasyon ng lipunan. Humiling ako ng mga kakamping makikisagwan sa iisang direksyon, at ibinigay ninyo ito. Ang totoo nga po, hindi lang mayorya, hindi lang siyam sa labindalawa, kundi siyam sa top ten na senador ay mga taong inilapit ko sa inyo. Malinaw po ang mensahe nitong huling halalan: tama, ituloy natin, damihan pa natin ang 8,581 na sitiong napailawan; dagdagan pa natin ang 28,398 na pamilyang dati'y informal settler, ngunit ngayon ay mayroon o magkakaroon na ng disenteng tirahan; palaguin pa natin ang di bababa sa 40 billion pesos kada taong dagdag ng perang napupunta sa edukasyon, kalusugan, serbisyong panlipunan, at marami pang iba, dahil sa tama at mas masugid na pagkolekta ng buwis; dama namin ang marami pang ibang patunay na talagang nagbabago ang lipunan. Lalo nga po akong nabuhayan sa ipinarating ninyong mensahe; malinaw po talagang hindi ako nag-iisa sa pagpasan ng mga responsibilidad. Paano ba naman pong hindi lalakas ang aking loob, kung pati ang mga tulad ni Ginoong Niño Aguirre ay nakikihubog sa ating kinabukasan? Isipin po ninyo, hindi na nga makalakad dahil sa kapansanan, pilit pa rin niyang inakyat ang presintong nasa ikaapat na palapag ng gusali, para lang makaboto at makiambag sa tunay na pagbabago ng lipunan. Salamat, Ginoong Aguirre.

Hindi nga po nauubos ang mga Pilipinong handang makiambag, na siyang ugat ng pagbabagong tinatamasa natin ngayon. Ang stratehiya: Sagarin ang oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga mas nangangailangan. Hindi natin pakay maghintay ng trickle down; hindi puwedeng baka sakali o tsamba lang silang daratnan ng mga biyaya ng kaunlaran. Ito pong tinatawag nating inclusive growth- itong malawakang kaunlaran-ang mismong prinsipyong bukal ng bawat inisyatiba, bawat kilos, bawat desisyon ng inyong gobyerno. Ang maiiwan na lamang ay ang ayaw sumama, dahil hindi sinamantala ang pagkakataon.

Ang atin pong batayang prinsipyo: Malawakang pagkakataon ang susi sa malawakan at pangmatagalang kaunlaran. Huwag po sana nating kalimutan na ang pagkakataon ay punla lamang. Kailangan itong diligan ng sipag, alagaan ng determinasyon, at payabungin ng dedikasyon. Tingnan nga lang po natin ang mga TESDA-DOLE Scholars. Sa 503,521 na napagtapos na natin dito, tinatayang anim sa bawat sampu ang nagkatrabaho. Noong araw po, ayon sa pag-aaral ng DBM noong 2006 hanggang 2008, ang nakahanap ng trabaho sa mga napagtapos ng TESDA: 28.5 percent lamang. Noong lumipas na taon naman po: sa IT-BPO program, 70.9 percent ang employment rate ng ating mga napatapos sa TESDA. Sa electronics and semiconductor program naman, umabot sa 85 porsyento ng mga nagtapos noong 2012 ang nagkatrabaho. Malinaw po: Kayo mismo ang huhubog, kayo mismo ang magdidikta kung hinog at matamis ang bungang kolektibo nating pipitasin, o kung magiging bulok at katiting ang kahihinatnan ng mga pagkakataong bumubukas sa kabanatang ito ng ating kasaysayan.

Isa-isahin po natin. Ang layuning palawakin ang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program: natupad. Ang dinatnan nating mahigit 700,000 kabahayang benepisyaryo ng programa noong 2010, umabot na sa halos 4 million na kabahayan sa ating administrasyon.

Meron pa po: Galing sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies, mas malaki ng tinatayang 40 porsyento ang sinasahod ng mga naka-graduate ng high school, kumpara sa mga elementarya lang ang tinapos. Di po ba makatuwirang sagarin na natin ang tulong na ibinibigay natin sa mga pamilya, upang makumpleto na ng mga batang benepisyaryo ang high school, at sa gayon ay maisagad na rin ang benepisyo ng programang ito? Kaya nga po, sa susunod na taon, magiging saklaw na ng programa ang mga pamilyang may kabataang abot sa 18 taong gulang, upang hanggang sa high school ay mapagtapos na sila.

Sa edukasyon naman po: ang layunin nating itaas ang kalidad ng kaalamang natututuhan ng kabataan, upang matapos mag-aral ay mapanghawakan nila ang mga oportunidad na bumubukas sa ating lipunan: Natupad. Nabura na po ang minana nating kakulangan sa libro at upuan, at kung magpapatuloy nga po ang pagpapakitang-gilas ni Kalihim Armin Luistro, pati ang kakulangan sa silid-aralan ay mabubura na rin. Ang magandang balita pa: may kakayahan na tayong paghandaan ang magiging pangangailangan dahil sa K to 12 program.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jul 23, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

PNOY's 4th SONA!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon